PDAF
Pakinabang na ginto ng demokrasya
Dinelubyo ng mga halimaw ng Agusan
Akala'y alamat lang ang mga bakunawa
Filipinas, may matataya pa kaya sa habulan
Taguan sa kurtina ng upuan; balagoongan.
Kalakal
Natasak ng bubog ng mga basag na pangarap
Karunungang kapalit ng pag-umpog sa bakal
Mga munting pagao na tinig sa loob ng garapa
Kwentong bibihira sa mga dyaryo't peryodika
Kinalawang na't lahat-lahat, sinong kakalkal?
Endo
Walang katapusang pila at rekusitos
Di na mabilang na kayumangging enbelop
Malalaglag na ang ikaanim na dahon ng pagkatapos
Maingay pa rin ang alkansiyang baboy
Sa mga agam-agam sa buhay di makahulagpos
Tambay na naman ang mga bossing ng bayan
Hashtag
Ugong na mga usapin: tsismisan sa showbiz,
Mataray na pasahero sa LRT, pati eskandal
Ng mga hungkag na moral, istoryang pag-ibig
Isyung panlipunan para lang sa kolumnista
Sa mga babasahing banyaga pa ang peg
Riding-in-tandem
Ang krimen at kalamidad. Harurot na panganib
Hinoldap ang mga payak na aba; sumasala
Na ang bibig sa kutsara 'ni saplot ayaw magtira
Nagiging araw ang gabi at eroplano ang saranggola
Para lang umusad kahit na... kahit kakarag-karag
Salita
Ordinaryong mga ponema't morpema
Nagpasalin-salin sa mga diskurso sa kalye
Ilan pa nga'y trumending sa mga cyber-tambayan
Sa gayo'y danas ng bayan ay di mamaskarahan
Walang bahid ng pag-aalangan:
Ito ang ating selfie.
*Ito ay isang opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2014
No comments:
Post a Comment