Saturday, January 29, 2022

aasbok-asbok

may naitalang limang (5) banayad na phreatic explosion ang bulkan ngayong araw. may ilang residente ang lumikas na dahil hindi na normal ang taas ng usok ng bulkan ngayong gabi. walang nag-uusap sa group chats sa lawa. walang nag-aabiso. hindi namin pinapansin. hindi rin kami nagpapansinan. kunwari walang nangyayari. wala pa naman. walang mangyayari. 

Friday, January 28, 2022

tawilis notes2

abalang-abala si Ate Mabel. nagkasalisihan na kami, pagbaba ko sa conservation center, nakatalilis na s'ya papuntang Batangas City may meeting sabi ni Mam Aileen. nakausap ko naman si Mam Aileen, ang municipal agriculturist. mahusay naman ang fisheries ng Mataasnakahoy. noong magbigayan ng ayuda dahil sa pagkaka-displaced ng mga mangingisda dulot ng bulkan (Taal volcano unrest 2020). muntik nang hindi mabigyan ang mga mangingisda ng Kahoy dahilan sa wala naman daw sila masyadong damage report ng fish cages dahil walang fish cages noon ang Mataasnakahoy. "pero may mga araw na hindi sila nakapangisda, paano mo co-computin 'yun?". napagbigyan naman daw sila kaya lang kung hindi ka pa magsasalita ay hindi ka makakaagaw ng ayuda. e bibigyan mo nga naman yung mga may-ari ng palaisdaan ay mayayaman na ang mga 'yun. naglagay din s'ya noong isang taon ng 250K para sa gill nets at 100 mananawilis ang nailagay sa AICS (assistance to individuals in crisis situation), krisis nga namang maituturing ang pamamahinga sa pananawilis. 

Monday, January 24, 2022

mga boss

pasigaw-sigaw si Papa, ang aga-aga. kakababa n'ya lang sa tawag ng kasamahan sa referee sa paliga sa San Antonio, sa kalapit-bayan. raket ng tatay ko 'yung referee pagkatapos ng duty nya sa bangko. "boss, ba't mo kami iniwan," paulit-ulit ni Papa. "paaano na kami nito". nag-abot din pala ng grocery si boss n'ya sa'min nung pandemya. naalala namin di pa namin kilala 'yung mga brands ng meatloaf na kasama sa relief. halatang galing sa sariling bahay 'yung goods at sa grocery stores na may membership card na hindi namin mabibili sa palengke.  wala nang raket. kaninang madaling-araw -heart attack covid-triggered.

#


nawalan din kami ng doktor kaninang madaling araw -heart attack. boss namin sa research. wala na kaming principal investigator. sobrang chill katrabaho ni doc. di kami nalason. maganda rin insights n'ya sa meetings palagi, makuwento kaya matagal ang meeting. tapos naman na 'yung engagement ko at sinusulat na lang yung final paper. ginising pa ko sa isang before-Christmas vacation meeting, papautangin daw muna kami ni doc kasi delayed ang sweldo eh magpapasko. no doc, keep it. marami kaming pera we can wait, kako. kasalanan ng UP system na delayed magpasweldo. hindi pa kami nakakapag-present ng final paper sa health unit ng San Antonio. sabi ni doc if available pa ako at pwedeng bigyan ng raket to help them they'll email. wala nang raket. 

#

Thursday, January 20, 2022

riles7

bigla na lang akong nahigit nina Adipose at Rodora. dinaanan ako ng Estrada sa may amin, sa may riles. magmamami kay Tita Melods, yung kainan namin noong college. agad naman akong naligo kahit kakakain ko lang ng tanghalian.  dito kami nangungutang dati ng kape o kaya mami with half egg. ginugulantang ng mga halakhak ang nagsisiesta na si tita Melods. nasa tabi nga rin pala ito ng riles. sigurado na ba, kako. baka mabago pa kapag nagpalit ng administrasyon, lalo na't intsik ang kontraktor. hindi na, napirmahan na raw ng presidente sabi ni tita Melods. "hagip ito [mamian], 'yung QARES [kung saan kami nag-OJT], at yung bagong building [sa SLSU]," baybay ni Tita Mel. "sana naman makalimang taon pa bago mapaalis at makabili muna kami ng bahay naming sarili." bukod pa sa pangungumusta sa mga buhay-buhay ng mga suki rin dati sa mamian na wala naman kaming pakialam.

Thursday, January 13, 2022

tawilis notes1

mej clay ang disenyo ng proyekto sa tawilis. naghuhunyangong communication research at social research. may pangangailangang alamin kung anong bahagi ng tawilis science ang hindi pa rin malinaw sa mga mananawilis. pero MAS may pangangailangan ding alamin kung anong bahagi ng pananawilis ang hindi pa naikukuwento - 'yung social side of things. sa proyekto/saliksik na ito, mas may bias ako sa pisnging-sosyal ng pagdalang ng tawilis. kung titingnan wala masyadong platform ang social aspect ng conservation kumpara sa pisnging-siyensya nito.


payag naman 'yung org na nagbigay ng grant na education program, pero kasi babiyahe na lang din naman ako at maabala naman din ako ay gagawan ko na ng social aspect. susulatan ko na ng case study ang tawilis at mga komunidad sa Taal. kasehoda kung pakikinggan ba tayo ng mga ahensya o hindi, pero maganda kahit papaanong maisapapel ang epekto ng tawilis seasonal closure sa mga mananawilis at makalamabing sa mga opisina kung anong maaaring gawin para protektahan din ang bulnerableng komunidad.

gusto ko sanang magkonsulta sa tatlong (3) komunidad ng mga mananawilis tungkol sa karanasan nila sa lawa ng Taal kapag panahon ng pahinga. pero gasgas na rin naman ang maririnig kong mga hinaing dahil kausap ko naman ang mga pangulo ng bayan-bayan sa paligid ng lawa. pangalawa, lalala-hupa ang sitwasyon ng pandemya at matanda na ang populasyon ng mananawilis, delikado. kaya tiya-tiyagain ko na lang ang kumausap ng 100+ mananawilis para sa maiksing pagpulso sa kasalukuyang kaalaman at karanasan sa pananawilis. 

kinakausap ko na lang ang bawat pangulo para matulungan ako sa transportasyon sa mga bara-baranggay. inaabutan ko naman ng above minimum bilang ganansya sa pag-alalay sa field work. kahit naman walang abot, humuhugot bulsa ang mga pangulo kapag may pulong sa lawa para lang maghanap ng ayuda para sa kapwa mangingisda. ang lagay nga lang kahit linawin ko na ang paghihikap ay para sa pag-aaral at pagpapasa ng panukalang papel sa mga ahensya ng gobyerno, minsan hindi pa rin maiwasan na magtanong tungkol sa kung may ayuda ba. nakaka-pressure din na walang direktang pakinabang sa komunidad ang pananaliksik. kumbaga may point naman si cynthia na baka nga drama lang ng taon ang research.

gayunpaman, ganun talaga kasi ang research medyo may katagalan ang pag-aani bago makagalaw ng ilang bahagi ng sistema, eh yung mga pangangailangan eh noong isang taon pa - 3 steps ahead ang urgency ng need palagi. hindi mo rin mapaspas ang sistema kasi may mga pinaglalaanan ang mga resources ng gobyerno. 

...

Ayun ikalawang taon na ng Jan-2020 eruption ng bulkang Taal ngayong araw.

Inabutan ng anibersaryo sa kasagsagan ng communication research sa tawilis. Marami sa trabaho ngayong taon ay offline at sinisikap na maabot ang ibang wala pa sa kasulukuyang echo chambers o umiiral na mga information ecosystem sa lawa ng Taal.  Mahirap salungatin ang algorithms. Mas walang platform ang mga mananawilis. Mapapaisip ka kung gaano pa rin ba katotoo ang mga bagay na hindi nakikita o naririnig sa social media.

Kena Kuya Obet ako nagtanghalian: pritong tilapia at tira pa nilang refrigerated graham cake noong new year. Sarap! Sabi ko kay Kuya Obet, "Tayaan kaya natin ang dose? Ika-12 ang bulkan, ta's ilang beses nang may dumaing na dose piraso [12] lang yung sumabit sa lambat, baka tumama."

Ilan sa mga "realidad" sa ikalawang taon:

May mga pamilya pa rin sa evacuation centers
Nadagdagan ang uri ng mga ilegal na pangingisda sa lawa
Mas kumaunti ang huling tawilis.
Umedad ng dalawang taon pa ang matanda nang populasyon ng mga mananawilis

Thursday, January 6, 2022

MNL, QC, COV.

nagyaya si Roy na bisitahin si Kuya Joey sa Maynila bordering QC. kalakip ng byahe ang pagpapamedical nya sa Ermita. makikitulog kami sa dati kong boss sa Panay Ave, kay Walther. wala kaming credit card for airbnb o reservation online, ayokong magpauli-uli sa mga hotel o mapilitang mag-check in kapag nag-offer ng "queen-size na lang ang available."


paalis na si Roy sa abente tres, samahan na rin.


kahit alanganin pa ako sa lagay ng pandemya sa siyudad.

a day before, pre-luwas meeting pa kami sa 7Eleven Lusacan to strategize the byahe. wala akong tiwala kay Roy sa byahe. naka-asa sa Google. sa Japan daw kasi hindi sila binibigo ng Google sa paraan ng komyut. wala nang dumadaan d'yan, maniwala ka sakin, iba na ang galawang komyut ngayon. 

parang normal na. sa bus, standing kami. dikit-dikit na uli kami tipong namomolestiya ka na kada may bababa. kahit tanghali at halos kalagitnaan na ng linggo; standing pa rin. nakaupo naman kami sa San Pablo. pero kung may virus dito, wala na, meron na agad kami. 

kumain kami sa Pao Tsin sa Robinson Manila. haba ng pila. nakita pala namin may nagkakagulo. baka may influencer, artista, "tara Roy, makigulo tayo baka may omicro," yaya ko. si yorme pala, bumisita yata sa bakunahan sa mall. pagkakain bumili akong damit at tinagpo kami ni Kuya Joey sa Regatta. nagkape kami. wala pang isang taon simula nang nagkape kami sa Tiaong pero apat na taon simula nang di sila magkita ni Roy. nag-update lang si Roy ng kanyang love life at life in general. ako ano ba namang puwede kong ikuwento kundi mga paglalagalag ko sa 2021. binilhan kami ni Kuya Joey ng tinapay sa Breadtalk at hinatid sa Panay Ave.


grab ka na lang bukas pa-Ermita.

hinintay namin si Walther sa 7Eleven ng MPlace Tower B. makikitulog sa isa pa nyang unit. umorder sa Hot Kitchen na surprisingly may legit na ampalaya atsara (parang probinsya level yung pagkakahanda) at malaking serving ng tocino sa tosilog. nakadiskuwento pa rin kami ng 10% kapag 400 pesos pataas ang bill, ipakita lang ang vaccination card. tapos akyat na. 

naligo lang ako bago kami mag-dinner sa unit ni Walther. may tira pa s'yang pizza at masarap na dip. parang marami kaming pagkukuwentuhan sa loob ng lima o apat na taon din kahit hindi naman ako nag-abroad. binigyan pala ako ng ilang libro ni Walther namely: (1) Kung Nanaisin (mga tula), (2) Kapag Natagpuan Kita, at (3) Ang Banal na Aklat ng mga Kumag. Binasa ko rin ang halos mabubuo na nyang chapbook collection na wala pang title. kakatapos ko lang din bumuo ng sa'kin. 

una nang nahiga si Roy. nayosi si boss sa may bintana habang nagsasalaysay ng mga kwentong-bayan. tungkol sa kanyang bukid sa Pangasinan, sa mga pag-aararo. sa pagiging Bea Alonzo sa nagsisimulang taon ng 2022. sa nagdaang mga family drama-sitcom. alas-dose na kami ni Walther naghiwalay. may pasok pa sya bukas. 



umakyat na ko sa kama. kinamusta ko ang siyudad na nakakapangamba ang tahimik. mukhang kaya ko na uling mabuhay dito. naupo si Roy, hindi sya makahinga. masakit ang lalamunan. buksan mo ng kaunti ang bintana. ilow cool mo ang erkon, wag fan. naupo s'ya. ako naman ay unti-unting nakatulog na. kaya mo na yan, malaki ka na.

aga nagising ni Roy. magkakape daw sya. sabi ko sa 7Eleven mamaya pagkaligo nya. nakaidlip ako uli. kakagayak pa lang ni Roy anong oras na kako, tanghali ka na. nag-almusal kami sa 7Eleven. umakyat uli ako sa unit. hintayin ko sya matapos sa medikal bago ako bumiyahe pa-terminal. sabi ko Roy, iba pa rin ngayon, masyadong matahimik. wala masyadong sasakyan na dumadaan. parang may mali.


binigyan ako ni Roy ng pasalubong na Mitsubishi ballpen daw. pagbukas ko, lapis.


nagbasa-basa ako sa taas ng mga tula. sumulat din ng isa; ehersisyo lang. nanood ng ANC tungkol sa omicron. maaaring dumaluyong uli ang mga kaso, hindi aabutin ng buwan kundi linggo lang. hindi pa nagbibigay ng opisyal na bilang ang DOH dahil pinagbibigkis pa nila ang mga bilang. 

hindi pa pala pumasok si Walther. tinamad pa yata. haha. kinukulit ako sa anong title ng chapbook. sabi ko baka darating yung title kapag tapos na yung katedral, kapag buo na koleksyon. darating yun ng kusa. (ganun yata). sabay na rin kami bumaba. pabalik na sya sa family business. pauwi na ko sa'min. hanggang sa susunod na limang taon, boss.


pina-check ko kay Roy kung saan ang sakayan ng bus; sa Farmer's daw. sigurado ka?!

"Ang alam ko", sabi ni Roy. book ako ng Grab, Farmer's it is. Pagdating ko ron puro city buses at papuntang Norter ang bus sa Araneta. Lakad ako papuntang Araneta Bus Port, wala na sarado na rin. Mabuti na lang mamahalin ang sapatos ko at hindi masyadong masakit sa paa maglakad at isa lang din ang dala kong hand bag. "Nasan ka na?" tinanong ko si Roy. "Nasa Farmer's" sabi ni Roy. Ngayon nalaman ko na kung anong pwede kong isagot sa pet peeve kapag tinanong ako: 2 bagay (1) kapag tinanong ng location tapos alam naman n'yang di ka pamilyar sa lugar tapos walang specific na landmark o nagbigay ng palatandaan pero kailangan mo pa i-narrow down na parang pinoy henyo lugar-category; at (2) si Roy sa pagluwas. 

Saang Farmer's? sa Market? sa Plaza? tatlong bldg. yan e. sa Jollibee. share Google location! ayaw lumabas ng location ko dahil iOS s'ya. hindi raw s'ya makagalaw sa kinatatayuan n'ya dahil may lumapit daw sa kanyang kahinahinalang lalaki. tanghaling tapat Roy, ang dami-daming tao d'yan.


"Bi ka ba?" tanong daw kay Roy.

Wala rito sa Araneta. Balik tayong Taft. Google uli sya, DLTB sa Taft. LRT kami, andar. baba. lakad. sinundan kami ng mga pahinante, tanong nang tanong kung pabicol daw ba kami. hand bag lang ang dala ko, wala namang bubuhatin sa'kin. pagdating doon wala nang DLTB sa Taft, noon pa. may ordinary na bus pa-Bicol. nakikipag-usap na si Roy sa mga mukhang holdaper at tatagain kami sa pamasahe. hinigit ko si Roy, balik tayo ng Pedro Gil sa DLTB. 

kapag natabihan ka d'yan at naholdap ka. hindi na ako magba-blatter sa pulis station sa Legazpi. babyahe na ako pauwi agad, bahala ka. kuda ko habang naglalakad pabalik ng LRT uli. hinusgahan ko naman daw agad ang mga tabas ng pagmumukha ng mga pahinante. risk management, pandemya ngayon, tingnan mo yung baranggay sa likod ng mga terminal. kung makadikit sa'tin hanggang terminal, kahit di mo kausapin, didikitan ka. gusto ko na lang din umuwi nang maayos. mas takot ka pa sa bading kesa holdap risk.


kinabukasan: 17K + ang bagong naitalang positibong kaso ng covid-19.



Monday, January 3, 2022

riles6 + pamangkids

nangaroling sina Top-top at Ten-ten kagabi. sinamahan ni Rr. tumakbo si Mama para hanapin ang tatlo dahil baka makagat ng mga aso. pagdating nila, bilang-bilang nina Ten-ten ang napangarolingan nila, pitong bente. "Mader, walang tumawad" sabi ni Top. "Si Ka Denia lang ang tumawad," dagdag pa. "Sa maraming aso binigyan kami ng tigbebente!"

Sunday, January 2, 2022

pasalta naman 2022

nakaahon naman tayo ng 2021. gumawa ng excel sheet para sa isang pandemic recovery plan, kung saan nilagay ko yung kailangan ko ma-raise para mapunan o mabalik ang mga nawalang ipon, insurance, habang pinupunan yung mga kasalukuyang gastusin. napagod ako nitong magsasara na ang taon dahil sa mga pinagsabay-sabay na mga ganap para lang makahabol sa financial targets. pasasalamat dahil na-overshoot naman. kaya rin ako nakatigil ng buong Disyembre dahil okay na ko, sapat naman na, o napagod lang talaga ako. 

nilaan ko yung mahigit isang buwan sa isa-isang pagsilip uli sa buhay ng mga kaibigan na hindi nakita or kinumusta man lang sa loob ng dalawang taon, ng buong pandemya, may tatlo hanggang apat na taon pa nga. trabaho rin ang makipagplastikan  kumustahan sa mga kaibigan. nagagawa yung pakikipag-amiga dahil nga nakaboundary tayo nang maaga. pasasalamat naman talaga, hindi ko pa alam kung paano magpapasalamat. parang gusto ko ng ritwal para maghayag na 'ah grateful ako ngayong taon'.

nakakakonsensya ring mamahinga. hindi ako mapakali lalo na nung holiday. inip na inip ako pero ayoko namang lumabas. sana nga nagtrabaho na lang din ako ng holiday tapos tinaon ko yung pahinga ng first half ng January kung kailan bumabalik ang mundo sa kanilang usual na kaabalahan pero syempre baka hindi ko naman makutaptapan yung mga kaibigan ko na sinamantala lang ang kaluwagan ng buhay ng Disyembre. pero ngayon lang sumiksik sa utak ko na gusto ko na ng ibang pagsasara ng taon. 

wala kaming family tradition, family dinners, puro family feud lang. abala silang lahat sa pagtatrabaho kahit okasyon na mamaya. sekyu si Papa. palengkera naman si Mama. essential workers lalo na sa holiday season. gusto ko ng maayos na sofa. ng mainit na higaan. ng hindi na sila maghahanap-buhay kapag holiday (pero malabo) kailangan may activity pa rin as a family. never naman akong naging family oriented, naiirita nga ako sa bahay pero nagkaroon ako ng pagtatanong ano bang gusto kong bagong taon? ano bang mga bagay ang kailangan kong maisa-isa para unti-unti ay masabi kong nakakagaan ng buhay ang pagpapagal namin buong taon?

lumabas pala ako kanina. naisip ko lang uli bago pa isara uli ng bagong strain na Omicron lahat ng sinehan (ilalayo naman) ay manonood na ako uli kahit mas mahal ng 30-40% yung presyo ng ticket. bumili rin ako ng shorts, pikit-mata. kailangan ko ring magpalit ng ilang damit dahil takaw oras mag-isip ng susuotin na maayos sakaling kailangan ko na uling humarap sa mga konseho physically. magdadamit ako nang mahal, dapat babayaran ako nang mahal. kasama to sa icha-charge ko sa consultancy fees ngayong taon. kumain ako ng ilang munchkins at iced coffee sa Dunkin'. today i dated myself.

#


bumaba ako sa bayan para magpagupit sana. unang araw pala ng taon, puyat ang mga tao. sarado ang mga barberya. ang onti lang din ng dyip. luwag ng kalye, at masaya na ako. sabi ni Mama, nagbubukas lang daw ang mga establisyimiento para 'magpasalta'. kunwari yung katabing tindahan nina Mama, nagbukas lang ng puwesto, nang may isang bumili, nagsarado na at umuwi. nagpasalta lang ng pera. Binilhan daw si Mama ng lumpia wrapper ni Ate Nora kahit walang planong mag-shanghai. "itago mo yan ha ('yung bayad)." parang buena mano para sa buong taon.

#


gumastos ako ng around P6,610 ngayong season mostly para sa damit, sine at pagkain sa labas with friends. ngayon na lang uli ako bumili ng maaayos na damit. ngayon na lang uli may sine. 2017 'yung huli kong bili ng mga shirts at polo. ginawa ko nang basahan at pambahay yung iba.

ngayon lang din ako nakipag-catch up with friends. pero naisip ko dapat pala talaga nakikipag-meet during season o kaya ilagay lang lahat ng social ganap in the end of the month kasi pagdating ng Enero, parang nalustay ko na lahat ng social energy ko at ayoko nang tao ngayong umpisa ng taon. eh kailangan ko na mag-work?! oh, pagud.


#


Anong puwedeng magpagaan ng buhay ko tapos ng buhay namin? Siguro isulat ko lang ng mabilis isa-isa kung ano lang pumasok sa isip ko tapos magpatas ako kung ano ang kaya sa isang taon at kalkulahin magkano ba aabutin o paano ba s'ya makukuha kung di naman nabibili. 

[  ] higaan na malambot
[  ] social protection
[  ] health emergencies
[  ] meal plan (weekly)
[  ] smartwatches (namin ni Mama)
[  ] sariling bahay
[  ] umuwi ng Davao
[  ] maaliwalas sila tingnan 

laki naman, wala pa nga akong nakukuhang trabaho ngayong unang linggo ng taon. bahala na, basta 'yan.