Thursday, October 25, 2018

Takas


Lagi akong hinahanap sa meetings namin. Unang Projects Review and Evaluation Workshop (PREW) ng Calabarzon sa Programa namin, wala ako. Hindi ako pumunta. Hindi ko pa tapos yung trabaho. Unang beses akong naiupo sa isang coffee shop ni boss dahil naka-Regional Special Order na dapat nandun lahat. “RSO ‘yun, hindi dapat yun mababali,” sabi n’ya. Half-day din akong sumuweldo ng pinapagalitan lang.

Hindi ko kasi maatim na mag-team building nang di pa natatapos ang trabaho. Kumendeng-kendeng sa cheering na may nakabinbing gawain. Isa pa, kaka-team building lang namin last week ah? Ganun daw talaga, sunod na lang.

Unang beses kong regional meeting na dinaluhan, nakapag-eksena ako. To the point na naiyak pa ko sa gigil, hiya, at inis dahil hindi ko makuha yung sistematiko at matalinong sagot kumbakit ang tagal umusad ng pondo para sa mga proyekto ng komunidad. Cliche ang isinasagot sa’kin gaya ng “kung di ka magiging part ng solution, manahimik ka na lang”. Saang troll page galing yan? Dagdagan ko raw kasi ang yabang ko sa bayan ko para maniwala sila. Naiyak na ako sa gigil. Pinapaakyat ako ni Binong sa taas, sinusulsulan akong mag-walkout. Umiyak lang ako sa kinauupuan ko at hinayaan ko silang tingnan ako. Hindi naman ako ganito sa mga dati kong trabaho.

Mga ilang beses pang di ako umaattend ng meeting. May problema ako noong iregularidad sa isang proyekto, nangulit na ko sa e-mail, text, at tawag. Akala yata’y hahayaan ko na lang dahil marami pa kong trabaho. Naka-schedule ang team noon na gumawa ng summer station id. Hindi ako umattend, keber na ang kaltas sa suweldo. Bahala na ulit kay boss.

Hulyo 2016. Ito yung pinaka madilim na buwan so far. Nag-umpisa na akong mahirapang matulog. Una, inaabot ako ng pasado alas dose. Minsan ala-una o alas-dos na bago ako makatulog. Baka stress lang, kaya nagpahilot ako. Lumakas din akong kumain lalo na ng matamis. Tumambok pa ang pisngi ko noonat sumikip ang pantalon.

Ayokong dumating ang gabi. Pakiramdam ko ang haba-haba ng gabi. Higit na mas mahaba kaysa araw. Kahit napupuyat, ganun pa rin naman ang trabaho ko sa opisina at baranggay. Minsan kahit inabot ako ng alas tres ng madaling araw kaya ko pang magbaranggay ng apat kinabukasan. Okay ako sa opisina. Parang may hila na akong malaking itim na baka kapag nasa apartment.

Wala akong ganang magbasa’t magsulat. Nakahiga lang ako’t naghahanap ng antok. Natatakot ako sa kung anong kumakabog sa dibdib na parang sasabog kung itutuloy ko ang tulog. Wala akong nakikita. Wala akong naririnig. Pakiramdam ko lang sa gabi may nakahilig sa’king malaking baka. Higitan kami sa umaga. Pagtungtong ko ng opisina; tuloy pa rin naman ang feedback reports at sinusulat na proposals; karaniwa’t tuloy lang.

Isang alas-tres ng madaling araw nahuli ko nang sarili kong nagsasalita ng “ayaw mong matulog ha, sige magpatayan tayo,” at humawak ako ng ballpen para magsulat. Wala namang pupuntahan yung sinulat ko hanggang antukin lang ako sa mga boring na ideyang nasa papel. Lalo akong natakot nang minsang inabot ako ng alas sais ng umaga at kinakayang magtrabaho sa umaga. Hindi po, hindi po ako nagda-drugs.

Kapag weekends, hindi ako lumalabas ng bahay. Hindi rin ako naliligo. Hindi kumakain. Para akong ginulpi. Babangon lang ako para kumain at tatamarin pa akong maghugas ng kinainan. Ayokong magpabisita sa bahay. Ayoko rin munang lumabas at makipagkuwentuhan.

Naalala ko nagkukuwento ako kay Bo. Para gusto kong palitan lahat. Ayokong umuwi sa bahay. Hindi kami nagkukuwentuhan tungkol sa mga gani-ganito. Ayokong umuwi sa simbahan. Aaralan lang ako ro’t sasabihing kulang lang ako sa ‘praise the lord’ kaya ako nagkakaganito. Hindi ko na maalala pero parang inaway ko si Bo sa chat. Hindi ko na rin maalala kumbakit sorry rin ako ng sorry. Matiyaga lang s’ya talaga.

Itinapon ko rin ang mga tinidor at kutsilyo sa apartment ko sa basurahan. Hindi, hindi ko maiisip na maglaslas dahil takot ako sa dugo. Pero umabot ako sa pagsabunot sa sarili. Pag-umpog ng ulo sa pader. Para lang sigurado kailangan kong alisin yung matatalas na bagay sa bahay. Ang dami ko pang deadlines. Busy ako. Bukas na lang. Pero may mga pag-iisip talaga. Naghahanap ka talaga ng pisikal na sakit para tagpian yung pagsuwag ng itim na toro sa dibdib mo. Parang butas-butas ka na’t tumatagas lahat ng nasa loob mo.

Sobrang hina ng pakiramdam. Ayoko kong magpraise the lord but I still go to church every Sunday. Wala. Walang paggaling akong nararamdaman. Ang bigat-bigat ng itim na baka na minsa’y sumasakay pa sa likod ko kung di nanunuwag sa dibdib. Gusto ko nang magpakonsulta kaya lang wala kaming leave credits at wala naman akong pera. Ayokong mag-take ng gamot. Baka madala pa sa simba talaga. Pero hindi talaga.

Nagkuwento na ko kay Mil. Hindi naman kami close sa church. Parang meron ako. Ine-expect kong sasabihin nya ring kulang ako sa praise the lord. Baka kulang ako sa faith at trust kay Papa God at iba pang Christian cliches. Baka kailangan ko lang ng memory verse na “Casting all your cares upon Him” at mawawala nang parang bula ang itim na baka. Hindi n’ya raw alam ang sasabihin. Hindi s’ya nagreseta. Pakiramdam ko natulungan na ako. Lalo na nang may ibinigay s’ya sa’king aklat.

Naglakad din kami noon sa Sampaloc Lake nina Uloy at Nikabrik. Hindi kami nag-bike para mas matagal at mas nakakapagod. Parang nagle-lecture lang ako habang pinapanood ang lawa sa’ming kaliwa. Kailangan lang kasing pag-usapan at tanggapin na kailangan ko ng mahihingahan. Hindi pala ako laging maliwanag. Hindi ako laging makislap. Kailangan lang aminin na umaandap-andap din ako.

Bigla na lang nawala isang araw. Minsanan na lang ito dumalaw. May nakapagturo sa’kin na ang side effect ng anti-histamine ay antok. Hindi ko naman inabuso pero bumili ako ng isang banig. Iniinom ko sa hapon kapag nangangamba akong may dumalaw ulit.

Hanggang dumating na naman ang isang regional meeting. Para na naman akong paniking nakulong sa isang maliwanag na kuwarto. Hindi matali hangga’t di nakakatakas. Pailang strike ko na pero bahala na may ipon naman ako. E-mail na pinadala ko kay boss re Takas Incident sa Caliraya.

To: ********
Bcc: Tsang Lorie
Subject: Takas

Magchi-cheer at maglalaro lang naman tayo all day, ang liit na bagay pero kinakatakot ko. Ng sobra. Naninikip 'yung dibdib ko. Sinubukan ko namang i-mental hack yung sarili ko. Akala ko kasi perspe-perspective lang. Pero hindi talaga.

May social anxiety yata ako. Hindi pa ako nagko-consult. Aminado akong napipigilan ako ng stigma kapag nagpa-psych. Wala rin kaming leave at ang mahal din ng consultation. May depression episodes ako (last year) kaya iniiwasan ko lahat ng pwedeng trigger kasi inaabot ng ilang weeks bago ako maka-recover.

Walang may alam sa bahay. Walang may alam sa team o kahit sa cluster 6. Hindi ko rin kinukuwento kasi iniiwasan ko 'yung mga "ok lang yan" at "dapat positive lang lagi" remarks na hindi nakakatulong.

Sorry. Gets ko yung RSO. Gets ko na dapat nagsabi ako sa'yo at kay Ate Lors. Kaya lang kinain na ako ng takot na baka hindi n'yo ma-gets. Ayokong i-spoil 'yung araw dahil lang "nagpaka-KJ" ako (sa pananaw ng iba). Kaya lang parang lalong na-spoil kaya sorry.

Na-appreciate ko 'yung patience mo sobra. Nahihiya na rin ako as in. Alam ko 'yung consequence, natakot din ako. Isa pa lang ang nasusuot ko sa mga bago nating uniforms pero you always know what's the best for the team.

Sorry at Salamat;


Parang ginagamit ko lang na panggalang yung itim na baka tutal pahara-hara din naman s’ya. Peroparang hindi na talaga healthy ang trabaho ko kahit gusto ko pang protektahan at ituloy ang mga gawain sa komunidad kailangan ko ring mag-alaga ng sarili. Kahit naka-blind carbon copy lang si Tsang Lorie, kasamahan sa trabaho, at hindi dapat s’ya nag-reply dahil mababasa ni boss; nag-reply pa rin ito. Pero hindi ko binasa noon. Ayoko kasing magpaalaga at alalahanin parati. Kunwari maliwanag pa rin ako. Mahigit isang taon ang nakalipas nang buklatin ko ang e-mail n.’ya:

Nalungkot ako pagkabasa ng letter mo. Sorry, Jord ha hindi namin kasi alam. Talagang nainis at nag isip kami nung malamang umalis ka na walang pinagpaalaman isa man. Sinubukan kong tawagan ka last friday pero di kita mareach. Pinili kong hindi ka itext at kako ay mag uusap na lang kita. Salamat at ibinahagi mo sa akin ang dahilan. Hindi ka man nahingi ng payo ay gusto kong himukin ka na magkunsulta. Hindi ka naman na iba sa akin at makakaasa kang wala akong pagsasabihan ng lahat ng ito. Iki mag ingat. Iwasan ang mastress. Nandito lang ako kung anuman.

Christmas Party namin last year ang huling takas ko at hindi na ako nakapag-renew ng kontrata. May sipa pagdating sa ipon ko sa banko. May pagdurugo pero may paghilom din. Hindi lang hanggang touchy-feels ang Tsang Lorie, Tita Cars, Tita Mildreds at iba pang titas of Batangas. Mararamdaman mo ang patuloy nilang suporta sa mga nilulut nilang ulam, binebake na cookies, at pagpapa-overnight noong naghahanap pa ulit ako ng matatrabaho.

Sa ngayon, ginigising ako ng huni ng mga ibon, naarawan sa pagbubungkal, nakikipag-usap pa rin sa komunidad, humihikab sa ihip ng Taal, kukumutan ng mga tala, at pahihimbingin ng koro ng mga kuliglig. Hindi ko na kailangang tumakas.

#






Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2018

Kaya Kaya (Part II)



Paglabas namin ng gate, pinilit kong humalakhak. Kasi parang joke, iniisip lang namin ‘to few days ago. “Puwede pa lang mangyari ang worst at your first!” sabi ko habang tumatawid sa tulay ng Lipute pababa ng Palsara.

