Sinasabing mahirap na talaga ang bahay na walang asin. Sa mura na ng halaga nito kapag nawalan pa kayo, e masahol pa sa 3rd world ang kalagayan nyo. Pero akalain mo, mahirap din pa lang kumuha ng asin?
Muli, nasa kusina kami nina Jeuel. Ako, si Alquin, at si Jeuel. Wala si Roy, me' heart problem. Heart burn to be specific.
Ang senaryo, kumakain sila ng mais. Hindi ako, tamad akong tanggalin ang mga bahagi ng mais na sumisingit sa ngipin ko. Isa pa, ang gara sa pakiramdam ng may mga nakasingit sa ngipin.
Kung may mais, dapat may asin. Meron namang asin sina Jeuel, ang problema ay walang willing kumuha. Ito ang kanilang mga arguments:
Alquin: Dapat si Jeuel ang kumuha, una dahil siya ang may-bahay. Nakakahiya nga namang gumalaw ng casual sa hindi mo pamamahay at sa kusina ka pa mangangalkal. Pangalawa, siya na nga ang kumakain ng mais, siya pa ang kukuha ng asin?! Mukhang sala sa hulog ang ikalawa niyang argumento.
Jeuel: Dapat si Alquin ang kumuha. Palagi naman daw si Alquin naroon, hindi na ito iba sa kanila kaya ayos lang na siya ang kumuha ng asin. Isa pa, alam naman ni Alquin kung nasan ang garapon ng asin.
At habang nagpapalitan sila ng argumento kung sino ang nararapat na kumuha ng asin, naka-isip ako ng magandang paraan para mapakuha sila ng asin.
"Ang kumuha ng asin, pogi!" sabi ko. Sabi ko lang. Para lang matigil na ang disputes sa pagkuha ng asin. Isa pa, nauubos na yung mais nila.
"Uuuuyy!!! Pogi yan, kukuha na yan ng asin." At lalong walang kumuha ng asin. Napaka-honest ng dalawa kong kaibigan.
Nauubos na ang mga dilaw na butil sa mga busil ng mais. Wala pa ring naiingli na kumuha ng asin. Hanggang sa nagsukatan na ng distansya kesyo ikaw ang malapit at ikaw ang kumuha.
"Alam nyo pride na 'yan", sabi ko. Natigilan ang dalawa. Alam na nila by this time, na kung sinong kukuha, siya ang magsusuko ng pride.
At ang nagwagi: Si Jeuel ang kumuha ng asin. Siya ang nagsuko ng pride. O di kaya'y hindi lang nakatiis na kumain ng nilabong mais na walang asin. Para ka kasing nagswimming ng walang tubig noon.
Tagu-an
Napagkasunduan naming sunduin sa bahay si Roy, ilang kembot lang naman 'yun mula kena Jeuel. Edi lumabas na nga kami, si Jeuel ay bumalik at kukuha raw siya ng pera at baka mapa-ibig sa madadaanan naming isawan. At dahil mainipin kami ni Alquin, e naisipan naming taguan si Jeuel.
Ansaya kaya sa feels ng hinahanap-hanap ka. Masaya ring tingnan na lilinga-linga si Jeuel na tila tupang ligaw, tinatanaw kami sa malayo e andun lang kami sa harap ng sasakyan nila. Nagtanong-tanong pa ito kung nakita raw kaming umalis na. Haaay define entertainment...
Ipinagkanulo kami ng batang pinagtanungan niya. Alam naming nakita na niya kami pero bakit hindi pa niya kami pinupuntahan? Anak ng Asin! Pride.
Sino ba naman ang gustong mapagkatuwaan? O kung napagkatuwaan ka, meron ka bang guts para harapin na napagkatuwaan ka? Ang simple lang naman kung tutuusin. Lalapit ka lang at tatanggapin na napaglalangan ka. Hindi siya lumalapit, tinotorture na ang sarili niya. "Alquin, nakita na niya tayo. Ayaw lang niyang lumapit. Hinihintay niya na tayo ang lumabas."
Hindi kami lalabas. Pataasan na ng ihi. Hihintayin namin siya ang lumapit. Graaaabe!!! Nasasayang ang oras ng namin pare-pareho. Pero entertainment talaga ang pagtatasa ng aming maliliit na pride. Tumayo lang kami ni Alquin sa harap ng sasakyan.
May kausap ang mokong, para hindi mainip. Iniinip niya kami pero hindi kami lalabas. Kung meron kang hinanap at nakita mo na di ba dapat ikaw yung lalapit? Tayo. Tawa. Tayo. Lalapit din yan.
Ang nagwagi: Si Jeuel ang lumapit at sinabing kanina pa niya kaming nakita. Alam namin, hinihintay lang naming siya ang lumapit. Sa gabing iyon, ay talagang na-exercise ni Jeuel ang kanyang humility. Tunay ngang isa kang asin ng sanlibutang ito kaibigan!
P.S.
Pwedeng i-interpret yung pagtatago na hindi lang para masukat ang pride ng tao, kundi may mga taong hindi magpapahuli ng buhay.
No comments:
Post a Comment