nakaahon naman tayo ng 2021. gumawa ng excel sheet para sa isang pandemic recovery plan, kung saan nilagay ko yung kailangan ko ma-raise para mapunan o mabalik ang mga nawalang ipon, insurance, habang pinupunan yung mga kasalukuyang gastusin. napagod ako nitong magsasara na ang taon dahil sa mga pinagsabay-sabay na mga ganap para lang makahabol sa financial targets. pasasalamat dahil na-overshoot naman. kaya rin ako nakatigil ng buong Disyembre dahil okay na ko, sapat naman na, o napagod lang talaga ako.
nilaan ko yung mahigit isang buwan sa isa-isang pagsilip uli sa buhay ng mga kaibigan na hindi nakita or kinumusta man lang sa loob ng dalawang taon, ng buong pandemya, may tatlo hanggang apat na taon pa nga. trabaho rin ang makipagplastikan kumustahan sa mga kaibigan. nagagawa yung pakikipag-amiga dahil nga nakaboundary tayo nang maaga. pasasalamat naman talaga, hindi ko pa alam kung paano magpapasalamat. parang gusto ko ng ritwal para maghayag na 'ah grateful ako ngayong taon'.
nakakakonsensya ring mamahinga. hindi ako mapakali lalo na nung holiday. inip na inip ako pero ayoko namang lumabas. sana nga nagtrabaho na lang din ako ng holiday tapos tinaon ko yung pahinga ng first half ng January kung kailan bumabalik ang mundo sa kanilang usual na kaabalahan pero syempre baka hindi ko naman makutaptapan yung mga kaibigan ko na sinamantala lang ang kaluwagan ng buhay ng Disyembre. pero ngayon lang sumiksik sa utak ko na gusto ko na ng ibang pagsasara ng taon.
wala kaming family tradition, family dinners, puro family feud lang. abala silang lahat sa pagtatrabaho kahit okasyon na mamaya. sekyu si Papa. palengkera naman si Mama. essential workers lalo na sa holiday season. gusto ko ng maayos na sofa. ng mainit na higaan. ng hindi na sila maghahanap-buhay kapag holiday (pero malabo) kailangan may activity pa rin as a family. never naman akong naging family oriented, naiirita nga ako sa bahay pero nagkaroon ako ng pagtatanong ano bang gusto kong bagong taon? ano bang mga bagay ang kailangan kong maisa-isa para unti-unti ay masabi kong nakakagaan ng buhay ang pagpapagal namin buong taon?
lumabas pala ako kanina. naisip ko lang uli bago pa isara uli ng bagong strain na Omicron lahat ng sinehan (ilalayo naman) ay manonood na ako uli kahit mas mahal ng 30-40% yung presyo ng ticket. bumili rin ako ng shorts, pikit-mata. kailangan ko ring magpalit ng ilang damit dahil takaw oras mag-isip ng susuotin na maayos sakaling kailangan ko na uling humarap sa mga konseho physically. magdadamit ako nang mahal, dapat babayaran ako nang mahal. kasama to sa icha-charge ko sa consultancy fees ngayong taon. kumain ako ng ilang munchkins at iced coffee sa Dunkin'. today i dated myself.
#
bumaba ako sa bayan para magpagupit sana. unang araw pala ng taon, puyat ang mga tao. sarado ang mga barberya. ang onti lang din ng dyip. luwag ng kalye, at masaya na ako. sabi ni Mama, nagbubukas lang daw ang mga establisyimiento para 'magpasalta'. kunwari yung katabing tindahan nina Mama, nagbukas lang ng puwesto, nang may isang bumili, nagsarado na at umuwi. nagpasalta lang ng pera. Binilhan daw si Mama ng lumpia wrapper ni Ate Nora kahit walang planong mag-shanghai. "itago mo yan ha ('yung bayad)." parang buena mano para sa buong taon.
#
gumastos ako ng around P6,610 ngayong season mostly para sa damit, sine at pagkain sa labas with friends. ngayon na lang uli ako bumili ng maaayos na damit. ngayon na lang uli may sine. 2017 'yung huli kong bili ng mga shirts at polo. ginawa ko nang basahan at pambahay yung iba.
ngayon lang din ako nakipag-catch up with friends. pero naisip ko dapat pala talaga nakikipag-meet during season o kaya ilagay lang lahat ng social ganap in the end of the month kasi pagdating ng Enero, parang nalustay ko na lahat ng social energy ko at ayoko nang tao ngayong umpisa ng taon. eh kailangan ko na mag-work?! oh, pagud.
#
Anong puwedeng magpagaan ng buhay ko tapos ng buhay namin? Siguro isulat ko lang ng mabilis isa-isa kung ano lang pumasok sa isip ko tapos magpatas ako kung ano ang kaya sa isang taon at kalkulahin magkano ba aabutin o paano ba s'ya makukuha kung di naman nabibili.
[ ] higaan na malambot
[ ] social protection
[ ] health emergencies
[ ] meal plan (weekly)
[ ] smartwatches (namin ni Mama)
[ ] sariling bahay
[ ] umuwi ng Davao
[ ] maaliwalas sila tingnan
laki naman, wala pa nga akong nakukuhang trabaho ngayong unang linggo ng taon. bahala na, basta 'yan.
No comments:
Post a Comment