Tuesday, November 25, 2014

Mocking Mockingjay (Part 1)

    Guhit ni: Roy Corvera

   Nagustuhan ko naman talaga yung buong adaptation. Ang astig ng mga hovercrafts (kahit na hindi masyadong na-highlight yung stealth hovercrafts ng Distrct 13), underground society ng District 13 (kahit mas high-tech pa ang inexpect kong set up), rebolusyon sa ibat-ibang districts (kahit na sobrang bitin ng mga scenes), at siyempre pa ng bagong arrows ni Katniss (kahit na isang beses lang niyang ginamit ito). Halatang halata na ba na fan ako?

   Pero ito talaga yung mga elements na nagbigay "urgh!" sa'kin (or should I say sa amin?):

*Babala: Spoiler po ang mga sumusunod (pero kung nabasa mo naman yung novel, walang spoiler)

1. Yung scene sa District 11 na nagbigay ng signature salute kay Katniss 'yung mga nasa ospital. Puso 'yun dude. As in!

2. Si Effie Trinket. Yung itsura nyang nagpipilit pa ring maging sosyal. Napaka-creative pa rin talaga kahit gray jumpsuits lang ang meron siya. Artist nga talaga si Effie. Effie is hart hart. <3 <3

3. Yung tulang The Hanging Tree. Ang gondo-gondo ng melody; may recall talaga. Sobrang clueless lang kasi talaga ako kung paano 'yun kakantahin sa pelikula na magiging akma sa digmaan.

   Maganda ang iskedyul na nakuha namin at madami kami ngayon. Kung dati ay si Jeuel, Jet-jet at Alquin lang ang kasama ko, ngayon ay nakasama na namin sina Roy, Jomai, Joshee, Jem-Jem, at Alfie. Mga bagong recruit sa rebolusyon. [Pero wala ngayon si Jet-jet dahil may trabaho siya].

   Wala naman talaga akong ayaw sa Mockingjay. So bakit Mocking Mockingjay? E nakakainis pa rin kasi, kahit na alam ko namang Part 1 lang 'yun, e hindi ko matanggap na nabitin ako. Ang tagal kong naghandang hindi ako mabibitin pero halos ayokong tumayo sa upuan pagkatapos nung pelikula. Kaya hindi ko sasabihing maganda 'yung pelikula sa susunod na taon na.








P.S.
Sobrang nakakabitin talaga. Nakakainis
   

Wednesday, November 19, 2014

Galing Ako sa Aklatan 2014


   
   Galing ako ng Aklatan 2014 (under na pala ito ng Philippine International Literary Festival)  nito lang Nov. 13 sa Bayanihan Center na ang cozy ng ambiance. Nakakalungkot lang dahil hindi na nga pala ako student so kailangan ko nang magbayad ng reg. fee na Php 150. Sa isip-isip ko, isang libro rin 'yun.

"Minsan kailangan nating maging keen sa pag-o-observe sa nangyayari sa paligid natin."
-Manix Abrera

   Pero sinulit ko naman sa pakikinig sa mga talks. Apat na talks ang naupuan ko at ang pinakabago sa akin ay yung tungkol sa book designing. Hindi lang pala content ang tinitingnan, mahalaga rin pala yung design. Sa bagay guilty ako na judge ng mga libro by their covers, reviews, at recommendations.

   Nagulat pala ko sa gulat na gulat na reaksyon ni Ate Bebs (Bebang Siy) nang dumating ako sa lecture hall. Anlakas ng pagkaka"wooooooah" niya, na napatingin sina Eros Atalia, Manix Abrera, atbp.; yung tingin na "Sino 'yan?". Na-exagge lang ni Ate Bebs yung nostalgia sa aming muling pagkikita. Isang taon na noong huli kaming nagkita sa TintaKon 2013. Pagkatapos ng maigsing mga kamustahan pinakilala niya ko sa isang kaibigan na si Mary Joy (yata) ng Quezon City, AB English sa TIP.

"Kapag nagsusulat ako, gusto ko parangay kausap lang ako. At dahil gusto kong maintindihan ako ng kausap ko, gagamit ako ng wika na bihasa rin siyang gamitin para magkaintindihan kami."
-Eros Atalia



   Alam mo ba kung sino pa ang nakita ko? Si Ms/Mrs. Yna ng OMF Lit, yung nagpahiram sa'kin ng laptop nung nag-exam ako sa OMF bilang editor pero hindi ako nakapasa. Nagkamustahan kami tapos tinanong ko kung magveventure na ba ang OMF sa Fiction books kasi di ba puro mga self-help, non-fic, though meron silang dinidistibute na children's story at comics; hindi pa talaga yung fiction o novel per se. Oo raw sabi ni Mam Yna pero magwo-workshop pa raw sila.

   Naisip ko na mas maraming editors ang kakailanganin pa nila. At ininvite nga ulit ako ni Mam Yna na magtry ulit sa pag-e-exam bilang editor. Sige sige sputnik agad ang pagtango ko. Akala ko'y tapos na ang pag-uusap namin tapos bigla niya akong ininvite sa Christian Writers' Fellowship sa Nov.28, 6:30 pm sa OMF Boni. Sige sige sputnik ulit ako sa pag-Opo! Alam mo ba kung sino speaker? Si Bebang Siy raw!

   Pagkatapos ng mga talks, saka ako nagshopping ng mga aklat. Mga Php 700 nagastos ko, sobrang fall short pa nga sa annual budget ko na Php 1, 200 para sa libro. Kung sa bukstor ko yun binili baka inabot nga ng 1k 'yun. Bale 5 titles lahat mula sa Visprint.




"'Wag ka munang umuwi. Kain muna tayo."
-Bebang Siy

   Bago ako umuwi ay kumain muna kami nina Ate Bebs, Kuya Poy, at Sir Dino sa hindi ko raw madalas na kakainan: "Sa Jolibee!" sabi ni Ate Bebs. Ok fine lang sakin sabi ko basta 'wag lang fine dining. Sa isang Mediterranean Resto along Pioneer St. kami kumain at libre nina Kuya Poy ang order ko kaya yung Value Meal na kinuha ko. Talagang may value.

   Isang Reviews (and Rants) Dinner ang nangyari sa Persiana habang pinipilit naming ubusin ang Ox's brain at pinag-usapan ang krimenalidad sa Maynila, Pagtatanggal ng Filipino sa curriculum sa kolehiyo, posibleng mga writing projects, buhay mag-asawa (OP ako rito), mga not-so-good publishers, at anung ruta ang tatahakin para makaiwas sa rush hour. Pagkatapos ay isinabay nako nina Ate Bebs sa taxi papuntang terminal ng bus sa Kamias.

   Nakarating ako sa bahay ng pasado alas onse na ng gabi. Nag-assemble pa ng hihigaang skeleton na folding bed at magpapahinga para bukas ay ipagpatuloy ang pagbuo sa mga pangarap.

  Isang talaga itong story of revival.




Pasasalamat:

Kay Mary Joy and Co. :

Para sa pagsama sa tanghalian at pakikipagkwentuhan bago mag-umpisa ang mga talks. Sana ay magkita-kits muli tayo sa mga susunod pang literary events.

Kay Ate Bebs at Kuya Poy:

Sa libreng dinner at taxi ride. At sa pagsasakay sakin sa bus para akong beybi. Binabati ko kayo sa successful project nyo. 'Wag magpakastress!

Kay BOSS:

For blessing me with such lit. people and friends. Sa pagbibigay sakin ng material blessings na pambili ng libro. Sana next time may increase na? Sa uulit-ulitin po!


Rekusitos (Part 1)


   Hindi ako fan ng pag-aasikaso ng mga rekusitos. Pero dahil parte ako ng maayos(?) at sistematikong(?) lipunan kailangan kong mag-asikaso dahil malapit na'kong magtrabaho. Kailangan kong mainip sa mahahabang pila sa mga opisyo ng gobyerno, hintayin ang numero ko (#954), at makipagtalastasan sa mga kundi masungit ay walang mga emosyon na empleyado.

   Nagulat ako sa ipinagbago ng presyo ng mga public documents. Ang Cedula na huling kuha ko ay noong isang taon ay Php 31.00, ngayon ay tumataginting na Php 61.50! Mabuti na lang at walang paggalaw sa presyo ng Baranggay Clearance na bente pesos pa rin. Bente pesos rin ang Voter's Id ko na mukha akong kriminal.

   Ang Police Clearance na dati'y Php 75 ngayon ay Php 100 na plus babayaran mo pa yung pinakaform sa halagang Php 30. Dahil may ganito nang pautot kaya siguro may paalala sa pader ng tanggapan ng pulisya na: "Bawal umutot sa loob! Kung uutot ay lumabas muna at doon umutot."

   Sunod kong inasikaso ang SSS number ko sa San Pablo Branch. Yung pagkuha ng E1-form, sobrang masalimuot. Wala ka namang babayaran pero yung tagal ngpaghihintay sa pila ay halos forever. Totoo palang may forever! Dumating kami doon ng legal assistant ko, si Mudra, ng bandang alas-diyes at nakatapos ng bandang alas-dos.

   Sa pagitan ng apat na oras ay 30 numbers lang ang na-entertain nila.Paanong hindi aabutin ng siyam-siyam, madami nga ang windows nila pero ilan lang ang bukas. Tapos bigla na lang tumigil ang pagtawag ng bandang 11:30, hindi namin alam kung nagwelga ba sila o manananghalian lang.Pwede naman kasing sabihin na magtatanghalian lang po kami, chill lang po kayo dyan. Hindi yung clueless kami nakatakla sa pila.

   Tsaka, NO NOON Break Policy sila. Dapat hindi sila sabay-sabay nagtanghalian. Hindi dapat naaantala ang pag-e-entertain ng mga tao. Nasa Anti-Red Tape Act of 2007 kaya 'yun! Paano ko nalaman? May poster sila na nakapaskil dun so hindi rin nila yun nakakalimutan. Bandang ala-una, pumasok na ang mga empleyado, walang bahid ng pagmamadaling pumwesto sa windows at parang mga artista na naglalakad sa red carpet, kaming mga nakapila nakatingin lang at gusto nang magmakaawang "Please naman, konting bilis lang 'te. Mamatay na yung mga kukuha ng pensyon, agnas na yung kukuha ng burial benefits, buntis na ulit yung kukuha sa maternity; hindi pa rin umuusad yung pila.

   May napansin si Mudra na babae sa labas at pina-analyze nya sa'kin kung luka ba iyon. Sabi ko "Naluka 'yan sa kahihintay na matawag ang number niya." Bandang alas-dos nga'y natapos namin ang pagkuha ng E1 form.

   Nagtanghalian kami sa Prosperity (paborito kong kainan sa bayan ng San Pablo) na halos  paghintayin ulit kami para sa fried soimai kaya steamed na lang ang inulam ko sa pananghalian. Umay na kami maghintay.

   Ang huli naming inasikaso ay ang PhilHealth number ko. Kung may kapula-pula na tanggapan ng gobyerno ay may kapuri-puri rin naman.In fairness naman sa PhilHealth, feel na feel ko na ang healthy at productive ng environment ng tanggapan nila. Meron silang help desk at automated na proceedings. Yung number mo ay lalabas sa monitor at kung saan ka window number pupunta. Sasabihin dun ito ng isang voice operated chorva, parang pagboard sa eroplano; ganan. In less than 10mins, tapos ang PhilHealth number ko.

   Bilang nilaga sa pagtiya-tiyaga namin ni Mudra, dumaan kami sa bancheta sa bayan. Isang hilera ng ibat-ibang pagkain! Nagpabili ako ng spaghetti at lasagna. Nakita ko rin doon sina Pusa kasama ng aking mga dating ka-pub. Tuwang-tuwa sila sa ibinalita ko na magtatrabaho na'ko.

   Halos malapit na malapit na nga akong magtrabaho. Naisip ko na dapat asikasuhin ko na rin ang aking PAG-IBIG, sabay punas sa ketsup sa aking bibig.

 

Saturday, November 15, 2014

Sawikaan: Salaminan




PDAF
Pakinabang na ginto ng demokrasya
Dinelubyo ng mga halimaw ng Agusan
Akala'y alamat lang ang mga bakunawa
Filipinas, may matataya pa kaya sa habulan
Taguan sa kurtina ng upuan; balagoongan.

Kalakal
Natasak ng bubog ng mga basag na pangarap
Karunungang kapalit ng pag-umpog sa bakal
Mga munting pagao na tinig sa loob ng garapa
Kwentong bibihira sa mga dyaryo't peryodika
Kinalawang na't lahat-lahat, sinong kakalkal?

Endo
Walang katapusang pila at rekusitos
Di na mabilang na kayumangging enbelop
Malalaglag na ang ikaanim na dahon ng pagkatapos
Maingay pa rin ang alkansiyang baboy
Sa mga agam-agam sa buhay di makahulagpos
Tambay na naman ang mga bossing ng bayan

Hashtag
Ugong na mga usapin: tsismisan sa showbiz,
Mataray na pasahero sa LRT, pati eskandal
Ng mga hungkag na moral, istoryang pag-ibig
Isyung panlipunan para lang sa kolumnista
Sa mga babasahing banyaga pa ang peg

Riding-in-tandem
Ang krimen at kalamidad. Harurot na panganib
Hinoldap ang mga payak na aba; sumasala
Na ang bibig sa kutsara 'ni saplot ayaw magtira
Nagiging araw ang gabi at eroplano ang saranggola
Para lang umusad kahit na... kahit kakarag-karag

Salita
Ordinaryong mga ponema't morpema
Nagpasalin-salin sa mga diskurso sa kalye
Ilan pa nga'y trumending sa mga cyber-tambayan
Sa gayo'y danas ng bayan ay di mamaskarahan
Walang bahid ng pag-aalangan: 

Ito ang ating selfie.
















Saranggola Blog Awards 2014



*Ito ay isang opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2014



       Saranggola Blog Awards 2014       





 

Saturday, November 8, 2014

Transisyon: Tambay to Trabaho

     Sinulat ko ito dati nang akala ko'y magtatrabaho nako bilang writer sa isang humanitarian org; mga Hunyo ko isinulat. Pero dahil hindi ko nakita ang sarili sa trabahong iyon ay hindi ko muna ipinost ito. Kalauna'y hindi nga ako natanggap.

Dahil mukhang magtatrabaho na talaga ako sa ilalim ng isang matandang publishing corp. sa bansa, bilay ipopost ko na ito. Ito na ang takdang panahon.

May ilan lang akong takot kapag nagtatrabaho na ako. Hindi, hindi takot, mas oks kung pangamba. Mas akma. So, ito nga ilan kong pangamba: 


Una, baka hindi nako kailanman makapagsulat ng malikhain. Malaki ang posibilidad na maging structured at walang literary art ang aking mga akda. Wala pa rin namang literary sense ang mga akda ko ngayon, baka hindi ko na maabot 'yon hinahangad kong malikhai't masining na akda kapag nagtrabaho na ako. Baka hindi nako makapag-update ng blog ko. Masaklap 'yon. 

Pangalawa, nakakatakot talaga na baka sumulat nako para sumuweldo. Para na rin yung sinuswelduhan ang aking paghinga. O hinde! Ayokong maging ganerns lang ang aking motibasyon. 

Pangatlo, nakakatakot na baka mahulog ako sa materyalismo. 'Wag nawa. Ayokong maging shoppaholic kahit pa mga libro naman 'yun. Dapat kahit papaano'y matalino at masuri ang pagkuha ng mga aklat. 

Pang-apat, baka ma-miss ko ang aking mga kaibigan. Hak-hak-hak. Baka hindi nako maka-uwi ng madalas. Mahuhuli ako sa mga happenings. Wala nakong kasamang magkwek-kwek. Magigising ako isang araw na akala ko nagsleep-over lang ako kena Jeuel pero ang totoo'y nasa boarding haus pala ako't walang pakealamanan doon. Kakatawang aminin na takot rin pala akong walang makahuntahan.

Panglima, kailangan ko nang magbihis ng maayos araw-araw. Ng maayos. Araw-araw. Napakalaking enerhiya ang nagagamit ko kapag nagbibihis ng maayos. Stressful 'yon sakin.


Pang-anim, kailangan kong gumising ng maaga. Whaaa!!!! Hindi ako diurnal (therefore, nocturnal ako) kaya malaking adjustment ang gagawin ko sa aking orasang katawan (body clock). 

Pang-pitow, baka madala ko ang trabaho hanggang sa mga pansariling oras. O.T.Y. ang tawag doon. Mukhang mababaliktad ko ang oras ng trabaho sa oras na pangsarili at ang resulta ay makompromiso ang oras ng pagtulog. Baka bumaba na naman ang aking resistensya. 


Pang-walow, nakakatakot ang kriminalidad sa Maynila. 'Sing taas ng mga skyscrapers ang crime rate, traumatic ang mahold-up, ma-snatchan, o ma-kidnap. Wala akong pwedeng ibigay kapalit ng aking buhay kundi ang aking mga gintong pangarap. 

Ika-siyam. Ang dami ko pang nakaparadang babasahin. Ang kalat pa ng lamesa ko sa bahay. Baka kumaunti na ang mabasa kong libro kung kailan nag-aaral akong magbasa ng mabilis.

   Ang laki ng hinihinging kapalit ng pagtanda; ng pagiging propesyunal. Kasama na rito ang pagpapatanggal ng aking bigote.