(2013) Una kong sakay ng eroplano ay papuntang Tacloban, gastos lahat ng humanitarian non-profit org. (2019) Ngayon, pangalawa kong lipad ay Tacloban ulit, gastos lahat ng environmental non-profit. Well, environmental injustice is also social injustice naman din.
Pero time out muna kami nina Jay-O at Jane sa mga ipinaglalaban, pahinga muna ang mga musa ng lawa, dagat at gubat. May conference din ang scientific community sa Leyte, pero 3 days earlier kami para maghikap muna sa Samar-Leyte.
Dumating kami ng Tac nang tanghalian. Anim na taon at #TindogTacloban na nga. Maayos na yung Eva Jocelyn Memorial Shrine kumpara dati na halatang isinadsad ng daluyong sa may kalsada ang barko. Katabi ng iconic landmark ngayon ang mga nagbalikang barung-barong sa no-build zones.
Nagtanghalian kami ng Pakdol sa Dahil Sa Iyo na isang klasik na karinderya. Ang lakas maka-Da King film set ng vibe nung karinderya. Tapos, nagpahinga na sa hotel.
Basang-Basa sa Basay
Nagpunta kami ng Basay. 'yung iba Basey, impluwensya raw 'yun ng mga Kano dahil sa pagbigkas nila ng "-say". Sasakay kami ng bangka bago makasuot sa kuweba. Hinainan kami ng tsaa na may tarragon at mint bago nakakuha ng bangka.
Tinanong ko 'yung isa sa mga tagaroon kung anong pangalan ng ilog, Golden River ang una n'yang binigay at kailangan ko pang ungkatin anong pangalan ng ilog bago pa maging Golden. Sapa san Kadak-an, tuwang-tuwa kaming pangalanan ang mga puno at may ibang hindi namin ma-identify.
Unang beses kong mag-caving. Mahusay ang guide namin na si Enoy, aral na aral at ang ganda ng pagkakahabi ng kuwento nila sa bawat pagsuot mo sa bahagi ng kuweba ng Panhulugan. May relasyon ang loob ng kuweba at ang tumtakip ditong gubat at bagong-bago sa'kin ang siyensiya ng kuweba. Para akong kinder na nasa field trip. May palatandaan na ako sa pinagkaiba ng stalactite at stalagmite. Malaking bahagi rin ng tour ang pagtuturo sa mga turista na huwag hawakan ang mga calcites. Nakita namin ang mga halimbawa ng hinawakan at inupuan na mga calcites. Nakakapanghinayang na yung pinaghirapan ng kalikasang buoin na mga mineral ay sinira lang ng isang hawak.
Sa bahaging ito raw ng Sohoton National Park nagkaroon ng engkuwentro ang mga Waray at sundalong Kano. Sa taas ng Panhulugan nila ihinuhulog ang mga bato't kahoy sa mga mananakop.
Paglabas namin ng kuweba, nakahain na sina Mam Ludith at Erica, ang aming tour guides. Wala kaming almusal at deretso na sa sasakyan paggising kaya pasal na kami. Una naming nilantakan yung ensaladang pako na may mangga, pipino, at singkamas na may suka na dressing. May ginataang manok, inihaw na liempo at hipon din. Sa nito at dahon ng saging kami kumain. May dala rin silang kobyertos. Plastic-free lunch. Ang saya ng puso at tiyan namin sa Leyte Gulf Travel and Tours nina Mam Ludith.
Pagkatapos ng tanghalian, ang sarap sanang matulog pero kailangan pa naming mag-kayak sa Sohoton River para sa isang tulay na apog na isa ring kuweba. Maraming kuweba sa Sohoton National Park at ang probinsya ng Samar ang caving capital ng Pilipinas.
Ang linis ng ilog. Dito nga raw nag-iigib ng tubig ang mga Mamanwa kung naiiga ang poso nila kapag tag-araw. Magkadugsong ang sapa ng Sohoton at Kadak-an. Marami ring sasa sa gilid ng ilog bukod sa iba pang punong-kahoy. Parang itinuturo sa'min ng isang white-banded kingfisher ang daan papunta sa pinaka kuweba. Doon na ako nagtampisaw at tumingala sa chandelier ng stalactites. Naligo na rin kahit walang extra clothes kahit na binilinan naman kami.
Umuwi akong basa. Naglatag na lang ako ng garbage bag sa van para di mabasa yung upuan. Maiisip mong balikan ang Sohoton para ipakilala sa mga kaibigan.
Pauwi, madadaanan mo ang mga barung-barong na malapit din sa baybayin. Sana lang lahat makinabang sa sustainable tourism. Sana kayang buhayin lahat sa komunidad ng ecosystem kung saan sila naroon. Ideyal na kung ideyal pero kung mapagkakasundo natin ang mga komunidad at ang kalikasan, hindi na kailangang magsiksikan sa siyudad at makipagsapalaran sa Manila ng mga may pamilya. Kahit man lang sa pagbili ng hinabing kaing at purselas na banig, makatulong tayo sa pagsulong ng ekonomiyang ikot-lokal.
Paunti-unti hanggang makaahon tayo.
#
Dyord
Agosto 9-10, 2019
Tacloban, Leyte