Kabilis lang ng mga pangyayari.
So, yun na nga pa-job-job lang ako lately.
May apply naman ako ng trabaho na makakabuhay ng pamilya habang nanghuhuli ng
Pokemons at isinusulong ang mga ipinaglalaban. Matindi lang talaga ang
kumpetisyon sa development sector; ang dami rin kasi talagang magagaling.
Nakakuha ako ng syota - short term (3 months)
na business planning consultancy. Pam-band aid sa bleeding kong savings. May
mga nagbabayad talaga para sa kaayusan, plano, disenyo, at sistema.
Discuss-discuss kami ng community and conservation works. Excited na ang mga
brain cells ko sa aaraling environmental issues, community dynamics, flora at
fauna.
Meet the Project Team:
Nadat’nan ko sa conservation center si
Warren, ang lalaking hiniwa-hiwa kaka-slash: custodian/ water activities assistant/
cashier/ maintenance/ gardener, at si Erick, ang guide for knowledge tours at
resident researcher dahil siya ang umaalam ng password sa kapit-bahay. Meron
din kaming tourism interns na sina Red at Rose Ann na katulong ko naman sa
operations at mga binubunong business plans at open house event. May team ako,
kaya pinalitan ko ang termino na manager kundi project leader.
Trabaho tayo...
Sa unang araw, nag-review muna kami nina Red
at Rose Ann ng mga memorandums noong nakaraang mga taon. May ilang natupad na.
Maraming lumilipat lang sa mga sumunod na memorandum. Habang nagre-review,
nagsusulputan ang mga tanong tungkol sa operations at protocols. Alin ang
totoong itemized rate ng conservation fee? Paano kung ni-refer lang sa’tin ng
kapit-bahay ang magkakayak, magbabayad pa ba sila ng conservation fee? E kung
mahangin, papayag ba tayong magkayak? Sino bubuhat? Si Warren daw. Sino
magbabantay? Si Warren din. Just in case, worst case scenario, tumaob si kayak,
paano hihingi ng saklolo ang guests?
“Pito” sabi ni Rose Ann.
“Pano, gagastos tayo ng pito kada guest?”
tanong ni Red.
“Oo nga no?” sabi ko.
Kung gusto mo talagang sustentuhan ang
pangangalaga mo sa kalikasan kailangan mo rin talagang magdisenyo ng maayos na
pagkakakitaan para sa mga kawani at para sa komunidad na nasa paligid mo.
Sustainable tourism and livelihoods, mga ganyang ganap.
Nakitulog ako kena Tsang Lorie at Tita
Mildred mo, ikinuwento ko ang mga issues and concerns namin kanina sa team
meeting: (1) Nakikisawsaw sa laptop yung barkada nina Warren, (2) Nagyu-Youtube
sila gamit ang 599 prepaid subscription namin, kaya ubos agad. Napailing lang
si Tsang Lorie kung ikukumpara kasi sa trabaho namin sa gobyerno dati ay
pang-kinder lang yung issues and concerns kong dinaranas ngayon.
Usap tayo..
Nakausap ko na kaagad ‘yung ibang mga
opisina. Nakahingi na ako ng donasyon sa kanila. Pero hindi pa ako
nagpapa-meeting sa buong staff ng center, mga 4-5 yata kami. Baka isipin na
bida-bida ako at inunahan ko pa yung executive director ng ngo di ba. Kahit
sinabi n’yang “bahala ka sa management mo,” kailangan pa rin ng pagpuputong ng
kapangyarihan sa’kin.
Nakipagkuwentuhan na rin ako sa mga manininda
ng kutsinta, buchi, at palamig. Nagkakape sa mga karinderya. Nakipaghuntahan sa
mga mangingisda’t mamamante. Nagkuwentuhan na rin kami ng mga personal na
buhay. Hindi puwedeng hindi ka magkukuwento kapag nagtatrabaho ka sa komunidad.
Ang trabaho sa komunidad ay personalan at
hindi trabaho lang.
Pahingi ng Pahinga
Isa pa
lang ang naging day-off ko. Next week; tatlong araw ang weekends ko. Tatapusin
ko yung mga backlogs ko sa blogs. At hindi rin matuloy-tuloy ang meeting namin
ng exec. dir.. Naiipon ang issues and concerns na hindi ko madesisyunan.
Days-off ni Warren ng Weds at Thurs, sabi ko ayoko s’yang gambalain kapag day
off n’ya. Days-off ko naman ng Suns at Mons at hindi ko rin gustong magambala.
B-day ni Rose Ann
Sa’yo
ang pagkain. Sa’yo ang inumin. Hapi-hapi-hapi bertdey at oo nabusog mo kami.
Inabot na ng hapunan ko yung dala nilang humba. Nagpainom pa ang tatay ni Rose
Ann. “Ser, puwede pong uminom dito?” tanong ni Eric pero naka-set up na ang
table at kuwatro kantos. Wala pa kaming meeting ng exec. dir. kung payag ba
s’ya sa mga hapi-hapi kapag bertdey basta non-biodegradable ang waste. “Hindi
ko kayo binasbasan pero wala pa ring bilin sa’kin tungkol d’yan,” kako. Ayun, nagpagewang-gewang daw sila Rose Ann
pag-uwi at muntikan pang mabangga.
Kayak kaya?
Brownout lang maghapon. Hindi kami nakapag-charge.
Wala kaming masyadong nagawa dahil sa Drive kami dumudutdot ng trabaho.
Gumuhit-guhit na lang ako ng plano. Hanggang maantala ang aking pagdodrowing
nang may kano na lumapit sa’kin. Nag-english naman ako. Nagtagalog s’ya! Uupa
raw sila ng kayak for two. Day off ni Warren at hindi pa namin alam nina Red
kung alin sa mga susi ang para sa storage. Sinubukan na namin ang sanlaksa
naming susi. Bakit ang pagkarami-rami naming susi? Escape room ga tayo o
conservation center? Nasa storage room kasi ang life vests at paddles.
Nakakandado at hindi namin alam kung nakanino ang susi.
“You got a kayaking license?” tanong ko.
Nagkakayak naman daw sila sa US. “We can kayak even without life vests, sa tabi
lang naman kami,” sabi n’ya. “Kailangan talaga may life vest sir e,” tumanggi
na ako at nagpaumanhin. “Sad,” sabi ni kuys. Kinuha ko number ni kuys para
i-text s’ya maya-maya o bukas nang maagang-maaga just in case namagawan namin
ng paraan. Bumalik na s’ya sa kapit-bahay naming rest place.
Unang guest ko: nalungkot. Sinubukan naming
i-reach si Warren kahit off n’ya. Ipinaakyat ko na kay Rose sa taas si Warren.
Nakailang labas-pasok at pihit sa kaliwa-kanan pero hindi nagbukas. Bumalik si
Rose na nakita naman daw s’ya ni Warren pero biglang nagtago. Sige lang, day
off naman n’ya i-solve natin ‘to nang tayo lang.
Bumalik si kuys na may dala nang rash guard.
Tumanggi na ulit ako at nagpaumanhin. “Sad naman”. Hindi talaga namin mabuksan.
Umuwi na ulit s’ya sa kabila. Wala e. Balik ako sa pagguhit ng design ng
halamanan namin. Maya-maya ‘yung gf naman n’ya ang nangulit sa’kin. Ibinaba ko
na ulit ang ginuguhit ko para lang magpaliwanag at magpaumanhin ulit. “Baka po
bukas,” sabi ko kung makukulit namin si Warren.
Panic fee
Balik ako sa pagguhit, linya-linya,
dahon-dahon, “Baka naman nag-panic ka lang Red kanina, try mo nga ulit isa-isa
nang dahan-dahan lang.” Nasubukan n’ya na raw lahat. Try mo lang ulit.
Maya-maya pa nakarinig na ako ng pitik ng kandado ng doorknob. Nagbukas! Isang
mahiwagang “waaaaah” ang narinig ko.
Tinext ko si kuys if they still want to kayak
pero isang oras na lang kasi alas-kuwatro na. Bumalik sila nang nakangiti.
Inusong namin ni Red ang kayak. Mej mabigat. Inilusong sa tubig. Iniabot ang
paddles at life vest. “That’s sweet,” sabi ni kuys.
Nag-iwan sila ng 1 thousand pesos sa’min ni
Red. Mamaya na lang resibuhan at hindi namin alam ang buong pangalan ni kuys.
Icha-charge ba natin sila ng panic fee? Nataranta tayo e. Kumita naman tayo
today kahit papaano. Bumalik na ako sa pagguhit pagkatanaw sa magkasintahang
papalayo sa pampang.
Pag-uwi ng Araw
Ang ganda ng paglubog ng araw sa Taal. Parang
hiyas na umuuwi sa bunganga ng bulkan. Nakakaalis ng mga isipin. Nakakaginhawa
ng paghinga. Nakakasilaw ang banayad na pagkislaw ng liwanag sa sinasalamin ng
lawa. Naninimbang ang mga sulasi’t tagak sa ibabaw ng Taal. Habang masayang
nagtatampisaw ang mga bata malapit sa pampang.
Overtime
Naghahabol ng oras sa internship si Red.
Marami na kasi s’yang absent dahil may mga subject pa s’ya at malapit nang
ipanganak ang panganay n’ya. Umuwi na si Rose Ann. Umuwi na ang araw sa Taal.
Pero hindi pa rin umuuwi ang magkasintahan.
“Ayoko namang mag-isip ng masama,” sabi ni
Red sabay ub-ob sa luma naming lamesa. “Sisingilin na ba natin sila para sa
ikalawang oras?” tanong ko. “O ‘wag na lang siguro, let’s be merciful, baka
na-enjoy nila ang sunset, t’saka buena mano sila.” Nawawala nga kasi ang
konsepto ng oras kung sumasagwan kasabay ng kahibla ng ‘yong pintig.
Nakaligo na ko’t lahat-lahat at nakapaglatag
na ng kislap ang mga tala sa Taal pero wala pa rin ang magkasintahan. May
tumigil na traysikel sa gate namin at may bumaba na dalawang naka-life vest.
Ang tingkad ng kulay na kahel, nagbabadya ng panganib ang pintig ng puso ko.
Tumaob ang kayak. 45 mins silang
nagpalutang-lutang. Dinadaan-daanan ng mga mangingisda bago may makapansing
kailangan nila ng rescue. ‘yan ang nahagip ko habang kinakain na ako ng
kahihiyan. Tiningnan ko sila mula ulo hanggang paa. NO INJURIES! Nawala lang
ang tsinelas nila. Abot-abot ang paghingi ko ng sorry.
Binanggit nila ang pangalan ng resort kung
saan naroon ang paddles at kayak. Mabuti na lang nahila papuntang pampang.
Kundi kulang pa ang susuwelduhin ko sa trabahong ito. Ipinabalik ko na lang ang
bayad sa kanila. Ipinawalang-bisa ang resibo. Nag-sorry ulit bago kami lumabas
ni Red para puntahan ang kayak.
Parang wala pang isang linggo’y pinag-uusapan
namin kung paano kung may tumaob na kayak.
#
No comments:
Post a Comment