Wednesday, May 4, 2022

riles10

maraming umpukan ngayon. 'yung iba mga meeting de avance. 'yung iba bahay-bahay na kampanya. madalas sa madalas tungkol sa eleksyon. may isang umpukan na di umano'y tungkol sa riles, sa demolisyon, sa relokasyon. pinalista ang mga pangalan. pabahay raw ni pacquiao. pagkatapos ng pirmahan ay lumabas ang coordinator ng tumatakbo sa lokal na pamahalaan. 

coordinator din sina Mama at Tito Ide ng kung sino-sinong kandidato. may nakukuhang ganansiya naman sila kada may ganap. hindi naman araw-araw ang trabaho o kampanya. basta pamparami lang sa events. nakalista ako sa mga database ng 'hawak' ng kandidato. alam kung kanino ang kanino mula kinakampihang gobernador hanggang sa kinakampihang mayor. kapag nakulayan ka na ng isa, wala kang sobre. bawal ang vote buying, pero napakadali namang itanggi ng kandidato yung mga naka pronta sa pagbili ng boto. puwede lang sabihing sa kalaban yan. puwede namang sabihing initiative ng supporter o anumang palusot, wala namang na DQ dahil sa vote buying.

may 'pa-meeting' ang bagong kandidato sa bayan namin. aba, at nasa sagingan. nagsalita ang coordinator kesyo mayaman na ang kandidato. may mga negosyo at may mga kaibigang gustong magnegosyo sa bayan namin. "tayo rin ang makikinabang doon" dahil sa magagawang mga trabaho. papaunlarin di umano ang turismo at "tayo rin ang makikinabang doon". hindi kukuhanin ang sweldo at idadagdag na pensyon/suporta sa mga bulnerableng miyembro ng komunidad at "tayo rin ang makikinabang doon". mabuti lang daw ang intensyon ng kandidato. walang inabot na sobre, mga pulyeto lang ng kandidato. huwag na raw kaming kakausap ng ibang kandidato. umalis ang mga tao pagkatapos ng maiksing paglalambing.

kinagabihan may natanggap akong puting sobre, bakat ang mukha ni Ninoy - 500 pesos. walang mukha or pangalang kandidato. wala rin akong pinirmahan. napahalumbaba rin ako habang sinisipat ang sobre sa ilaw. hindi ko maaninag ang pakinabang.


No comments: