Wednesday, November 19, 2014

Rekusitos (Part 1)


   Hindi ako fan ng pag-aasikaso ng mga rekusitos. Pero dahil parte ako ng maayos(?) at sistematikong(?) lipunan kailangan kong mag-asikaso dahil malapit na'kong magtrabaho. Kailangan kong mainip sa mahahabang pila sa mga opisyo ng gobyerno, hintayin ang numero ko (#954), at makipagtalastasan sa mga kundi masungit ay walang mga emosyon na empleyado.

   Nagulat ako sa ipinagbago ng presyo ng mga public documents. Ang Cedula na huling kuha ko ay noong isang taon ay Php 31.00, ngayon ay tumataginting na Php 61.50! Mabuti na lang at walang paggalaw sa presyo ng Baranggay Clearance na bente pesos pa rin. Bente pesos rin ang Voter's Id ko na mukha akong kriminal.

   Ang Police Clearance na dati'y Php 75 ngayon ay Php 100 na plus babayaran mo pa yung pinakaform sa halagang Php 30. Dahil may ganito nang pautot kaya siguro may paalala sa pader ng tanggapan ng pulisya na: "Bawal umutot sa loob! Kung uutot ay lumabas muna at doon umutot."

   Sunod kong inasikaso ang SSS number ko sa San Pablo Branch. Yung pagkuha ng E1-form, sobrang masalimuot. Wala ka namang babayaran pero yung tagal ngpaghihintay sa pila ay halos forever. Totoo palang may forever! Dumating kami doon ng legal assistant ko, si Mudra, ng bandang alas-diyes at nakatapos ng bandang alas-dos.

   Sa pagitan ng apat na oras ay 30 numbers lang ang na-entertain nila.Paanong hindi aabutin ng siyam-siyam, madami nga ang windows nila pero ilan lang ang bukas. Tapos bigla na lang tumigil ang pagtawag ng bandang 11:30, hindi namin alam kung nagwelga ba sila o manananghalian lang.Pwede naman kasing sabihin na magtatanghalian lang po kami, chill lang po kayo dyan. Hindi yung clueless kami nakatakla sa pila.

   Tsaka, NO NOON Break Policy sila. Dapat hindi sila sabay-sabay nagtanghalian. Hindi dapat naaantala ang pag-e-entertain ng mga tao. Nasa Anti-Red Tape Act of 2007 kaya 'yun! Paano ko nalaman? May poster sila na nakapaskil dun so hindi rin nila yun nakakalimutan. Bandang ala-una, pumasok na ang mga empleyado, walang bahid ng pagmamadaling pumwesto sa windows at parang mga artista na naglalakad sa red carpet, kaming mga nakapila nakatingin lang at gusto nang magmakaawang "Please naman, konting bilis lang 'te. Mamatay na yung mga kukuha ng pensyon, agnas na yung kukuha ng burial benefits, buntis na ulit yung kukuha sa maternity; hindi pa rin umuusad yung pila.

   May napansin si Mudra na babae sa labas at pina-analyze nya sa'kin kung luka ba iyon. Sabi ko "Naluka 'yan sa kahihintay na matawag ang number niya." Bandang alas-dos nga'y natapos namin ang pagkuha ng E1 form.

   Nagtanghalian kami sa Prosperity (paborito kong kainan sa bayan ng San Pablo) na halos  paghintayin ulit kami para sa fried soimai kaya steamed na lang ang inulam ko sa pananghalian. Umay na kami maghintay.

   Ang huli naming inasikaso ay ang PhilHealth number ko. Kung may kapula-pula na tanggapan ng gobyerno ay may kapuri-puri rin naman.In fairness naman sa PhilHealth, feel na feel ko na ang healthy at productive ng environment ng tanggapan nila. Meron silang help desk at automated na proceedings. Yung number mo ay lalabas sa monitor at kung saan ka window number pupunta. Sasabihin dun ito ng isang voice operated chorva, parang pagboard sa eroplano; ganan. In less than 10mins, tapos ang PhilHealth number ko.

   Bilang nilaga sa pagtiya-tiyaga namin ni Mudra, dumaan kami sa bancheta sa bayan. Isang hilera ng ibat-ibang pagkain! Nagpabili ako ng spaghetti at lasagna. Nakita ko rin doon sina Pusa kasama ng aking mga dating ka-pub. Tuwang-tuwa sila sa ibinalita ko na magtatrabaho na'ko.

   Halos malapit na malapit na nga akong magtrabaho. Naisip ko na dapat asikasuhin ko na rin ang aking PAG-IBIG, sabay punas sa ketsup sa aking bibig.

 

No comments: