Thursday, January 22, 2015

#TYSM

  "Sorry for the inconvenience. Preparation for the Papal Visit."

Basang-basa sa Ulan.
  Ito ang sabi ng karatula sa mga trak ng DPWH na nakasalubong ko isang umaga pagpasok ko sa trabaho. Hindi ako katoliko pero alam kong maaapektuhan ako ng pagbisita ng isang prominenteng religious-world leader. Tandaan na ang Vatican ay isang City-State. Technically isa rin itong state visit at obligasyon ng gobyernong paghandaan ito. Isa pa, nakatutok ang global community sa Pinas during the stay ni Lolo Kiko rito. E kung nabaril yun dito sa'tin? E, di pangit na naman ang Pinas sa mga headlines ng New York Times, Japan Times, at Manila Times. Pero sana nagsasagawa rin ng mainam na pagsasa-ayos kahit wala mang state visit na magaganap. O wag namang hinaras yung mga informal settlers para mapalayas sa dadaanan ni Lolo Kiko. O saka inilipat yung mga refugees (pa rin) sa Tacloban bago dumating si Lolo Kiko.

  Para sa others (o hindi katoliko), isang mahabang holiday ang pagbisita ni Lolo Kiko sa bansa. Mula Enero 15 hanggang 19 ang bakasyon ko, yung sandwitch na pasok sa Sabado ay gagawan ko na lang ng paraan. Basta ako'y uuwi na sa bayang sinilangan sa Tiaong. Kailangan ko ring bumisita roon sa maraming dahilan. Una, marami akong nami-miss. Pangalawa, marami nakong na-miss dahil sa kinakain ng pagtatrabaho ang oras, araw, at eventually ang buhay ko.

   Nagkaroon naman ako ng maraming oras sa bahay para magawa muli ang mga na-miss kong gawin gaya ng pag-igib hanggang makapuno ng drum at balde-balde, maglinis ng makalat na bahay, at magpaligo ng mga aso. Namiss ko ang mga aso ko. Namiss ko rin sina Jeuel/E-boy, Alquin/Uloy, at Roy/Kakoy. Lahat pala sila ay rhyming ang palayaw; ngayon ko lang napansin.

   Huwebes ng gabi ay itinulog ko kena E-boy. Kasama ng paborito kong unan. Naki-Wifi. Nagkantahan at nag-ingay. Nag-puppet show kami na may kapangyarihang magtransform sa isang mabuhok na malaking daga at takot na takot dito si Uloy kaya tuwang-tuwa naman kami. Nagkwentuhan tungkol sa mga dating kaibigan noong hayskul. Kung paano 'iniwan' ni E-boy ang dati niyang mga kaibigan. At kung paano raw siya sinabihan ng mga ito ng "Ibalik kaya natin ang dati nating samahan?". 

Mahusay ang pagkakahati sa mangga.

   Biyernes ng gabi ay itinulog k ulit kena E-boy. Retreat na nga ito. Nag-ice cream (yung may Mrs. Fields) kami at naumay dahil wala si Roy; may pinuntahan siyang totoong retreat. Prinamis ko kasi 'yun sa kanila na sa susunod kong suweldo ay mag-aays krim na kami. Achievement na 'yun! Nanood din kami ng Doraemon: Stand By Me na hindi naman nakakaiyak. Hindi ko alam kung bakit sila naiiyak. Masyadong mga soft ang mga kaibigan ko.

    Ito ang isang mini-review ng Doraemon: Stand By Me
Maganda yung pelikula dahil parte naman ng childhood ng mga batang 90's ang Doraemon. May nostalgic feeling sa bawat gamit na nilalabas ni Doraemon na napanood mo rati sa series. Pinaka-paborito ko yung Domo-Dema Door, yung pagbukas ng pinto pwedeng makapunta kahit saan. Enjoy din yung classic na helipad. 
Siyempre, sinung  hindi nag-imagine na mag-time machine at pumunta sa future na ikaw? 'Yung time machine, nakakatuwa dahil binibigyan niya ang manonood (o mambabasa kung manga) na mag-isip para sa hinaharap. Na kapag pumalpak-palpak ka pala sa pag-aaral mo ngayon ay may bearing ito sa kinabukasan mo. Na yung mga kaibigan mo na kaaway at kalaro mo ay kaibigan mo pa rin. 
Nasa full 3D na 'yung pelikula. Mas bola na ang ulo ni Doraemon at mas bilog na ang salamin ni Nobita. Pero ganun pa rin ang senaryo, palaging may nakaalalay na kaibigan kay Nobita sa lahat ng kapalpakan niya. Ito ang mga tanong na umikot sa pelikula ay paano na kung wala na si Doraemon? Si Shizuka nga ba ang makakatuluyan ni Nobita? Paano kung nakita mo na ang magaganap sa buhay mo? Kitang-kita ang malaking slice of life na mensahe ng mangaka. Hinabol niya ang mga nagsilakihan nang audience ng kanyang akda. 
Spoiler Alert! Sa huli, makikita mo na natututo ka pa lang tumanggap ng kaibigan sa kabila ng marami niyang kahinaan. May malaking kapalit ang pag-alam ng hinaharap. Mas masaya pa rin pala ang mabuhay sa loob ng isang araw, kabanata kada kabanata kaysa mabuhay para sa bukas na parang isang pelikula.
    Maaga akong nakatulog nang gabing 'yun. 

   Sabado ng umaga, matapos mag-almusal ng pansit at puto ay nagpunta naman kami sa San Pablo para mag-ukay. Kumain muna kami sa paborito naming food haus na may karneng-karneng siomai. Lasang tao talaga. Lalo na kapag nalagyan ng sili. Tapos, nag-ukay kami. Bumili lang ako ng isang polo at dalawang itim na pantalon. Sila E-boy ay bumili ng pantalon sa bangketa. Antok na antok kaming umuwi. May praktis pa si E-boy sa simbahan. Si Uloy naman maglalaba pa. Ako, naghiga-higaan ng kaunti sa bahay tapos ay nagpagupit. Sobrang nakaka-antok yung pag-ahit ng labaha sa leeg ko. Parang humihiwalay ang kaluluwa ko. Nang gabi na 'yon nagawa ko rin ang isa pang na-miss ko: ang kumanta sa Choir. Shinger?


    Maulan naman noong Linggo dahil kay bagyong Amang. Balita ko nga ay maagang umuwi ng Maynila noong Sabado ang Papa dahil kay Amang. Medyo nahuli pa kami sa pagpunta ng simbahan. Muling nakapag-Sunday School na parang all-year round ay LCM (Love, Courtship, and Marriage). Panay pa rin ang paalala ni Mrs. David sa pagpili ng future mo. Naalala ko si Nobita. 

   Pagkatapos ng church service, maulan pa rin at mahangin. Agad akong pumunta kena E-boy para isauli ang hiniram kong black shoes dahil naiwan ko yung akin sa Maynila. Nanghiram din ako ng pandigma niyang sapatos dahil wala akong isusuot pabalik at jacket dahil maulan. Tapos, nakikain na rin siyempre. Nangutang din pala ako ng panggastos kay E-boy dahil wala na pala akong pera; pipti lang naman. Kwento lang ng konti tapos balik na agad sa simbahan namin dahil inilipat na pala ang panghapong pagtitipon ng tanghali. Pagkatapos ng ikalawang service ng bandang alas dos. Pumunta naman ako ng Kubo. Doon naman ako dumalo ng pagtitipon. Dumating na si Roy mula sa retreat nila sa Calauan. Ang lamig-lamig talaga habang naghahatid ng mensahe ang papasturin kong kaibigan. Bago kami tuluyang magyelo ay humigop muna kami ng mainit na kape at kumain ng umuusok na Mami kena Tita Melods.

    Masarap ang tulog ko noong Linggo ng gabi. Maghahanda naman para sa huling araw ko ng bakasyon. 

   Lunes ay maaga akong gumising para pumunta at magpiktyur sa tubigan. Naabutan ko ang nag-aani ng petsay. Kailangan ko ng istorya dahil absent ako noong Sabado. Nagpunta ako ng orchid farm. Tapos, bumalik ng universiti para sa panayam. Hays! Ang hirap maging manunulat para sa isang publication. Bandang hapon, kumain kami ng probin, yung pritong manok na may harina tapos pabilog ang hugis, saw-saw sa masibuyas na suka at sabay lak-lak ng orange juice. Halos hindi ako makalakad pauwi dahil sinisikmura ako. Tumambay muna kami kena E-boy hanggang alas-otso ng gabi. Inihatid na nila ako sa sakayan.

Kakatapos lang mag-probin.

  Officially, tapos na ang mahabang bakasyon. Saktong pamasahe ko na lang pabalik ng Maynila ang laman ng tampipi ko. Babalik na naman ako sa opisina. Babalik na naman sa araw-araw na kumakain mag-isa. Nakikipaglaro sa sarili. Ito ba talaga ang ibig sabihin ng pagtanda? Kung nakita ko bang ito ang aking hinaharap dati pa lang, mapapaghandaan ko ba yung proseso? Salamat na rin sa limang araw na bakasyon.

   Thank You sa Malasakit!
   
         

   

   

Wednesday, January 14, 2015

Dahil Hindi Lahat ng Prusisyon sa Simbahan ang Tuloy

 Isang buwan pa lang akong nagtatrabaho sa Maynila. Medyo sanay na akong umuwi papuntang Nagtahan, kung saan ako nanunuluyan. Ito ang ruta ko sa araw-araw kong pag-uwi: Intramuros- Quiapo- Nagtahan. Parang Dora the Explorer, palaging tatlong places lang. Dati sa may Lawton ako sumasakay pa-Quiapo, pero dahil punuan na ang dyip pagdaan nito sa Lawton ay sa may City Hall na ’ko sumasakay. 

   Napansin kong mas kakaunti ang bumabyahe ng Quiapo ngayong araw. Miyerkules naman at may pasok. Usually, in less than 5 mins nakakakuha naman ako ng dyip. Tapos, yung mga mananakay ay kinain na ang isang lane sa pag-uunahang makasakay ng pa-Quiapo. Gusto ko nang maka-uwi kahit sabit lang pero puno rin maski ang sabitan. An’meron?

“E di mayaman ka pala?”.
Hindi naman”.
“Magkano tuition mo per sem?”.
40”.
“Buong college life ko na  yan dude! Kasama na ang field trips”.
Ah, State U ka pala”.

    Nagtanong ako sa isang lalaking may salamin na naka-P.E. uniform at gray na shoes na may matingkad na yellow green edges. Nag-ala Doris Bigornia ako sa pag-iinterbyu, “Brad, Brad, Bakit parang konti ang pa-Quiapo ngayon?”.

   Black Fever. Nalaman kong dahil daw ‘yun sa pista ng itim na nazareno. Pero sa isang araw pa ‘yun ah. Ganun daw talaga. Yung maliliit na mga replica muna ang ipuprusisyon ngayong gabi kaya kakaunti na at halos wala na nang pa-Quiapo ngayon, paliwanag niya habang lumilinga-linga sa kalsada at nasa dibdib ang backpack. Mas kakaunti pa nga raw yung dyip na biyhaeng Dapitan kung saan siya umuuwi kaysa sa Pa-Quiapo.

    Yung inaakala kong alam ko na ang daloy ng tao at sasakyan, hindi pa pala. Na-miss ko ang holidays/seasons. Malaking factor pala ito sa density ng mananakay at pumapasadang dyip and consequently, sa traffic.
    
   Sa loob ng halos isang oras naming pagtayo, nalaman niya ang trabaho ko. Kung saan ako nakatira. Kung saan ako umuuwi ngayon. Kung saan ako nag-aral. Kung nag-aral nga ba ako. Hindi niya lang nalaman ang PIN ko sa ATM. Nag-offer siya ng options: a) Ipapara niya ako ng dyip b) Isasabay niya ako sa biyahe niya c) Sumakay ako ng ibang ruta. Nalaman ko na Marketing pala ang kurso niya kaya pala marami siyang offers. Nag-end up kami na lakarin na lang mula City Hall (tapat ng Intramuros) hanggang Quiapo.
   O, anung iniisip mo? May tugtog na “A the Beginning with You”? Medyo nag-hesitate talaga akong ilathala sa blog ito. Hindi kasi nakakamacho.Dahil hindi naman talaga 'ko macho-type, nilagay ko na rin.
   Sa daan, doon pa lang namin nalaman ang pangalan ng isa’t –isa. Isang oras na kaming nagkwe-kwentuhan ng mga rants tungkol sa lagay ng kalsada ng Maynila at kung ano bang urban development plan ang meron sila, pero hindi ko alam ang pangalan ng kaibigan. Siya ang unang nagtanong ng pangalan. Siya, ang una. Hindi ako. Siya. Tapos, dahil medyo maayos naman ang social skills ko, tinanong ko rin ang pangalan niya.

   Ito ang maigsi niyang profile na magpapatibay ng credibility niya bilang guide sa newbie sa Maynila. Siya pala si Paul Cruz.  Taga-Bulacan daw sila. Pero may bahay sila sa Dapitan. Nag-aaral pala siya sa Letran sa Intramuros at Marketing - Sophomore na pala siya. Sofomowr, as in F. Araw-araw siyang nag-uuwian ng Maynila-Dapitan.

     Si Paul at ang kanyang mga Survival Tips kapag Rush Hour (Maynila Area)

  1. Anti-Theft 

  a)      Ilagay ang bag sa harapan kahit na backpack pa yan. Maari kaw raw kasing malaslasan ng bag. Siya raw nalaslasan na at muntik nang malaglagan ng mga books niya. Sayang naman yung bag mo sabi ko. Kasi mahal ‘yun for sure.
  b)      Be alert kapag nasa may Monumento ni Bonifacio.
 c)  Huwag maglakas-loob maglakad mag-isa sa Quezon bridge (papuntang Quiapo). Maraming nagsosolvent dun. Minsan naglalambitin pa sa mga steel trusses ng tulay. Ok lang ngayon kasi may kasama ka at maraming dumadaan, pero pag ikaw lang; don’t dare.

Yan kita mo yun?" 
“Hindi”
Nagrurugby yung mga may hawak ng plastik.
“Kahit babae? Akala ko ba tinanggal na yung addictive properties ng rugby?”
Dapat observant ka.

2.       Disaster Response.
a)   Yung part ng Lawton pati yung sa may banda roon ng City Hall, bumabaha doon. Kaya dapat laging may payong.
b)    Magbaon na ng tsinelas. Tapos, iwan mo na lang sapatos mo sa office.
c)    Minsan, pinapatila muna naming ang ulan. Kumakain muna kami somewhere hanggang tumila or kumonti yung tao.

  Nakarating kami ng Quiapo, kaya pala wala na kaming masakyan. Binarahan na ng mga deboto ang kalsada. Wala ng lanes na gumagana. Dagat ng mga tao. Sabi ko sa Recto na lang ako sasakay at sinamahan pa rin niya ko papunta ro’n. Maliban sa seminar sa public safety ay pinag-usapan din namin ang kaniya-kaniyang interests gaya ng musika at libro. Pati ang pista ng itim na nasareno at paghahabol ko ng oras para maka-abot sa prayer meeting ay pinag-usapan namin.


   Pagkarating sa Recto, isasakay niya raw muna ako ng dyip biyaheng Pasig palengke  bago siya umuwi. Unang beses ko raw kasing sumakay sa may Recto. Napansin kong walang ibang dyip na dumadaan kaya tinanong ko kung pa’no siya uuwi. Bahala na raw siya. Nakasakay na’ko ng dyip. Naghiwalay na kami ng pasasalamat. 

  Hindi raw siya deboto. Hindi rin lalo santo pero inisip niya ang kaligtasan ng bagong kaibigan na nakasama lang sa isang oras na prusisyon. Mabangis ang Maynila pagkagat ng dilim, kaya kahit wala akong tuwalya, panalingin ko’y sana’y ligtas din siya.

   Hindi naman pala lahat ng prusisyon sa simbahan ang tuloy.

Monday, January 12, 2015

Unang Sweldo

   Unang sweldo. For sure, makukuha mo lang yan sa una mong trabaho. At sa una kong trabaho, ang una kong sweldo ay na-delay. Ye-ey! Hindi sa dahil may problema yung kumpanya, kundi dahil ako ang nagkaproblema. Hindi ko naibigay yung account number ko sa accounting at inabot ako ng cut-off. Malay ko ba? Kaya yun na-move siya sa katapusan. Lalo lang akong na-eksayt!

