Nagbasa lang uli ng art book na natanggap abroad. May ilang naiintindihan. Mas maraming hindi ko gets. Nagpapalutang lang ng isip sa pagdaan ng mga salita't dibuho. Lumilipas ang mga pahinang basta ganun lang -- next page! Ilang segundong pagdaan sa mga sanaysay at tulang ilang oras o baka nga inabot ng ilang araw na inupuan ng mga manunulat. Puwedeng ganun lang din sila sa sanaysay ko sa loob, hindi nila alam ang kontexto, hindi nila alam ang gulo, basta lang kami nanghimasok sa kanya-kanyang mga kathang-mundo. May tungkol sa racism, panghihimagod at kabadingan, etimolohiya ng bundok, mga photo collage, may mano-manong minesweeper, at iba pang hinugot sa mga personal na pahina. Ilang buwan na akong maraming gustong upuan, araw-araw ninanakawan ng lakas ng sirkumstansya, at mapakla ang kahit anong sinusulat. Sabi ko hindi na ko kailanman maiinip kung walang dalaw ng musa o matatakot kung gumagawa ng wala araw-araw. Pero nalalaglag pa rin sa bangin kada atuhang sumilip lang sana -- bulusok. Parang wala akong gustong sabihin sa mundong napakaingay na. Parang gusto ko na lang makinig sa mga pinaka maiingay na at ibaldag na lang ang kaparehong tinig. Bakit ko pa uulitin ang mga nasabi na? Wait, hindi ko na rin yata naririnig ang sarili ko? Maaari palang sapin-sapin ang "wala akong maisip", "ang dami kong iniisip" at "ayokong isipin". Nagkatotoo rin pala ang sinabi ko, na ayokong magsulat sa ilalim ng bubongan namin sa tag-init, wala akong nakuhang kahit anong proyekto/trabaho nang buong tag-araw. Kanina opisyal nang sinabi ng PAGASA na simula na ng tag-ulan, kahit bumagyo na ng Abril, at dalawang linggo na lang Hunyo na. Teka, napansin mo pa ba kung kailan ang unang ulan ng Mayo?
ibang-iba na nga ang klima.
#
Mayo 18, 2022
Lalig, Tiaong, Quezon
No comments:
Post a Comment