Iniwasan naming magpa-fill up ng kahit anong papel (survey) sa mga mananawilis. Una, para walang pasalin-salin na papel dahil iniisip pa rin ang virus. Pangalawa, baka magkaroon pa rin ng maling ekspektasyon na ang survey ay ayuda o sa politiko kahit na ipaliwanag ko na saliksik lang. Nasa app lang ang survey at verbal ang consent.
Nagpa-print na ako sa hotel ng questionnaires para kung sakaling magkatabing bahay ang mga mananawilis, hindi ko na uulitin ang tanong kasi masakit pala sa lalamunan lalo na't kahit may ilan ka lang na tanong ay nagiging semi-structured pa rin ang survey dahil ganun, magkukuwento sila.
Pagdating sa Alitagtag, "tingnan mo kung nasaan ang mga mananawilis" sabi sakin ng pangulo ng mga mangingisda. Hindi kami papuntang tabing-lawa, palayo kami sa dagat. " 'yung bahay na yun, kamamatay lang ng mangingisda dyan hindi na nahintay 'yung lambat." Dumating kami sa isang manggahan, hindi nagbahay-bahay ngayong araw kundi puno kada puno. Nasa mga sanga ng puno ang mga mangingisda, isa-isang binabalutan ang mga bunga.
Isinigaw ko ang mga tanong. Hindi ko nagamit yung papel.
No comments:
Post a Comment