Tuesday, July 5, 2022

Masteral 6 (Personal Statement)

Kung titingnan ‘yung mga credential at experience ko, restrictively, mas nakalinya sa social development at environment conservation. Chopsuey ang CV. Pinakbet ang experiences. Wala akong sariling libro kahit chapbook na published. Hindi ako galing sa top trifecta ng mga unibersidad sa bansa. Ang dami kong kailangang patunayan sa admission ng unibersidad sa UK kung bakit gusto kong magsulat.


Palaging sideline ang pagsusulat. 

Mag-iisang dekada na ako sa social development sector. Nakapagtrabaho sa parehong pribado at pampublikong sektor, sa lente ng community development, research, disaster response at biodiversity conservation. Ipinangamba ko rin kung bakit haluhalo ang mga naging interest kong trabahuhin. Una, limitado ang trabaho sa development sector sa probinsya kaya kukunin mo lahat ng raket na matututo ka ng iba't ibang bagay para kumita. Pangalawa, hindi ko alam na may social development sector pala na lumililim sa iba't ibang sistema at institusyong pinagtrabahuhan ko. Dati ikinababahala ko na ang chopseuy na field of expertise ko at nito na lang ako napanatag nung ma-konek da dots ang mga sari-sari.


Naging ticket ko ang pagsusulat.


Ang una kong engkwentro sa climate crisis, bukod sa mga sariling karanasan, ay ang post-Yolanda volunteer writing sa Eastern Visayas. Doon ko unang nakita ang ibig sabihin ng climate crisis labas sa mga textbook. Magkakabuhol ang pag-unlad sa kanayunan at pag-unawa sa paligid o planeta. Sa isang field assignment ko bilang isang agri journ, iniinterview ko ang isang nanay kung paano nakatulong ang produkto nila na luya at kalamansi juice sa kani-kanilang buhay. "Hindi ko na kailangang magkatulong sa Maynila kahit andito lang ako sa’min kumikita ako ng kaunti, kasama ko pa ang pamilya ko". Doon ko lalo nalaman kung sino ang gusto kong katrabaho at kausap sa pagsusulat. At hindi ko rin pala gusto sa Maynila.


Pagtatrabaho naman sa komunidad ang nagpakilala sakin ng relasyong tao-kalikasan. Nagtrabaho ako sa isang maliit na environmental non-profit sa mga komunidad sa lawa ng Taal. Mas okay sabihin na tumira ako ron; matagal. Nakipagkomunyon sa mga mangingisda at mga tawilis sa lawa. Nagpaliwanag ng nga implikasyon ng siyensya sa opisina ng pamahalaan at mga paaralan. Tila tagasalin ng teksto para sa iba-ibang tagapakinig. Kapag galing sa research isasalin sa maiintindihan ng komunidad. Kapag galing sa komunidad, isasalin sa anyo na uusad ang hinaing sa mga sistema ng pamahahala. Mas naging matalas ang sensibilidad ko rito sa galaw ng kalikasan na salik din kung paano gumagalaw ang komunidad. Pataasan ng ihi kung sinong mas makapangyarihan pagdating sa pagbabago ng kaligiran, ang mga barangay ba, ang mga businessman, ang gobyerno, ang walang humpay na paghampas ng tubig o ang bulkan.


May ilang tanong din na binuburo kung bakit may degradasyon ng ugnayang kalikasan-komunidad? Ekonomikal na mga siste lang ba ang puno’t ugat ng degredasyon? Dahil ba sa wika ng pagkatuto ng siyensya sa lawa at samut-saring buhay? Dahil sa mga ekonomikal na sistemang kinalalagyan kung paano kakain araw-araw kaya ba luho ang pagmumuni at pagtitimbang tungkol sa relasyon ng sarili, ng komunidad, ng kabuhayan sa kapaligiran? 


Sa mahabang mga taon ‘yung pagsusulat ay sideline.


Hindi masyadong cerebral ang proseso. Nagkukumahog makasali sa kontest. I lack -isms sa pagsusulat. Wala nga akong mababanggit na author sa ecoliterature. Ginagawang pampatulog. O kaya pagsusulat ang pakikipag-usap sa sarili sa mahahabang byahe sa dyip. Dokumentasyon kung ano bang ginagawa ko ngayon. Minsan, paraan ko rin ang pagsusulat para isa-teorya o sipat-sipatin ang mga karanasan sa komunidad. Sideline. Hindi career.  


Kung makapag-aral, hindi ko rin balak maging manunulat pag-uwi. Pero malinaw sakin na kahit pa ehekutibo o polisiya ang maging linya ng trabaho, malinaw kung sino ang gusto kong kausapin. Mas gawing popular ang likas-malay. Patuloy na subukang baluktutin ang wika ng pag-uusap tungkol sa biodiversity at mga ekolohikal na krisis. Buksan ang pagkilala sa kalikasan sa iba pang wika bukod sa krisis, kalamidad at pagiging ‘postcardish’. Iunat ang potensyal ng lokal na wika bilang wika ng pangangalaga ng kalikasan.


Kailangan kong mag-aral. Gaya ng dati may kutob akong kulang, kundi man sa karanasan, sa mga kasangkapan na meron ako para buoin ang mga gustong buoin.


No comments: