gumising ako na masakit ang ulo. sobra sa tulog o sobra sa init, baka pareho. wala akong headspace para gawin ang mga gusto kong gawin or dapat gawin. may pending pa ako sa grant report. may mga deadlines for submissions. pero wala akong maluwag na headspace pagkagising. wala kong gana ilang buwan na. buong Abril naman akong walang kontrata o trabaho so may oras ako para umupo pero wala akong maupuan.
isip lang ako nang isip kung saan ako uupo. minsan maglalakad ako nang malayo papuntang coffee shop, minsan uuwi rin ako agad kasi ayoko pala magsulat o mag-isip doon. para akong asong hindi mapatae. di ako nagsusulat. di ako nagbabasa na. di rin naman ako nanonood ng pelikula o series. di rin ako kumakain nga madalas. di rin umiinom ng tubig madalas.
oo nga no, lakad lang ako nang lakad, parang zombie.
parang gusto ko na lang kagatin kung anong nasa harapan ko. binilang ko ang project/job applications na meron ako na nakaabang at hinihintay, 8 sent emails ng application. paunahan na lang yan kung sino humara sa harapan ko kakagatin ko na. magkaron lang, di ng sweldo kundi ng black and white na papel na magdidikta kung anong gagawin ko sa ilang araw.
ewan siguro dahil tuwing gigising ako sa umaga, makalat sa bahay. hindi ko na rin gusto maglinis kasi, wala akong sariling kwarto. yung lilinisin ko, dudumihan din ng mga kasama sa bahay. wala akong maluwag na ginagalawang espasyo. naririndi rin ako kapag may nagrereklamong makalat kasi pakiramdam ko magiging tagasunod lang din ako ng kalat kapag sinimulan kong linisin. kahit sarili kong lamesa, konting galaw ko lang nagtatambak agad ang kung ano-anong papel, gamit, kahit na anong tapon at bawas ko ng mga abubot. napaka lapitin sa kung anik-anik. kalahatin lang ng lamesa ko ang nagagamit ko sa tablet at kape dahil sa tambak. pakiramdam ko laging may halaga sa iniimbak na nabitbit mula kung saan-saan.
ako lang din ang nagpapasikip ng sarili kong espasyo.
as if naman kapag nagkaroon ako ng sariling lugar, mas magiging maayos ang buhay ko? mas organized? mas mabango? mas maluwag? ganito rin yung sinabi ko dati noon kapag nagkaroon ako ng trabaho mas magbabasa ako ng libro. kapag nagkaroon ako ng sariling laptop, mas magsusulat ako. ganito lang din yun sa sariling lugar. wala yatang sariling espasyong ikaw ang masusunod kung ano lang ang nakalagay, may mga magsusumiksik lagi sa ilusyon mong katinuan. pota, sakit na ng ulo ko lalo. haha
lahat ng ads ko ngayon ay subdivision. nakita ko pa si Hector, kaklase nung hayskul sa foodpark noong isang gabi. nang tanungin ko ang trabaho nya, nagtitinda ng bahay, real estate sa katabing bayan. 'yung online friend na si Gab, kaka-resign lang sa isang luxury residences na design firm. paano labanan ang algorithms ko ngayon?
No comments:
Post a Comment