Thursday, May 26, 2022

pariwara.jpeg

parang pariwara na ko te. oo, te pariwara as in failure as a person, a professional. kung ano-ano lang ginagawa ko as someone approaching trenta. wala naman akong masisi. haha. parang laging ito na ba yun ang lahat-lahat? prang kaya ko pang i-push ng konti pa to change the track ng timeline ko, para laging hindi pa ito 'yun. may igaganda pa 'to. kaya siguro ang dami kong biglang-liko. tapos puro deadend. nauubos na yata ang gasolina ko para hanapan ng ibang daan yung mga nasasalubong na deadend. hindi naman ako malungkot. naiinip lang, buryong na buryong sa kawalan ng kaganapan. naghihintay na may magbukas ng oportunidad ng trabaho, tapos nang mag-callback tatanggihan. naghahanap ng trabaho kapag inalok ng recommendation sa maayos namang sweldo, iisnobin. anong trip ko? may mas deserve ka pa ganun, so ano ngang deserve mo aber? default ko na yata ang di mataeng pusa. 

inaabot uli ako ng madaling araw, actually umaga na ang 6am na tulog. kahapon para akong nag-motel dahil 3 hours lang ang tulog ko. hindi ako natatakot o nalulungkot, sobrang ikinaiinip ko ang buong gabi. pakiramdam ko nasasayang ang oras sa pagtulog. kagaguhan phase ko yata. pakiramdam ko gumigising ako sa maling lugar. hindi ako dapat andito. gsuto kong umalis. shet. gets ko na yung kantang gusto kong matutong mag-drive. umandar lang. umusad. kahit san. 

sa umaga naghahagilap naman ako ng gana magsulat o tapusin ang mga proyekto. nag-iipon lang ako ng mga simulang gagawin. ililista. kakalimutan. babalikan. ililista. kakalimutan. at may panibago na namang gustong gawin. akala ko naakap ko na ang sarili kong pagkaligalig pero naiinis pa rin pala ko na hindi ako umaandar sa mahabang expressway na dere-deretso; akala ko ayos na ang usap na maraming stop over. maiinip din pala ako sa sariling andar. 

anong puwedeng gawin kapag magte-trenta anyos ka na tapos pakiramdam mo walang nangyayari sa buhay mo. yung alam mong wala kang disiplinang mamuhunan sa sarili noon pa at alam mong pinanganak kang walang talent pero gusto mong maka-tsamba bago mag-trenta: (a) pwede kang mag-asikaso ng masteral kahit di mo rin alam anong sunod after, (b) sumali sa Palanca kahit limang araw na lang bago ang deadline, (c) mag-dating app tapos i-unmatch lahat ng matches mo matapos ang isa-dalawang gabing bolahan, (d) isipin bakit mas excited ang gobyernong buwisan ang mga propesyunal (middle income class) kaysa mga bilyonaryo at huling baraha pa ang carbon tax para may maipambayad ang Pilipinas sa mga utang o kaya taasan pa ang buwis ng salary grade 22 pataas sa kongreso bilang role model at paglilingkod sa bayan, (e) mag-window shopping ng townhouses at furnitures kahit parang kaya mo na hindi ang monthly amoritzation;

di ako nagmamadali. di ako pariwara. pakiramdam ko lang hindi naman ako pariwara. kulang lang ako sa tubig. kinatatatakutan ko pala talaga ang buryong at inip. at least marami namang gagawin, hindi lang maupuan ang mga dapat nang tinatapos. akala ko hindi na ako magrereklamo at mas magiging pasensyoso ako sa sariling usad. e sa naiinip na ko. literal na nagsesend ako ng chats sa mga kaibigan na NAIINIP! ako in all caps w/ exclamation point. hindi ko na alam siguro kakain na lang muna ako ng almusal bago matulog.

sweet dreams!


bago ako tuluyang nakatulog, hinagip ko pa yung cellphone ko dahil may line na pumasok pa sa utak ko: "hindi ka naman mabubuo bago sumapit ang umaga. hindi ka manananggal, matulog ka na." 




Wednesday, May 18, 2022

Mayo 18, 2022

Nagbasa lang uli ng art book na natanggap abroad. May ilang naiintindihan. Mas maraming hindi ko gets. Nagpapalutang lang ng isip sa pagdaan ng mga salita't dibuho. Lumilipas ang mga pahinang basta ganun lang -- next page! Ilang segundong pagdaan sa mga sanaysay at tulang ilang oras o baka nga inabot ng ilang araw na inupuan ng mga manunulat. Puwedeng ganun lang din sila sa sanaysay ko sa loob, hindi nila alam ang kontexto, hindi nila alam ang gulo, basta lang kami nanghimasok sa kanya-kanyang mga kathang-mundo. May tungkol sa racism, panghihimagod at kabadingan, etimolohiya ng bundok, mga photo collage, may mano-manong minesweeper, at iba pang hinugot sa mga personal na pahina. Ilang buwan na akong maraming gustong upuan, araw-araw ninanakawan ng lakas ng sirkumstansya, at mapakla ang kahit anong sinusulat. Sabi ko hindi na ko kailanman maiinip kung walang dalaw ng musa o matatakot kung gumagawa ng wala araw-araw. Pero nalalaglag pa rin sa bangin kada atuhang sumilip lang sana -- bulusok. Parang wala akong gustong sabihin sa mundong napakaingay na. Parang gusto ko na lang makinig sa mga pinaka maiingay na at ibaldag na lang ang kaparehong tinig. Bakit ko pa uulitin ang mga nasabi na? Wait, hindi ko na rin yata naririnig ang sarili ko? Maaari palang sapin-sapin ang "wala akong maisip", "ang dami kong iniisip" at "ayokong isipin". Nagkatotoo rin pala ang sinabi ko, na ayokong magsulat sa ilalim ng bubongan namin sa tag-init, wala akong nakuhang kahit anong proyekto/trabaho nang buong tag-araw. Kanina opisyal nang sinabi ng PAGASA na simula na ng tag-ulan, kahit bumagyo na ng Abril, at dalawang linggo na lang Hunyo na. Teka, napansin mo pa ba kung kailan ang unang ulan ng Mayo? 

ibang-iba na nga ang klima. 


#

Mayo 18, 2022
Lalig, Tiaong, Quezon


Sunday, May 8, 2022

struggle for space.subd1.2

gumising ako na masakit ang ulo. sobra sa tulog o sobra sa init, baka pareho. wala akong headspace para gawin ang mga gusto kong gawin or dapat gawin. may pending pa ako sa grant report. may mga deadlines for submissions. pero wala akong maluwag na headspace pagkagising. wala kong gana ilang buwan na. buong Abril naman akong walang kontrata o trabaho so may oras ako para umupo pero wala akong maupuan. 

isip lang ako nang isip kung saan ako uupo. minsan maglalakad ako nang malayo papuntang coffee shop, minsan uuwi rin ako agad kasi ayoko pala magsulat o mag-isip doon. para akong asong hindi mapatae. di ako nagsusulat. di ako nagbabasa na. di rin naman ako nanonood ng pelikula o series. di rin ako kumakain nga madalas. di rin umiinom ng tubig madalas. 

oo nga no, lakad lang ako nang lakad, parang zombie.

parang gusto ko na lang kagatin kung anong nasa harapan ko. binilang ko ang project/job applications na meron ako na nakaabang at hinihintay, 8 sent emails ng application. paunahan na lang yan kung sino humara sa harapan ko kakagatin ko na. magkaron lang, di ng sweldo kundi ng black and white na papel na magdidikta kung anong gagawin ko sa ilang araw. 

ewan siguro dahil tuwing gigising ako sa umaga, makalat sa bahay. hindi ko na rin gusto maglinis kasi, wala akong sariling kwarto. yung lilinisin ko, dudumihan din ng mga kasama sa bahay. wala akong maluwag na ginagalawang espasyo. naririndi rin ako kapag may nagrereklamong makalat kasi pakiramdam ko magiging tagasunod lang din ako ng kalat kapag sinimulan kong linisin. kahit sarili kong lamesa, konting galaw ko lang nagtatambak agad ang kung ano-anong papel, gamit, kahit na anong tapon at bawas ko ng mga abubot. napaka lapitin sa kung anik-anik. kalahatin lang ng lamesa ko ang nagagamit ko sa tablet at kape dahil sa tambak. pakiramdam ko laging may halaga sa iniimbak na nabitbit mula kung saan-saan. 

ako lang din ang nagpapasikip ng sarili kong espasyo.

as if naman kapag nagkaroon ako ng sariling lugar, mas magiging maayos ang buhay ko? mas organized? mas mabango? mas maluwag? ganito rin yung sinabi ko dati noon kapag nagkaroon ako ng trabaho mas magbabasa ako ng libro. kapag nagkaroon ako ng sariling laptop, mas magsusulat ako. ganito lang din yun sa sariling lugar. wala yatang sariling espasyong ikaw ang masusunod kung ano lang ang nakalagay, may mga magsusumiksik lagi sa ilusyon mong katinuan. pota, sakit na ng ulo ko lalo. haha

lahat ng ads ko ngayon ay subdivision. nakita ko pa si Hector, kaklase nung hayskul sa foodpark noong isang gabi. nang tanungin ko ang trabaho nya, nagtitinda ng bahay, real estate sa katabing bayan. 'yung online friend na si Gab, kaka-resign lang sa isang luxury residences na design firm. paano labanan ang algorithms ko ngayon?


Saturday, May 7, 2022

riles11

Tapos na ang kampanyahan ngayong gabi. May nagwawala na naman sa riles na lasing inunahan na ang liquor ban. Mura nang mura sa labas. Hindi namin alam kung sinong kaaway. Di rin namin mabosesan yung nag-aamok. Nagtahulan na ang mga aso sa pagkagimbal sa mga hiyaw. May humihiyaw na rin na babae. May lumagabag na bubong o ding-ding. Malulutong na putangina sa hating-gabi. Andun na ang kapit-bahay namin bilang correspondent: kapatid daw ni Ka Itchay, lasing na lasing pa-hilaga na pero di pa rin tukoy ang pinagwawala ng lasing. May isa pang kapapasok lang na report: diumano'y hinarangan daw ang daan at gumagala hanggang highway.

Pagod na pagod ako sa huling araw ng kampanya. Nagbahay-bahay sa ilang sulok na mga sitio ngayong araw. Kinampanya si Leni kahit na pinaboran ang pagpapatuloy ng corporate life ng PNR at mapapaalis na kami sa riles na walang malinaw na paglilipatan pa. Pero kahit ganito ang kapit-bahayan from time to time, mas pipiliin pa rin naming dito manirahan na lang. 

Wednesday, May 4, 2022

riles10

maraming umpukan ngayon. 'yung iba mga meeting de avance. 'yung iba bahay-bahay na kampanya. madalas sa madalas tungkol sa eleksyon. may isang umpukan na di umano'y tungkol sa riles, sa demolisyon, sa relokasyon. pinalista ang mga pangalan. pabahay raw ni pacquiao. pagkatapos ng pirmahan ay lumabas ang coordinator ng tumatakbo sa lokal na pamahalaan. 

coordinator din sina Mama at Tito Ide ng kung sino-sinong kandidato. may nakukuhang ganansiya naman sila kada may ganap. hindi naman araw-araw ang trabaho o kampanya. basta pamparami lang sa events. nakalista ako sa mga database ng 'hawak' ng kandidato. alam kung kanino ang kanino mula kinakampihang gobernador hanggang sa kinakampihang mayor. kapag nakulayan ka na ng isa, wala kang sobre. bawal ang vote buying, pero napakadali namang itanggi ng kandidato yung mga naka pronta sa pagbili ng boto. puwede lang sabihing sa kalaban yan. puwede namang sabihing initiative ng supporter o anumang palusot, wala namang na DQ dahil sa vote buying.

may 'pa-meeting' ang bagong kandidato sa bayan namin. aba, at nasa sagingan. nagsalita ang coordinator kesyo mayaman na ang kandidato. may mga negosyo at may mga kaibigang gustong magnegosyo sa bayan namin. "tayo rin ang makikinabang doon" dahil sa magagawang mga trabaho. papaunlarin di umano ang turismo at "tayo rin ang makikinabang doon". hindi kukuhanin ang sweldo at idadagdag na pensyon/suporta sa mga bulnerableng miyembro ng komunidad at "tayo rin ang makikinabang doon". mabuti lang daw ang intensyon ng kandidato. walang inabot na sobre, mga pulyeto lang ng kandidato. huwag na raw kaming kakausap ng ibang kandidato. umalis ang mga tao pagkatapos ng maiksing paglalambing.

kinagabihan may natanggap akong puting sobre, bakat ang mukha ni Ninoy - 500 pesos. walang mukha or pangalang kandidato. wala rin akong pinirmahan. napahalumbaba rin ako habang sinisipat ang sobre sa ilaw. hindi ko maaninag ang pakinabang.


Sunday, May 1, 2022

pamangkids at church

nagkukuwento sina Puti at Top2 tungkol sa kwento sa sunday school class nila. tungkol daw sa paggagawa ng bahay sa ibabaw ng bato at sa buhanginan. mas matibay daw ang bahay sa ibabaw ng bato noong umulan. pagkatapos ng kwento, "kinuha lahat ng pera." sabay tinuro ni Puti si Top2, "ito walang nilagay! kami lang dalawa ni kuya ang hindi nagbayad."  

iisang bahin lang naman ang lahat

gusto ko na uli ng siksikan
ng labin' dal'wahan, kahit siyaman
lagkit ng balat, ng laman, ng pawis
mga hampas ng basa pang buhok
halimuyak ng sinusunog na diesel
halo sa samyo ng creamsilk na green
ayoko na ng plastik, nang pag-aagwat
ng pangamba, ng ilusyong seguridad
ginto ang bawat patak ng gasolina
iisang bahin lang naman ang lahat
isang singhot, isang buga ang panganib
gusto ko na uling tumagilid sa bintana
bumangla at tumanaw sa dinadaanan
silipin ang mga kanto, bilangin bawat poste

mamintana sa mga tanawin
kahit pa maluha sa hangin
o mapapikit sa puwing

gusto ko na uli
mag-dyip