Tuesday, January 28, 2020

Ngayon na lang ulit nakalapit

Ngayon lang ako nakababa ng malapit. Wala nang usok. Wala nang pagyanig. Halos nagsiuwi na rin pabalik ng bahay nila ‘yung mga residente. Pagbaba ko sa lawa, ang daming nangingisda. May nangangawil, nagtatangad, namamana, at patanga. Kuwento ni Ate Mabel may nagladlad nga raw isa kagabi ay inabot na ng umaga nang kakabitad. Inabot ng tatlong daang kilong bangus, di ko laang alam kung ilang kilo ang yabang doon. Kumati ang tubig ng mga 3-4 na metro. ‘yung binabangka namin sa may ilog ng Lipute dati e kaya ko nang lakaran. Maaaring (1) may mga fissure sa ilalim ng lawa na nahigop ang tubig pailalim (2) kasama na sa ibinuga ng bulkan. Pangita rin yung pag-alsa ng pulo, nagbago ang hugis ng isla, parang lumapad na tumaas tila nagkaron ng pader.

Inaabangan ko na lang ‘yung paglubog ng araw, tapos paahon na rin ako.

Saturday, January 25, 2020

Minutes of the Meeting ng mga Musa sa Paggising ng Bulkang Taal

Hindi ko alam kung anong mararamdaman, iniisip ko pa, habang pinapanood ang gumuguhit na mga  kidlat sa dambuhalang pyroclastic cloud sa likod ng bundok ng Malarayat mula sa nagising na bulkan. Parang nasa kabilang kanto lang ang bulkang Taal.

[kidlat]

Mga 52 kilometro mula sa bulkan, nakakanlong kami ni Song sa ilalim ng Narra. Isang ordinaryong Nintendo and chill Sunday sa tambayan naming coffee shop sa Tiaong. Humihigop ng kape habang sumasagot ng mga pangungumusta. Okay lang ako. Yata. Ewan. Basta. Nag-uunahan ang mga damdamin tungkol sa mga maaari pang mangyari at mga komplikadong implikasyon. Nababasa ko lang ‘to mula sa salin ng mga tala ng mga Agustinyanong pari.

[kidlat]

Miyerkules. Nagdala pa ako ng mga bisita sa bulkan. Ipinaliwanag ko pa na ang bitak sa lupa ay hindi dahil pinag-agusan ng tubig-ulan pababa (run-off)  kundi mula sa mga pag-ibo mismo ng bulkan. “This is not caused by run-off.  This is a fissure and it looks like it’s getting bigger” sabi ko pa sa mga bisita mula sa Boston.

[kidlat]

Biyernes. May konting salu-salo sa opisina. Dumaan si Atty. Jun. Napag-usapan namin ‘yung isang resort na malinaw pa sa tubig ng lawa ang paglabag sa batas pero nakakuha ng clearance. Hindi namin napigilan. Nilunod na lang namin ang napuruhang ego ng pinaghalong kalamansi soda at red wine. “Sana masabugan na lang sila ng bulkan.”

[kidlat]

Hindi mamimili ang bulkang Taal ng pipinsalain. Talagang namang bahagi ito ng heolohikal na pag-inog. Bakit ka lalagi sa paligid ng bulkan tapos magugulat kang sasabog ito? Ang apatnapu’t dalawang taong pananahimik ay idlip lang para sa bulkan. May ibang orasan ang daigdig at ang iksi-iksi lang pala talaga ng oras natin sa ibabaw nito. May mga dumarating na mga sasakyang nabendisyunan na ng abo. Mukhang magkakaubusan na ng N95 face mask.

Hindi ko pa nararamdaman ‘yung disaster adrenaline noong unang gabi. May mga pinadalahan na ako ng e-mail. Alam ko naman ang gagawin sa mga susunod na araw. Parang kakayanin naman. Gusto ko lang magmabagal muna. Kunwaring di nasasabik sa mga susunod na mangyayari. Kunwaring di natatakot sa mga maaaring yumanig sa’kin sa mga susunod pang mga araw. Kunwaring nanghihinayang sa mga matutupok at mabibitak.

Siguro dahil kaya ko nang ihiwalay ang sarili mula sa trabaho. Parang multiplayer at nakikipaglaro ka lang.  Unlocking one level at a time pero masyado nang magulo ‘yung laro. Tapos, kung kelan matatalo ka na biglang may nag-reset button. Ex machina talaga eh.

[kidlat]

The threatened protected area escalated, within hours, in becoming the threat. Who needs protection now?  

[kidlat]

Sobrang dami ng bura ko sa planner. Nagdumi na nang husto. O siguro sarili ko na ring pagtupok. Iniwan ko sa basurahan ng coffee shop ‘yung planner. Bumili ako ng bagong planner at nagsulat uli ng mga buwan sa baybayin.

[kidlat] x [kidlat]

Dalawang linggo na agad simula nang magising ang bulkan. Naglalabas pa rin ng abo ang bulkang Taal ngayon.

Wala man lang akong artsy shots and stories. Nainggit ako sa mga kaibigang may mga artsy na dokyu ng mga lugar nila. Hindi rin ako makasulat ng ilang araw kahit maiksi lang. Ngayon lang din nanunuot ang pagod sa likod ko.

Wala pa ring kasiguraduhan kung hanggang kailan kami mapapagod.

#

Sunday, January 12, 2020

Enero 11, 2020

Kung gaano ka outgoing noong Biyernes, ayoko namang lumabas ngayong Sabado. Siyempre, may trabaho ako ng Biyernes pero nagkita-kita rin kami ng Cluster 6 sa Lawa. Paalis na rin kasi ulit si Bino, kailangan lang naming mag-chill bago s'ya bumalik ng Aus. Ilang araw na rin 'tong isinulong ni Tita Cars na abalang-abala sa pagpaplano ng mga dadalhin at kakainin. Ako ang punong abala sa mga kobyertos dahil sa place nina Sir Howie kami tumambay. Nagkapeng barako at carbonara kami. Manonood lang kami ng paglubog ng araw pero uuna akong umahon ng Lipa dahil may babaang-luksa kami ng isa sa mga founder ng non-profit sa opisina, darating si Ms. Ann, dating boss namin at mga bagong kaibigan sa La Salle. Nag-soda-redwine at pizza kami. Bandang alas-nuebe na ko nakauwi at deretso kena Clowee para sa Nintendo and Chill 'til hating-gabi. Nag-Chuckie at pancit canton muna kami ni Song bago tuluyang umuwi. 

Imagine the social energy I spent that day. Ayokong kumilos ngayon. Nag-movie marathon lang ako at natulog. Gabi na ako lumabas ng bahay para magsulat-sulat ng konti para lang mapilitang maligo pati. 

#

Enero 11, 2019
Dyord
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon

Thursday, January 9, 2020

Enero 09, 2020



Naglinis kami ng Pusod. Hindi kami nag-cotton buds, Pusod ‘yung non-profit namin. Ang opisina muna namin bago ang iba pang ecosystem. Marami kaming papel (mga dokumento) at plastik (mula sa mga pinagbalutan ng purchases ng project). Ang dami kong plastic bottles ng kape kapag nagwi-withdrawal ako sa caffeine sugod agad sa 7-11. Sa tingin ko may kailangang ayusin sa disenyo ng opisina namin para hindi kami magkalat. Sa disenyo rin ng project management. Magulo yung opisina namin pero may character yung pagkakalat n'ya, pero makalat pa rin. 

Pag-ikot namin sa likod para magdala ng basura, nakakita pa kami ng ilang pinaghihinalaang saplings (batang puno) ng african tulips. Toxic ito sa bees. May balak yatang gawing ornamental tree ng may-ari. Pagdating namin sa mrf, ambaho-baho at lahok-lahok ang basura. Pinagka-ayos-ayos pa naman namin ang aming are, ay garne pala ang solid waste management ng bldg namin. Isang commercial bldg palang are sa Lipa ha. 

Ay wait, awasan na agad?

#

Enero 09, 2020
Dyord
BigBen Complex, Lipa, Batangas

Wednesday, January 8, 2020

2019.jpeg



Gusto ko lang ipaalala sa sarili ko na ganito ang sitwasyon namin. Kahit di naman ako family-oriented talagang tao. Parang kailangan kong ipaalala sa sarili ko na hindi kami mayaman nang paulit-ulit. Para matakot ako ng konti sa hinaharap.

I.

Walang lock ang mga pinto ng bahay namin. Kinakalangan lang ng upuan. Yero pa rin at lawanet ang ding-ding since Grade 5 ako. May mga butas ang bubong. Nagkalat ang laruan ng pamangkids. Tambak ang mga labahin ni Mama. Kung saan-saan nag-iiwan ng sapatos si Papa. Maraming tambak na panapon na nakasandal sa gilid ng bahay. May malaking crack na ang banyo. Hindi pa rin maayos ang lababo. Walang gustong makinig sa’kin tungkol sa bahay.

II.

Wala kaming health cards lahat! Liban sa PhilHealth. Paliban-liban si Mama sa obgyne n’ya. Inuuna namin ang dental services naming tatlo nina Rr. Ako lang din ang nag-iisip ng dentals, kung di mag-aayos ng ngipin lalong di makakatrabaho pag sumakit. Si Papa, tuloy ang laklak kapag weekends. Sakitin din pala ang pamangkids, pero mas si Mama ang may pakels sa kanila.

III.

Matanda na si Papa at kayang-kaya ko naman daw maghulog ng motor. Sa motor namatay ang kapitbahay naming si Buknoy. Eh magkano ang sidecar? E ang prangkisa pa? Tapos, tomaan din sa toda. Si Mama gustong umuwi ng Davao, kaya lang package deal sila ni Rr lagi; mas pinag-iisipan ko ito dahil matanda na rin sina Lola. Eh hindi pa rin fully paid ang puwesto ni Mama sa palengke na parang overpriced naman.

IV.

May mga manok pa rin kami.

V.

Si Rr nagbubuhat sa mga manininda sa palengke. Wala pang employable skills at maayos na routine. Gusto ko sanang i-enroll sa mga workshop for differently-abled o ‘yung nakadisenyong mga basic life skills para sa mga may autism at learning disability. Kaya lang medyo mahal sa ganun. Salamat nga at may social life sa Special Education sa high school si Rr. Nakakakuha rin ng mga benepisyo mula sa pamahalaan.

VI.

Ginagawa na lang naming boarding house ang bahay sa tabing riles. Sa umaga si Papa papunta ng bangko para dumuty. Si Mama sa madaling araw, mga alas tres o kaya alas kuatro ay magbubukas ng tindahan. Si Rr papasok  o di kaya sasama sa tindahan kung walang pasok. Ako, papuntang Lipa o di kaya ay Mataasnakahoy para magtrabaho. Hindi tataas ng 30K ang average household income namin sa bahay ngayon. Hindi rin namin alam kung papaalisin na nga ba kami ng Ferocaril dahil umaandar na ulit ang PNR, palakpakan para sa mass transportation!

VII.

Tapos, ang dami kong gustong gawin sa 2020.

Gusto ko lang na i-organize ang takot. Kaya maayos ang lagi kong sagot sa nangungumusta. Kasi kahit mga agam-agam nakapatas and properly labeled. Para lang  kabahan ako, mahalaga rin ‘yung may konting pangamba at pagdadalawang-isip, nasusubok ‘yung kasalukuyan mo. Hindi maganda ‘yung masyado kang sigurado, walang partida.

#