ewan. wala akong natapos buong maghapon. di ko rin namalayan inabot ako ng gabi. kakanood ng mga bahay. kakatingin sa mapa ng village. kakatantiya kung gaano kalayo sa daanan ng jeep ang village dahil walang kotse. kakahingi ng sample computation. kakaisip kung kakayanin ko ba ang tatlong milyong piso para mabubungan ang sarili. kakatimbang na parang kaya kong bunuin ang dalawang milyon sa tatlong taon na dala-dalawa ang trabaho.
mag-abroad kaya? mag-corporate kaya kahit 5 years lang? focus lang. walang lingon-lingon. makapundar lang ng bahay. parang kaya ko naman 'yun. maghahating-gabi na at naglalaway pa rin ako sa wala pang 100 metro kwadradong seguridad sa buhay. sa single detached house na nasa loob ng gated community. na hindi ko gusto dati pero parang ito na ang pinaka mura at madali para sa'kin. kaysa ipilit ko pang gusto ko malayo sa siyudad, gusto ko sa farm, ayoko sa subdivision pero mas mahal magpagawa ng bahay na sa bukid lalo na't walang alam sa construction. wala naman akong sasakyan at walang kabalak-balak magkotse. pinaka madali ang magwindow shopping ng mga produktong maaaring tirahan.
ngayon lang pumasok sa isip ko na magkabahay. sa walong taon kong paninilbihan sa mga komunidad sa probinsya, saka ko lang naisip na wala nga pala akong sariling bahay. palagi ko namang sinasabi na "di kayo maniniwala pero mas maganda pa po ang bahay nyo kaysa sa'min" kahit na 'sir' ang tawag o maaayos ng kaunti ang damit kapag nagbabaranggay. palipat-lipat din naman kasi ako ng lugar noon, ngayong nagpandemya lang at maaari nang ilagay ang trabaho sa bahay ko naisip na kailangan ko nang bumukod uli. tapos, sa walong taon wala rin pala akong pera at dahil hindi regular na empleyado hindi rin makakautang sa bangko. wala namang pangkolateral.
madaling araw na't laway na laway pa rin ako sa maayos na bahay. hindi ko pa yata kaya. o ayoko lang din na magtrabaho para lang makabayad ng mortgage at mga dues ng homeowners.