Wednesday, January 8, 2020

2019.jpeg



Gusto ko lang ipaalala sa sarili ko na ganito ang sitwasyon namin. Kahit di naman ako family-oriented talagang tao. Parang kailangan kong ipaalala sa sarili ko na hindi kami mayaman nang paulit-ulit. Para matakot ako ng konti sa hinaharap.

I.

Walang lock ang mga pinto ng bahay namin. Kinakalangan lang ng upuan. Yero pa rin at lawanet ang ding-ding since Grade 5 ako. May mga butas ang bubong. Nagkalat ang laruan ng pamangkids. Tambak ang mga labahin ni Mama. Kung saan-saan nag-iiwan ng sapatos si Papa. Maraming tambak na panapon na nakasandal sa gilid ng bahay. May malaking crack na ang banyo. Hindi pa rin maayos ang lababo. Walang gustong makinig sa’kin tungkol sa bahay.

II.

Wala kaming health cards lahat! Liban sa PhilHealth. Paliban-liban si Mama sa obgyne n’ya. Inuuna namin ang dental services naming tatlo nina Rr. Ako lang din ang nag-iisip ng dentals, kung di mag-aayos ng ngipin lalong di makakatrabaho pag sumakit. Si Papa, tuloy ang laklak kapag weekends. Sakitin din pala ang pamangkids, pero mas si Mama ang may pakels sa kanila.

III.

Matanda na si Papa at kayang-kaya ko naman daw maghulog ng motor. Sa motor namatay ang kapitbahay naming si Buknoy. Eh magkano ang sidecar? E ang prangkisa pa? Tapos, tomaan din sa toda. Si Mama gustong umuwi ng Davao, kaya lang package deal sila ni Rr lagi; mas pinag-iisipan ko ito dahil matanda na rin sina Lola. Eh hindi pa rin fully paid ang puwesto ni Mama sa palengke na parang overpriced naman.

IV.

May mga manok pa rin kami.

V.

Si Rr nagbubuhat sa mga manininda sa palengke. Wala pang employable skills at maayos na routine. Gusto ko sanang i-enroll sa mga workshop for differently-abled o ‘yung nakadisenyong mga basic life skills para sa mga may autism at learning disability. Kaya lang medyo mahal sa ganun. Salamat nga at may social life sa Special Education sa high school si Rr. Nakakakuha rin ng mga benepisyo mula sa pamahalaan.

VI.

Ginagawa na lang naming boarding house ang bahay sa tabing riles. Sa umaga si Papa papunta ng bangko para dumuty. Si Mama sa madaling araw, mga alas tres o kaya alas kuatro ay magbubukas ng tindahan. Si Rr papasok  o di kaya sasama sa tindahan kung walang pasok. Ako, papuntang Lipa o di kaya ay Mataasnakahoy para magtrabaho. Hindi tataas ng 30K ang average household income namin sa bahay ngayon. Hindi rin namin alam kung papaalisin na nga ba kami ng Ferocaril dahil umaandar na ulit ang PNR, palakpakan para sa mass transportation!

VII.

Tapos, ang dami kong gustong gawin sa 2020.

Gusto ko lang na i-organize ang takot. Kaya maayos ang lagi kong sagot sa nangungumusta. Kasi kahit mga agam-agam nakapatas and properly labeled. Para lang  kabahan ako, mahalaga rin ‘yung may konting pangamba at pagdadalawang-isip, nasusubok ‘yung kasalukuyan mo. Hindi maganda ‘yung masyado kang sigurado, walang partida.

#

No comments: