Sinulat ko ito dati nang akala ko'y magtatrabaho nako bilang writer sa isang humanitarian org; mga Hunyo ko isinulat. Pero dahil hindi ko nakita ang sarili sa trabahong iyon ay hindi ko muna ipinost ito. Kalauna'y hindi nga ako natanggap.
Dahil mukhang magtatrabaho na talaga ako sa ilalim ng isang matandang publishing corp. sa bansa, bilay ipopost ko na ito. Ito na ang takdang panahon.
May ilan lang akong takot kapag nagtatrabaho na ako. Hindi, hindi takot, mas oks kung pangamba. Mas akma. So, ito nga ilan kong pangamba:
Una, baka hindi nako kailanman makapagsulat ng malikhain. Malaki ang posibilidad na maging structured at walang literary art ang aking mga akda. Wala pa rin namang literary sense ang mga akda ko ngayon, baka hindi ko na maabot 'yon hinahangad kong malikhai't masining na akda kapag nagtrabaho na ako. Baka hindi nako makapag-update ng blog ko. Masaklap 'yon.
Pangalawa, nakakatakot talaga na baka sumulat nako para sumuweldo. Para na rin yung sinuswelduhan ang aking paghinga. O hinde! Ayokong maging ganerns lang ang aking motibasyon.
Pangatlo, nakakatakot na baka mahulog ako sa materyalismo. 'Wag nawa. Ayokong maging shoppaholic kahit pa mga libro naman 'yun. Dapat kahit papaano'y matalino at masuri ang pagkuha ng mga aklat.
Pang-apat, baka ma-miss ko ang aking mga kaibigan. Hak-hak-hak. Baka hindi nako maka-uwi ng madalas. Mahuhuli ako sa mga happenings. Wala nakong kasamang magkwek-kwek. Magigising ako isang araw na akala ko nagsleep-over lang ako kena Jeuel pero ang totoo'y nasa boarding haus pala ako't walang pakealamanan doon. Kakatawang aminin na takot rin pala akong walang makahuntahan.
Panglima, kailangan ko nang magbihis ng maayos araw-araw. Ng maayos. Araw-araw. Napakalaking enerhiya ang nagagamit ko kapag nagbibihis ng maayos. Stressful 'yon sakin.
Pang-anim, kailangan kong gumising ng maaga. Whaaa!!!! Hindi ako diurnal (therefore, nocturnal ako) kaya malaking adjustment ang gagawin ko sa aking orasang katawan (body clock).
Pang-pitow, baka madala ko ang trabaho hanggang sa mga pansariling oras. O.T.Y. ang tawag doon. Mukhang mababaliktad ko ang oras ng trabaho sa oras na pangsarili at ang resulta ay makompromiso ang oras ng pagtulog. Baka bumaba na naman ang aking resistensya.
Pang-walow, nakakatakot ang kriminalidad sa Maynila. 'Sing taas ng mga skyscrapers ang crime rate, traumatic ang mahold-up, ma-snatchan, o ma-kidnap. Wala akong pwedeng ibigay kapalit ng aking buhay kundi ang aking mga gintong pangarap.
Ika-siyam. Ang dami ko pang nakaparadang babasahin. Ang kalat pa ng lamesa ko sa bahay. Baka kumaunti na ang mabasa kong libro kung kailan nag-aaral akong magbasa ng mabilis.
Ang laki ng hinihinging kapalit ng pagtanda; ng pagiging propesyunal. Kasama na rito ang pagpapatanggal ng aking bigote.
No comments:
Post a Comment