nagyaya si Roy na bisitahin si Kuya Joey sa Maynila bordering QC. kalakip ng byahe ang pagpapamedical nya sa Ermita. makikitulog kami sa dati kong boss sa Panay Ave, kay Walther. wala kaming credit card for airbnb o reservation online, ayokong magpauli-uli sa mga hotel o mapilitang mag-check in kapag nag-offer ng "queen-size na lang ang available."
paalis na si Roy sa abente tres, samahan na rin.
kahit alanganin pa ako sa lagay ng pandemya sa siyudad.
a day before, pre-luwas meeting pa kami sa 7Eleven Lusacan to strategize the byahe. wala akong tiwala kay Roy sa byahe. naka-asa sa Google. sa Japan daw kasi hindi sila binibigo ng Google sa paraan ng komyut. wala nang dumadaan d'yan, maniwala ka sakin, iba na ang galawang komyut ngayon.
parang normal na. sa bus, standing kami. dikit-dikit na uli kami tipong namomolestiya ka na kada may bababa. kahit tanghali at halos kalagitnaan na ng linggo; standing pa rin. nakaupo naman kami sa San Pablo. pero kung may virus dito, wala na, meron na agad kami.
kumain kami sa Pao Tsin sa Robinson Manila. haba ng pila. nakita pala namin may nagkakagulo. baka may influencer, artista, "tara Roy, makigulo tayo baka may omicro," yaya ko. si yorme pala, bumisita yata sa bakunahan sa mall. pagkakain bumili akong damit at tinagpo kami ni Kuya Joey sa Regatta. nagkape kami. wala pang isang taon simula nang nagkape kami sa Tiaong pero apat na taon simula nang di sila magkita ni Roy. nag-update lang si Roy ng kanyang love life at life in general. ako ano ba namang puwede kong ikuwento kundi mga paglalagalag ko sa 2021. binilhan kami ni Kuya Joey ng tinapay sa Breadtalk at hinatid sa Panay Ave.
grab ka na lang bukas pa-Ermita.
hinintay namin si Walther sa 7Eleven ng MPlace Tower B. makikitulog sa isa pa nyang unit. umorder sa Hot Kitchen na surprisingly may legit na ampalaya atsara (parang probinsya level yung pagkakahanda) at malaking serving ng tocino sa tosilog. nakadiskuwento pa rin kami ng 10% kapag 400 pesos pataas ang bill, ipakita lang ang vaccination card. tapos akyat na.
naligo lang ako bago kami mag-dinner sa unit ni Walther. may tira pa s'yang pizza at masarap na dip. parang marami kaming pagkukuwentuhan sa loob ng lima o apat na taon din kahit hindi naman ako nag-abroad. binigyan pala ako ng ilang libro ni Walther namely: (1) Kung Nanaisin (mga tula), (2) Kapag Natagpuan Kita, at (3) Ang Banal na Aklat ng mga Kumag. Binasa ko rin ang halos mabubuo na nyang chapbook collection na wala pang title. kakatapos ko lang din bumuo ng sa'kin.
una nang nahiga si Roy. nayosi si boss sa may bintana habang nagsasalaysay ng mga kwentong-bayan. tungkol sa kanyang bukid sa Pangasinan, sa mga pag-aararo. sa pagiging Bea Alonzo sa nagsisimulang taon ng 2022. sa nagdaang mga family drama-sitcom. alas-dose na kami ni Walther naghiwalay. may pasok pa sya bukas.
umakyat na ko sa kama. kinamusta ko ang siyudad na nakakapangamba ang tahimik. mukhang kaya ko na uling mabuhay dito. naupo si Roy, hindi sya makahinga. masakit ang lalamunan. buksan mo ng kaunti ang bintana. ilow cool mo ang erkon, wag fan. naupo s'ya. ako naman ay unti-unting nakatulog na. kaya mo na yan, malaki ka na.
aga nagising ni Roy. magkakape daw sya. sabi ko sa 7Eleven mamaya pagkaligo nya. nakaidlip ako uli. kakagayak pa lang ni Roy anong oras na kako, tanghali ka na. nag-almusal kami sa 7Eleven. umakyat uli ako sa unit. hintayin ko sya matapos sa medikal bago ako bumiyahe pa-terminal. sabi ko Roy, iba pa rin ngayon, masyadong matahimik. wala masyadong sasakyan na dumadaan. parang may mali.
binigyan ako ni Roy ng pasalubong na Mitsubishi ballpen daw. pagbukas ko, lapis.
nagbasa-basa ako sa taas ng mga tula. sumulat din ng isa; ehersisyo lang. nanood ng ANC tungkol sa omicron. maaaring dumaluyong uli ang mga kaso, hindi aabutin ng buwan kundi linggo lang. hindi pa nagbibigay ng opisyal na bilang ang DOH dahil pinagbibigkis pa nila ang mga bilang.
hindi pa pala pumasok si Walther. tinamad pa yata. haha. kinukulit ako sa anong title ng chapbook. sabi ko baka darating yung title kapag tapos na yung katedral, kapag buo na koleksyon. darating yun ng kusa. (ganun yata). sabay na rin kami bumaba. pabalik na sya sa family business. pauwi na ko sa'min. hanggang sa susunod na limang taon, boss.
pina-check ko kay Roy kung saan ang sakayan ng bus; sa Farmer's daw. sigurado ka?!
"Ang alam ko", sabi ni Roy. book ako ng Grab, Farmer's it is. Pagdating ko ron puro city buses at papuntang Norter ang bus sa Araneta. Lakad ako papuntang Araneta Bus Port, wala na sarado na rin. Mabuti na lang mamahalin ang sapatos ko at hindi masyadong masakit sa paa maglakad at isa lang din ang dala kong hand bag. "Nasan ka na?" tinanong ko si Roy. "Nasa Farmer's" sabi ni Roy. Ngayon nalaman ko na kung anong pwede kong isagot sa pet peeve kapag tinanong ako: 2 bagay (1) kapag tinanong ng location tapos alam naman n'yang di ka pamilyar sa lugar tapos walang specific na landmark o nagbigay ng palatandaan pero kailangan mo pa i-narrow down na parang pinoy henyo lugar-category; at (2) si Roy sa pagluwas.
Saang Farmer's? sa Market? sa Plaza? tatlong bldg. yan e. sa Jollibee. share Google location! ayaw lumabas ng location ko dahil iOS s'ya. hindi raw s'ya makagalaw sa kinatatayuan n'ya dahil may lumapit daw sa kanyang kahinahinalang lalaki. tanghaling tapat Roy, ang dami-daming tao d'yan.
"Bi ka ba?" tanong daw kay Roy.
Wala rito sa Araneta. Balik tayong Taft. Google uli sya, DLTB sa Taft. LRT kami, andar. baba. lakad. sinundan kami ng mga pahinante, tanong nang tanong kung pabicol daw ba kami. hand bag lang ang dala ko, wala namang bubuhatin sa'kin. pagdating doon wala nang DLTB sa Taft, noon pa. may ordinary na bus pa-Bicol. nakikipag-usap na si Roy sa mga mukhang holdaper at tatagain kami sa pamasahe. hinigit ko si Roy, balik tayo ng Pedro Gil sa DLTB.
kapag natabihan ka d'yan at naholdap ka. hindi na ako magba-blatter sa pulis station sa Legazpi. babyahe na ako pauwi agad, bahala ka. kuda ko habang naglalakad pabalik ng LRT uli. hinusgahan ko naman daw agad ang mga tabas ng pagmumukha ng mga pahinante. risk management, pandemya ngayon, tingnan mo yung baranggay sa likod ng mga terminal. kung makadikit sa'tin hanggang terminal, kahit di mo kausapin, didikitan ka. gusto ko na lang din umuwi nang maayos. mas takot ka pa sa bading kesa holdap risk.
kinabukasan: 17K + ang bagong naitalang positibong kaso ng covid-19.
No comments:
Post a Comment