Pababa na ang pangulo, isang araw na lang. Bagong mukha ng pamahalaan na ulit sa isang araw. Isa sa mga huling seremonyas ng pnagulo ay ang inagurasyon ng pagbubukas ng riles ng tren na byaheng San Pablo- Lucena. Literal at metaporikal na nanginginig ang aming bahay kada dadaan ang tren. Pagkauwi ko ay excited na binalita ni Mama na may terrace na kami at ang harapan ng bahay ay sementado na. Kahit sira-sirang plywood lang ang gilid na ding-ding nito. Ilang takbo rin ni Papa ng referee 'yun. Kung kailan napatanggal sa pagiging sekyu dahil may edad na at hindi na matagalan ang erkon sa bangko; saka nagpasemento ng bahay. Kung kelan marami nang sticker ng PNR ang bahay namin dahil sa ilang beses nang assessment, saka nagpasemento ng bahay. Kahit ilang beses tinawanan ng kapit-bahay at sariling pamilya sa pagpapahakot ng buhangin mula sa ilog at inaanod din lang ng ulan dahil natetengga ang pagpapagawa, naituloy din ang pagpapasemento. Hindi naniniwalang papaalisin sa riles. Bahala na. Sa anim na taon ng administrasyon, maiksing bahagi pa lang ng riles ang Laguna at Quezon na biyahe, hindi umabot sa Bikol gaya ng nasa plano. "Pagpasenysahan n'yo na ang nakayanan namin" ang sabi ng pangulong kinabukasan ay bababa na sa puwesto.
No comments:
Post a Comment