Saturday, January 25, 2020

Minutes of the Meeting ng mga Musa sa Paggising ng Bulkang Taal

Hindi ko alam kung anong mararamdaman, iniisip ko pa, habang pinapanood ang gumuguhit na mga  kidlat sa dambuhalang pyroclastic cloud sa likod ng bundok ng Malarayat mula sa nagising na bulkan. Parang nasa kabilang kanto lang ang bulkang Taal.

[kidlat]

Mga 52 kilometro mula sa bulkan, nakakanlong kami ni Song sa ilalim ng Narra. Isang ordinaryong Nintendo and chill Sunday sa tambayan naming coffee shop sa Tiaong. Humihigop ng kape habang sumasagot ng mga pangungumusta. Okay lang ako. Yata. Ewan. Basta. Nag-uunahan ang mga damdamin tungkol sa mga maaari pang mangyari at mga komplikadong implikasyon. Nababasa ko lang ‘to mula sa salin ng mga tala ng mga Agustinyanong pari.

[kidlat]

Miyerkules. Nagdala pa ako ng mga bisita sa bulkan. Ipinaliwanag ko pa na ang bitak sa lupa ay hindi dahil pinag-agusan ng tubig-ulan pababa (run-off)  kundi mula sa mga pag-ibo mismo ng bulkan. “This is not caused by run-off.  This is a fissure and it looks like it’s getting bigger” sabi ko pa sa mga bisita mula sa Boston.

[kidlat]

Biyernes. May konting salu-salo sa opisina. Dumaan si Atty. Jun. Napag-usapan namin ‘yung isang resort na malinaw pa sa tubig ng lawa ang paglabag sa batas pero nakakuha ng clearance. Hindi namin napigilan. Nilunod na lang namin ang napuruhang ego ng pinaghalong kalamansi soda at red wine. “Sana masabugan na lang sila ng bulkan.”

[kidlat]

Hindi mamimili ang bulkang Taal ng pipinsalain. Talagang namang bahagi ito ng heolohikal na pag-inog. Bakit ka lalagi sa paligid ng bulkan tapos magugulat kang sasabog ito? Ang apatnapu’t dalawang taong pananahimik ay idlip lang para sa bulkan. May ibang orasan ang daigdig at ang iksi-iksi lang pala talaga ng oras natin sa ibabaw nito. May mga dumarating na mga sasakyang nabendisyunan na ng abo. Mukhang magkakaubusan na ng N95 face mask.

Hindi ko pa nararamdaman ‘yung disaster adrenaline noong unang gabi. May mga pinadalahan na ako ng e-mail. Alam ko naman ang gagawin sa mga susunod na araw. Parang kakayanin naman. Gusto ko lang magmabagal muna. Kunwaring di nasasabik sa mga susunod na mangyayari. Kunwaring di natatakot sa mga maaaring yumanig sa’kin sa mga susunod pang mga araw. Kunwaring nanghihinayang sa mga matutupok at mabibitak.

Siguro dahil kaya ko nang ihiwalay ang sarili mula sa trabaho. Parang multiplayer at nakikipaglaro ka lang.  Unlocking one level at a time pero masyado nang magulo ‘yung laro. Tapos, kung kelan matatalo ka na biglang may nag-reset button. Ex machina talaga eh.

[kidlat]

The threatened protected area escalated, within hours, in becoming the threat. Who needs protection now?  

[kidlat]

Sobrang dami ng bura ko sa planner. Nagdumi na nang husto. O siguro sarili ko na ring pagtupok. Iniwan ko sa basurahan ng coffee shop ‘yung planner. Bumili ako ng bagong planner at nagsulat uli ng mga buwan sa baybayin.

[kidlat] x [kidlat]

Dalawang linggo na agad simula nang magising ang bulkan. Naglalabas pa rin ng abo ang bulkang Taal ngayon.

Wala man lang akong artsy shots and stories. Nainggit ako sa mga kaibigang may mga artsy na dokyu ng mga lugar nila. Hindi rin ako makasulat ng ilang araw kahit maiksi lang. Ngayon lang din nanunuot ang pagod sa likod ko.

Wala pa ring kasiguraduhan kung hanggang kailan kami mapapagod.

#

No comments: