Tuesday, August 13, 2019

Nasa isang scientific community conference






Nasa isang scientific community conference ako sa Visayas State University. Ang ganda ng paligid nila para mag-aral, mapuno, baybay dagat at tag-kinse lang ka usa barbecue. 

Nagbabalik-loob ako sa siyensya. Ang daming studies tungkol sa sanlaksang-buhay ng bansa. Parang ang sarap pakinggan lahat. Sana nakakalabas ang nga  ito sa mga scientific papers at classroom discussions. Malaking trabaho rin talaga ang pagsusulat ng siyensya sa madla. 


Ang pormal ng mga tao. Ingles-ingles ang mga nagsasalita, siyempre hindi naman sila makapagtagalog at maraming participants ay galing ng Visayas at Mindanao. So, malayo pa rin ang Filipino bilang wika rin ng conservation. 

Isa sa mga nakakuwentuhan ko si Tatay Arnie. Nagtrabaho raw s'ya dati sa isang environmental non-profit at umaakyat ng bundok para sa mga Philippine eagle at sumisisid, di ko lang alam anong klaseng diving, sa Cebu, Davao at Leyte. From ridges to reefs ang ginagawa n'ya pero no read no write s'ya, ilang beses n'yang inulit yun sa'kin. Kung hindi raw s'ya na-stroke ay kaya n'ya pa ring maghikap. Retirado na raw s'ya pero inimbita ng dating katrabaho at binigyan ng kit. May ilan nga s'yang katrabaho rito na nilalapitan si Tay Arnie pero sana may ilang benepisyo sana 'yung mga kagaya ni Tay Arnie na hindi propesyunal ang ganap sa conservation. Alam ko significant ang ginanapan n'ya sa mga ecosystems ng Samar-Leyte, hindi lang n'ya makuwento ng maayos sa Filipino kasi kasabot ko ng Waray-waray pero gamay ra. May nabasa akong international studies na nag-uugnay sa efficiency ng ecosystem protection program sa security of tenure at fair employment benefits. Kadalasan naman talaga ang secure lang sa mga organisasyong pangkalikasan ay 'yung mga propesyunal o academics. Eh nasa tuktuk pa tayo ng statistics ngayon ng pinaka delikadong bansa para maging environmental activist. 




Tuburan sab Kinabuhi. Sa wakas, may narinig din akong nag-Waray-waray sa invocation bukod sa isa-isang pagbati sa mga academics. Nagbigay din s'ya ng diskurso kung alin ba ang mahalaga; ang pag-unlad o ang sanlaksang-buhay? Siyempre pa'y babanggitin ang yabang natin bilang isa sa nga megadiversity na ecosystems sa daigdig. 


Kakatapos lang ng ibang international non-profits na mag-present ng mga trabaho nila. Gasgas na gasgas ang mga word na sustainability, carbon, climate crisis, community, non-timber products, evidence-based atbpng jargons. Tapos, sumunod itong isang foundation na subsidiary ng isang kumpanya na may dalawang coal powerplants. Tahimik ang mga tao: nagtaasan kilay nila deep inside.

Pero marami nga namang initiatives itong si foundation tungkol sa pagtuturo sa mga komunidad at pangangalaga sa buhay sa ilalim ng dagat at himpapawid. Nasa research na rin sila. Nagbibigay ng finance sa mga conservation efforts. Naging peso sign mata ko. "Sulat tayo proposal para sa lawa ng Taal!" Alam ko naman na di lulusot iyon sa board. Gusto ko lang i-trigger si Jay-O. "Ayaw ni Attorney," sabi agad n'ya. Hate reacts only pa naman ang board sa coal. Siyempre, ukit ako kaya kinuwestiyon ko yung project namin sa isang malaking group of companies, "oh, e may coal powerplants din yun ah!" Todo paliwanag si Jay-O kumbakit meron. "Last na pati ito," sabi pa n'ya. Tapos, during the poster presentations ng mga studies at projects, itinuro ko yung mga logo ng energy corps. "See? They care about our biodiversity," para gumastos sa mga studies na 'to. Utot.

Studies. Gumala-gala kami ni Jane sa mga nagsabit na studies. Ang huhusay. Hayskul lang yung iba. Isa sa mga paborito namin ay 'yung tungkol sa Philippine Scops Owl (sorry, nalimutan ko 'yung pangalan ng fresh grad na researcher). Una, ang cute kasi nung kwago. Pangalawa, maaari mong ma-monitor yung biodiversity ng terotoryo ng kwago sa iniluluwa (regurgitated) n'yang mga buto, kaliskis, balahibo at iba pa n'yang nilapang. Kung ano raw ang napapanahong makakain, yun ang huhulihin ng Philippine Scops Owl. Hindi pihikan. (Pero maaari namang may preference din nga sya na kakainin. Sino ba naman tayo to speak for the scops owl di ba?). Habang nagtatanong ka nang nagtatanong sa presentors lumalawak nang lumalawak yung mga isyu na nasasagi mo. Maraming kailangang trabahuhin at marami pa ring kailangang pag-aralan. Ang dami ko pang utos na aralin pa n'ya yung population level naman or interspecies relationship ng scops owl sa iba pa na nasa teritoryo n'ya. Tuwang-tuwa naman si ate kasi na-encourage daw s'yang mag-aral pa. Go! Isu-support ka ng gobyerno natin! Dapat.

Nakakatakot tanungin yung mga mahuhusay at bago nating scientists, researchers, conservationists kung anong balak nila sa career kasi baka kakaunti lang ang trabaho para sa siyensya sa bansa tapos malungkot lang kami pare-parehas. 



Hindi na namin nakuwento yung ka-schoolmate n'ya na sumasalo naman sa iniluluwa ng Philippine Scops Owl para pag-aralan. O di ba, hardcore! Inabot na kasi kami ng dinner at masakit na ang brain cells namin. 





#

Dyord
Visayas State University
Baybay, Leyte

Agosto 13, 2019

No comments: