Thursday, January 13, 2022

tawilis notes1

mej clay ang disenyo ng proyekto sa tawilis. naghuhunyangong communication research at social research. may pangangailangang alamin kung anong bahagi ng tawilis science ang hindi pa rin malinaw sa mga mananawilis. pero MAS may pangangailangan ding alamin kung anong bahagi ng pananawilis ang hindi pa naikukuwento - 'yung social side of things. sa proyekto/saliksik na ito, mas may bias ako sa pisnging-sosyal ng pagdalang ng tawilis. kung titingnan wala masyadong platform ang social aspect ng conservation kumpara sa pisnging-siyensya nito.


payag naman 'yung org na nagbigay ng grant na education program, pero kasi babiyahe na lang din naman ako at maabala naman din ako ay gagawan ko na ng social aspect. susulatan ko na ng case study ang tawilis at mga komunidad sa Taal. kasehoda kung pakikinggan ba tayo ng mga ahensya o hindi, pero maganda kahit papaanong maisapapel ang epekto ng tawilis seasonal closure sa mga mananawilis at makalamabing sa mga opisina kung anong maaaring gawin para protektahan din ang bulnerableng komunidad.

gusto ko sanang magkonsulta sa tatlong (3) komunidad ng mga mananawilis tungkol sa karanasan nila sa lawa ng Taal kapag panahon ng pahinga. pero gasgas na rin naman ang maririnig kong mga hinaing dahil kausap ko naman ang mga pangulo ng bayan-bayan sa paligid ng lawa. pangalawa, lalala-hupa ang sitwasyon ng pandemya at matanda na ang populasyon ng mananawilis, delikado. kaya tiya-tiyagain ko na lang ang kumausap ng 100+ mananawilis para sa maiksing pagpulso sa kasalukuyang kaalaman at karanasan sa pananawilis. 

kinakausap ko na lang ang bawat pangulo para matulungan ako sa transportasyon sa mga bara-baranggay. inaabutan ko naman ng above minimum bilang ganansya sa pag-alalay sa field work. kahit naman walang abot, humuhugot bulsa ang mga pangulo kapag may pulong sa lawa para lang maghanap ng ayuda para sa kapwa mangingisda. ang lagay nga lang kahit linawin ko na ang paghihikap ay para sa pag-aaral at pagpapasa ng panukalang papel sa mga ahensya ng gobyerno, minsan hindi pa rin maiwasan na magtanong tungkol sa kung may ayuda ba. nakaka-pressure din na walang direktang pakinabang sa komunidad ang pananaliksik. kumbaga may point naman si cynthia na baka nga drama lang ng taon ang research.

gayunpaman, ganun talaga kasi ang research medyo may katagalan ang pag-aani bago makagalaw ng ilang bahagi ng sistema, eh yung mga pangangailangan eh noong isang taon pa - 3 steps ahead ang urgency ng need palagi. hindi mo rin mapaspas ang sistema kasi may mga pinaglalaanan ang mga resources ng gobyerno. 

...

Ayun ikalawang taon na ng Jan-2020 eruption ng bulkang Taal ngayong araw.

Inabutan ng anibersaryo sa kasagsagan ng communication research sa tawilis. Marami sa trabaho ngayong taon ay offline at sinisikap na maabot ang ibang wala pa sa kasulukuyang echo chambers o umiiral na mga information ecosystem sa lawa ng Taal.  Mahirap salungatin ang algorithms. Mas walang platform ang mga mananawilis. Mapapaisip ka kung gaano pa rin ba katotoo ang mga bagay na hindi nakikita o naririnig sa social media.

Kena Kuya Obet ako nagtanghalian: pritong tilapia at tira pa nilang refrigerated graham cake noong new year. Sarap! Sabi ko kay Kuya Obet, "Tayaan kaya natin ang dose? Ika-12 ang bulkan, ta's ilang beses nang may dumaing na dose piraso [12] lang yung sumabit sa lambat, baka tumama."

Ilan sa mga "realidad" sa ikalawang taon:

May mga pamilya pa rin sa evacuation centers
Nadagdagan ang uri ng mga ilegal na pangingisda sa lawa
Mas kumaunti ang huling tawilis.
Umedad ng dalawang taon pa ang matanda nang populasyon ng mga mananawilis

No comments: