Psstsiritsit
Sa tabi ng bangbang:
Psst…Psst…Psst…
Sa tanghaling mainit
Mga nguso’y sumisitsit
Sina kuya at ang buong liga
Malayo pa’y nagbubuyuhan na
Dadaan kasi ang reyna sa lansangan
Kaya’t gumigiri ang mga tandang
Sabi nila’y “hi! Ms. Beautiful”
Pa’katapos ay malalakas na sipol:
Witwiw! Witwiw! Witwiw!
Para sa kutis nilang pangarap
Para sa pabangong langhap-sarap
“Porselana”, “mistisa”, “malupet!”
Maganda raw sana kaya lang masungit
Tsk… Tsk.. Tsk…
Nakatungo s’yang umiiling
Mabigat yata ang ganda para dal'hin
Magatod na bestida’y nalulumbay
Hindi ba’t kung reyna’y dapat nakatunghay
At nakaliyad. Balikat ay may kung anong bigat.
#
Po, Opo
Mag-aavon si Inay.
Mula pabango hanggang pantalon
Malimit nga’y blusa, minsa’y baunan ang order sa kanya
Magaling sa kukuha, nangangakong magsusulit
Mahirap kapag katapusan na’t kailangan pang
Mangulit; at sila pa ang may ganang magalit
Magbibilin sa’king maningil
Mamaya pag-uwi kahit nahihiya
Maaring isagot ko lang kay Inay ay opo
Mapapagtaguan, kakagalitan, papakiusapan,
Matatawaran, madalang na mabayaran sa unang singil
Minsa’y pinaningil kay Ka Manding
Medium-size na briefs para sa boypren ang bayarin
Madadanan ko raw ba pagkatapos ng eskwela? Opo
Maalinsangang hapon nang pinindot ko ang doorbell
Mabilis lumabas ang sisingilin nang nakangiti
Mala-kabayong takbong pumintig ang dibdib
Mangyari raw ako’y umupo muna. Opo
Mahahawakan ang aking baba
Mahahaplos ang aking siko
Po?
Opo.
Mantika ang mababakas sa aking noo
Maglalagablab ang aspaltong tinatanaw
Magpapaliwanag kumbakit walang nasingil
Malambot na ang inabot sa’king tsokolate
Mapait ba talaga ang lasa ng imported?
Mas matamis siguro kung may maisusulit ako.
#
Walang Sungay
Wala pala sila sa lungga
Nagtatago sa dilim ang aking akala
Wala pala sila sa gubat
Naglalakad rin pala kung tanghaling tapat
Wala pala silang sungay
Puwede pala silang nasa bahay
Hindi pala ‘to normal
Akala kong laro-laro’y apoy
Na tumutupok sa’kin
Sa loob, humihilab, kumukulo,
Di iilang beses na pinigil
Mga tanong, sumbong, at gigil
Manahimik na lang daw
Para wala na lang gulo
Saglit lang naman daw
Para wala na lang gulo
Ngunit nakakabingi ang mga langitngit
Mababasag nang ngipin sa pagngangalit
Hindi kasi nila naririnig
Ang mga ingay na naririnig ko
#
Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2018
No comments:
Post a Comment