The Search is on...
Bumaba kami malapit sa pampang ng Palsara. Hindi namin maalala ‘yung pangalan ng resort. Santo ano nga? Hindi ba Monte ano? Or Vista something? Nagtanong na kami kay manong na humihigit ng kanyang bangka. Okay, dun sa LakeShore malapit sa munisipyo ng Balete. Parang resort sa dalampasigan na tinawag mong SeaSide or alaga mong aso na pinangalanan mong Dog. Tinanaw namin ang mga ilaw na tinuro ni manong, ang layo, magkano kaya ang pahatid noon pabalik sa’min?

Mga Sabi-sabi:
Bandang alas-siete na, nagfa-flashlight kami ni Red. Search and retrieval operation sa tabi ng lawa. Hanggang napapunta kami sa mga barung-barong malapit sa lawa pero ‘dagat’ ang tawag nila.  Nagtanong-taong kami kung may nabalitaan silang nagsagip na mangingisda ng dalawang naka-life vest sa lawa. Wala raw silang nababalita kasi kung kapwa nila mangingisda, aalingawngaw iyun sa lugar nila.

“Naku, mag-iingat kayo rito at may milagro ‘yang lawa. Nagbubuwis ‘yan.” sabi ng isang mangingisda. “Kahit kaming taga-rito, hindi makapagyabang ng paglangoy d’yan.” sabi pa ng isa. “Kapag may nalulunod dito makatatlo o ikapat na araw pa bago lumutang.” Di umano’y maalwan ang palaot pero maganit na ang pagbalik.

Bumalik kami ni Red at nakalagpas pala kami ng Lakeshore, natanaw namin ang isang malaking kahel na bagay, bumilis ang lakad namin, pero maingat pa rin dahil sa mga basag na bote na marahil tinatapon lang sa tabi ng lawa ng mga manginginom.

Hinapo’t Hapunan
Si Kuya Boy ang nakausap namin. Isa palang caretaker na kasamahan ni Kuya Boy ang nakaligtas sa aming bisita. Abot-abot ang pasalamat ko. Gatonelada sa bigat ang kayak naming napuno ng tubig. May mga crack naman pala. Hindi reported sa’kin at nasa tabi pa rin ng pampang kaya naipagamit pa namin.

Gamit ang natitira pa naming lakas ng loob ni Red, pinagtulungan naming itumba ang kayak na napuno ng tubig ng lawa para tumulas ang tubig at bukas na lang kukuhanin. Ang nakaya lang naming iuwi nang gabing ‘yun ay dalawang sagwan.

Naghapunan kami kena Tita Eva at napainom ako ng kapeng barako. Ambigat ng lahat sakin; likod, mata, at paa. Saka ko lang naramdaman ang pagod habang kumakain. Nag-energy drink si Red. Kinaladkad na namin ang sarili pauwi ng Brgy. Kinalaglagan ng lakad. Tumambay na lang ako saglit nang gabing ‘yon. Hindi na ako nag-report sa exec. dir. dahil alam ko’y nagbabakasyon ito sa Singapore. Bahala na bukas. Hinihigop na rin ako ng antok.

Good morning!
Nagsulat na ako ng incident reports. Kasi habang nag-aalmusal kami ni Red ay may naghihintay na palang bisita at ang tagal nang naghihintay. Abot-abot ang paghingi ko ng paumanhin hindi naman nai-report sakin na may darating ngayon. Manageable naman kumpara kahapon.

Tapos, nag-usap kami ni Sir Jan na manager ng kapit-bahay namin. Artista raw pala ’yung lalaki. Ipinakita n’ya sa’kin ang isang movie poster. Pinag-uusapan lang namin ‘yang pelikula na ‘yan few days ago ni Tita Cars. May serye rin pala ito sa TV ngayon. Wala naman kaming TV sa bahay. Wala namang may gusto ng nangyari. Mapa artista o hindi ay dapat ingatan kapag nasa loob ng lugar namin. Kailangan namin ng malinaw na safety management guidelines.

Ilang araw pagkatapos ng insidente, nakatanggap ako ng e-mail from Sir Howie Severino ng safety guidelines na in-edit ko ng kauntian para mapag-aralan namin ang mga pag-iwas at mga paghahanda sa mga insidente. Kena Sir Howie 'yung katabi naming rest place.

Pinasundo
Matapos ang mga insidente saka lang pumasok si Warren at Rose Ann. Hindi naman nila alam na may mangyayaring mga insidente nang wala pang isang araw. Bilin ko kay Warren na kung ipapakuha ang kayak ay ipahatid na sa mismong nag-rescue para kumita naman ito. Nag-iwan ako ng 400. Kapag matatawaran mo ng 300 pesos tawaran mo, pero hanggang 500 pesos lang kasi ako ang magsho-shoulder n’yan.

Ako naman ang magpapahinga. Ako naman ang lulubog. Ako naman ang uuwi.

Maagang pupuntahan ni Warren ang kayak para kuhanin. Naisip n’yang kuhanin na lang ang bangka gamit ang isa pang kayak. Tapos, iabot na lang sa nag-rescue ang 400 pesos. Hindi na nga naman magbe-burn ng gasolina, less carbon emissions! Pero nahingi pa ng dagdag ang may hawak ng kayak namin.

“Ser, gawin mo raw 1.5K ay ayaw ibigay at ang dami pang sinasabi.” text ni Warren bukod pa sa chat ni Rose Ann. Wala na palang busi-busilak ngayon kahit Papasko. E, 750 pesos lang ang cash on hand namin. Maghahagilap pa ako. Nalaglag ang balikat ko dahil ako ang magsho-shoulder ng gastos n’yan para lang matapos at umusad na.

#

Kaya Kaya



Kabilis lang ng mga pangyayari.

So, yun na nga pa-job-job lang ako lately. May apply naman ako ng trabaho na makakabuhay ng pamilya habang nanghuhuli ng Pokemons at isinusulong ang mga ipinaglalaban. Matindi lang talaga ang kumpetisyon sa development sector; ang dami rin kasi talagang magagaling.

Nakakuha ako ng syota - short term (3 months) na business planning consultancy. Pam-band aid sa bleeding kong savings. May mga nagbabayad talaga para sa kaayusan, plano, disenyo, at sistema. Discuss-discuss kami ng community and conservation works. Excited na ang mga brain cells ko sa aaraling environmental issues, community dynamics, flora at fauna.

Meet the Project Team:
Nadat’nan ko sa conservation center si Warren, ang lalaking hiniwa-hiwa kaka-slash: custodian/ water activities assistant/ cashier/ maintenance/ gardener, at si Erick, ang guide for knowledge tours at resident researcher dahil siya ang umaalam ng password sa kapit-bahay. Meron din kaming tourism interns na sina Red at Rose Ann na katulong ko naman sa operations at mga binubunong business plans at open house event. May team ako, kaya pinalitan ko ang termino na manager kundi project leader.

Trabaho tayo...
Sa unang araw, nag-review muna kami nina Red at Rose Ann ng mga memorandums noong nakaraang mga taon. May ilang natupad na. Maraming lumilipat lang sa mga sumunod na memorandum. Habang nagre-review, nagsusulputan ang mga tanong tungkol sa operations at protocols. Alin ang totoong itemized rate ng conservation fee? Paano kung ni-refer lang sa’tin ng kapit-bahay ang magkakayak, magbabayad pa ba sila ng conservation fee? E kung mahangin, papayag ba tayong magkayak? Sino bubuhat? Si Warren daw. Sino magbabantay? Si Warren din. Just in case, worst case scenario, tumaob si kayak, paano hihingi ng saklolo ang guests?

“Pito” sabi ni Rose Ann.
“Pano, gagastos tayo ng pito kada guest?” tanong ni Red.
“Oo nga no?” sabi ko.

Kung gusto mo talagang sustentuhan ang pangangalaga mo sa kalikasan kailangan mo rin talagang magdisenyo ng maayos na pagkakakitaan para sa mga kawani at para sa komunidad na nasa paligid mo. Sustainable tourism and livelihoods, mga ganyang ganap.

Nakitulog ako kena Tsang Lorie at Tita Mildred mo, ikinuwento ko ang mga issues and concerns namin kanina sa team meeting: (1) Nakikisawsaw sa laptop yung barkada nina Warren, (2) Nagyu-Youtube sila gamit ang 599 prepaid subscription namin, kaya ubos agad. Napailing lang si Tsang Lorie kung ikukumpara kasi sa trabaho namin sa gobyerno dati ay pang-kinder lang yung issues and concerns kong dinaranas ngayon.

Usap tayo..
Nakausap ko na kaagad ‘yung ibang mga opisina. Nakahingi na ako ng donasyon sa kanila. Pero hindi pa ako nagpapa-meeting sa buong staff ng center, mga 4-5 yata kami. Baka isipin na bida-bida ako at inunahan ko pa yung executive director ng ngo di ba. Kahit sinabi n’yang “bahala ka sa management mo,” kailangan pa rin ng pagpuputong ng kapangyarihan sa’kin.

Nakipagkuwentuhan na rin ako sa mga manininda ng kutsinta, buchi, at palamig. Nagkakape sa mga karinderya. Nakipaghuntahan sa mga mangingisda’t mamamante. Nagkuwentuhan na rin kami ng mga personal na buhay. Hindi puwedeng hindi ka magkukuwento kapag nagtatrabaho ka sa komunidad.

Ang trabaho sa komunidad ay personalan at hindi trabaho lang.

Pahingi ng Pahinga
 Isa pa lang ang naging day-off ko. Next week; tatlong araw ang weekends ko. Tatapusin ko yung mga backlogs ko sa blogs. At hindi rin matuloy-tuloy ang meeting namin ng exec. dir.. Naiipon ang issues and concerns na hindi ko madesisyunan. Days-off ni Warren ng Weds at Thurs, sabi ko ayoko s’yang gambalain kapag day off n’ya. Days-off ko naman ng Suns at Mons at hindi ko rin gustong magambala.

B-day ni Rose Ann
 Sa’yo ang pagkain. Sa’yo ang inumin. Hapi-hapi-hapi bertdey at oo nabusog mo kami. Inabot na ng hapunan ko yung dala nilang humba. Nagpainom pa ang tatay ni Rose Ann. “Ser, puwede pong uminom dito?” tanong ni Eric pero naka-set up na ang table at kuwatro kantos. Wala pa kaming meeting ng exec. dir. kung payag ba s’ya sa mga hapi-hapi kapag bertdey basta non-biodegradable ang waste. “Hindi ko kayo binasbasan pero wala pa ring bilin sa’kin tungkol d’yan,” kako.  Ayun, nagpagewang-gewang daw sila Rose Ann pag-uwi at muntikan pang mabangga.

Kayak kaya?
Brownout lang maghapon. Hindi kami nakapag-charge. Wala kaming masyadong nagawa dahil sa Drive kami dumudutdot ng trabaho. Gumuhit-guhit na lang ako ng plano. Hanggang maantala ang aking pagdodrowing nang may kano na lumapit sa’kin. Nag-english naman ako. Nagtagalog s’ya! Uupa raw sila ng kayak for two. Day off ni Warren at hindi pa namin alam nina Red kung alin sa mga susi ang para sa storage. Sinubukan na namin ang sanlaksa naming susi. Bakit ang pagkarami-rami naming susi? Escape room ga tayo o conservation center? Nasa storage room kasi ang life vests at paddles. Nakakandado at hindi namin alam kung nakanino ang susi.

“You got a kayaking license?” tanong ko. Nagkakayak naman daw sila sa US. “We can kayak even without life vests, sa tabi lang naman kami,” sabi n’ya. “Kailangan talaga may life vest sir e,” tumanggi na ako at nagpaumanhin. “Sad,” sabi ni kuys. Kinuha ko number ni kuys para i-text s’ya maya-maya o bukas nang maagang-maaga just in case namagawan namin ng paraan. Bumalik na s’ya sa kapit-bahay naming rest place.

Unang guest ko: nalungkot. Sinubukan naming i-reach si Warren kahit off n’ya. Ipinaakyat ko na kay Rose sa taas si Warren. Nakailang labas-pasok at pihit sa kaliwa-kanan pero hindi nagbukas. Bumalik si Rose na nakita naman daw s’ya ni Warren pero biglang nagtago. Sige lang, day off naman n’ya i-solve natin ‘to nang tayo lang.

Bumalik si kuys na may dala nang rash guard. Tumanggi na ulit ako at nagpaumanhin. “Sad naman”. Hindi talaga namin mabuksan. Umuwi na ulit s’ya sa kabila. Wala e. Balik ako sa pagguhit ng design ng halamanan namin. Maya-maya ‘yung gf naman n’ya ang nangulit sa’kin. Ibinaba ko na ulit ang ginuguhit ko para lang magpaliwanag at magpaumanhin ulit. “Baka po bukas,” sabi ko kung makukulit namin si Warren.

Panic fee
Balik ako sa pagguhit, linya-linya, dahon-dahon, “Baka naman nag-panic ka lang Red kanina, try mo nga ulit isa-isa nang dahan-dahan lang.” Nasubukan n’ya na raw lahat. Try mo lang ulit. Maya-maya pa nakarinig na ako ng pitik ng kandado ng doorknob. Nagbukas! Isang mahiwagang “waaaaah” ang narinig ko.

Tinext ko si kuys if they still want to kayak pero isang oras na lang kasi alas-kuwatro na. Bumalik sila nang nakangiti. Inusong namin ni Red ang kayak. Mej mabigat. Inilusong sa tubig. Iniabot ang paddles at life vest. “That’s sweet,” sabi ni kuys.

Nag-iwan sila ng 1 thousand pesos sa’min ni Red. Mamaya na lang resibuhan at hindi namin alam ang buong pangalan ni kuys. Icha-charge ba natin sila ng panic fee? Nataranta tayo e. Kumita naman tayo today kahit papaano. Bumalik na ako sa pagguhit pagkatanaw sa magkasintahang papalayo sa pampang.

Pag-uwi ng Araw
Ang ganda ng paglubog ng araw sa Taal. Parang hiyas na umuuwi sa bunganga ng bulkan. Nakakaalis ng mga isipin. Nakakaginhawa ng paghinga. Nakakasilaw ang banayad na pagkislaw ng liwanag sa sinasalamin ng lawa. Naninimbang ang mga sulasi’t tagak sa ibabaw ng Taal. Habang masayang nagtatampisaw ang mga bata malapit sa pampang.

Overtime
Naghahabol ng oras sa internship si Red. Marami na kasi s’yang absent dahil may mga subject pa s’ya at malapit nang ipanganak ang panganay n’ya. Umuwi na si Rose Ann. Umuwi na ang araw sa Taal. Pero hindi pa rin umuuwi ang magkasintahan.

“Ayoko namang mag-isip ng masama,” sabi ni Red sabay ub-ob sa luma naming lamesa. “Sisingilin na ba natin sila para sa ikalawang oras?” tanong ko. “O ‘wag na lang siguro, let’s be merciful, baka na-enjoy nila ang sunset, t’saka buena mano sila.” Nawawala nga kasi ang konsepto ng oras kung sumasagwan kasabay ng kahibla ng ‘yong pintig.

Nakaligo na ko’t lahat-lahat at nakapaglatag na ng kislap ang mga tala sa Taal pero wala pa rin ang magkasintahan. May tumigil na traysikel sa gate namin at may bumaba na dalawang naka-life vest. Ang tingkad ng kulay na kahel, nagbabadya ng panganib ang pintig ng puso ko.

Tumaob ang kayak. 45 mins silang nagpalutang-lutang. Dinadaan-daanan ng mga mangingisda bago may makapansing kailangan nila ng rescue. ‘yan ang nahagip ko habang kinakain na ako ng kahihiyan. Tiningnan ko sila mula ulo hanggang paa. NO INJURIES! Nawala lang ang tsinelas nila. Abot-abot ang paghingi ko ng sorry.

Binanggit nila ang pangalan ng resort kung saan naroon ang paddles at kayak. Mabuti na lang nahila papuntang pampang. Kundi kulang pa ang susuwelduhin ko sa trabahong ito. Ipinabalik ko na lang ang bayad sa kanila. Ipinawalang-bisa ang resibo. Nag-sorry ulit bago kami lumabas ni Red para puntahan ang kayak.

Parang wala pang isang linggo’y pinag-uusapan namin kung paano kung may tumaob na kayak.

#




  








Wednesday, October 17, 2018

Psstsiritsit atbp.

Psstsiritsit


Sa tabi ng bangbang:


Psst…Psst…Psst…
Sa tanghaling mainit
Mga nguso’y sumisitsit
Sina kuya at ang buong liga
Malayo pa’y nagbubuyuhan na
Dadaan kasi ang reyna sa lansangan
Kaya’t gumigiri ang mga tandang
Sabi nila’y “hi! Ms. Beautiful”
Pa’katapos ay malalakas na sipol:


Witwiw! Witwiw! Witwiw!
Para sa kutis nilang pangarap
Para sa pabangong langhap-sarap
“Porselana”, “mistisa”, “malupet!”
Maganda raw sana kaya lang masungit


Tsk… Tsk.. Tsk…
Nakatungo s’yang umiiling
Mabigat yata ang ganda para dal'hin
Magatod na bestida’y nalulumbay
Hindi ba’t kung reyna’y dapat nakatunghay
At nakaliyad. Balikat ay may kung anong bigat.


#


Po, Opo


Mag-aavon si Inay.
Mula pabango hanggang pantalon
Malimit nga’y blusa, minsa’y baunan ang order sa kanya
Magaling sa kukuha, nangangakong magsusulit
Mahirap kapag katapusan na’t kailangan pang
Mangulit; at sila pa ang may ganang magalit
Magbibilin sa’king maningil
Mamaya pag-uwi kahit nahihiya
Maaring isagot ko lang kay Inay ay opo
Mapapagtaguan, kakagalitan, papakiusapan,
Matatawaran, madalang na mabayaran sa unang singil
Minsa’y pinaningil kay Ka Manding
Medium-size na briefs para sa boypren ang bayarin
Madadanan ko raw ba pagkatapos ng eskwela? Opo
Maalinsangang hapon nang pinindot ko ang doorbell
Mabilis lumabas ang sisingilin nang nakangiti
Mala-kabayong takbong pumintig ang dibdib
Mangyari raw ako’y umupo muna. Opo
Mahahawakan ang aking baba
Mahahaplos ang aking siko


Po?
Opo.


Mantika ang mababakas sa aking noo
Maglalagablab ang aspaltong tinatanaw
Magpapaliwanag kumbakit walang nasingil
Malambot na ang inabot sa’king tsokolate
Mapait ba talaga ang lasa ng imported?
Mas matamis siguro kung may maisusulit ako.


#


Walang Sungay


Wala pala sila sa lungga
Nagtatago sa dilim ang aking akala


Wala pala sila sa gubat
Naglalakad rin pala kung tanghaling tapat


Wala pala silang sungay
Puwede pala silang nasa bahay


Hindi pala ‘to normal
Akala kong laro-laro’y apoy


Na tumutupok sa’kin
Sa loob, humihilab, kumukulo,


Di iilang beses na pinigil
Mga tanong, sumbong, at gigil


Manahimik na lang daw
Para wala na lang gulo


Saglit lang naman daw
Para wala na lang gulo


Ngunit nakakabingi ang mga langitngit
Mababasag nang ngipin sa pagngangalit


Hindi kasi nila naririnig
Ang mga ingay na naririnig ko


#




Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2018