   Hindi ko kasi inalam kung magkano ang su-swelduhin ko. Basta sinulat ko lang kung ano yung expected salary ko nung nag-eksam ako. 'Yung buong katotohanan ay 15K talaga ang tibok ng puso ko pero considering my experience (na wala pa naman) at credentials (na hindi kapani-paniwala) ay ibinaba ko ang demand sa 13K kada buwan. After kong ipasa yung papel, nagtanong ako sa isang kakilala kung magkano ba ang 'tamang' sweldo kung nag-aapply ka bilang writer sa Philippine Daily Star (codename ng pinagta-trabahuhan ko dito sa blog), sabi n'ya 12-14k. Uy! Nasa optimum lang 'yung finil-up ko. Hindi naman umo-o yung kumpanya sa demand ko, hindi rin sila humindi. Silence means yes ata ang policy rito. Kaya wala akong clue kung magkano papatak ang unang sweldo ko.

   Hindi na rin ako nagtanong kung magkano. Surpresa na lang. Sabi ng mga nagtatanong kung magkano raw ang sweldo ko, karapatan ko raw magtanong kung magkano ang per day ko. Karapatan ko rin na piliin kung i-e-exercise ko ba ang karapatan na 'yun o hindi. Tingnan ko raw sa contract, pero wala ding nakalagay doon. "Naku! Wala kang suswelduhin d'yan! Bayani pala yang inapply-an mo." biro ng mga kasama kong nakikituluyan sa kumbento. Tsaka, tiwalaan na lang. Tinanggap ako ng Philippine Daily Star nang hindi man lang nila alam kung nakakasulat ba talaga ako ng artikel, kaya tatanggapin ko rin kung anung isusweldo nila sa'kin. Madali namang umalis kung hindi makatarungan. Isa pa, sinuswelduhan naman ako sa bagay na gusto kong gawin.

   Disyembre 29, 2014. Pinakain ko sa ATM yung card ko. Tapos, nagbalance inquiry. Hindi ko tiningnan yung screen, hinintay ko yung resibo ang magsabi ng sweldo ko. At Php 10, 372 pala ang sinuweldo ko. Bale sa loob yan ng 19 days kong ipinasok at may mga kaltas-kaltas na. Hindi ko muna winidro, umakyat muna ako para iatado ang limpak na limpak na salapi. Limpak na 'yan sa'kin, wag kang ano dyan.

(Expenditures hanggang sa susunod sa sweldo, Savings, Leisures & Vices, at Tax kay Inay)

Pagkain                                             P    800
Pamasahe                                                835
2Ps -Pantawid Pamilya                            2,000
Operation Blessing                                    350
Panitikan Purchases                                  580
Linis-linisan Budget                                    50
Aura Allotment                                         191
*TOMP                                                   1,437
Contingency Funds                                    700
Tipon sa Tag-Ulan                                   3,000
                                                        P 9,943

 Salapi para sa Survival. Yung budyet ko sa pagkain at pamasahe ay cinover na yung pagkain at pamasahe ko hanggang sa susunod na sweldo. Kasama na rin dito yung ipinamasahe ko pauwi sa amin sa Tiaong. Tapos yung pamasahe ko sa pagpaparoo't-parito sa Lusacan para makipagkwentuhan sa mga kaibigan.

   2Ps. Ito na rin yung Tax kay Inay. Dahil isa akong Pilipino at kulturang pinoy ang pagtulong sa pamilya, nag-abot ako ng 2k para sa 2Ps. Kahit na alam kong maraming benta ang nanay ko sa palengke noong kapaskuhan, at hindi naman kami garbo maghanda dahil maraming handa ang kapitbahay; nag-abot pa rin ako. Itutulong din naan yun ng nanay ko sa aming mga kamag-anak. Marami siyang charity works, kasing dami ng utang niya.

 Operation Blessing. Nag-abot ng bahagya sa 'Kumbento' kung saan ako nakikituloy pansamantagal. Yung 35 dyan, pinambili ng tinapay at kape sa'king huntahan sessions kena E-boy.

   Panitikan Purchases. Libro lang 'yan at comics. Nakakapangamba dahil maraming tukso sa paligid ko. Hindi lang dahil malapit ang NBS at Book-for-Less sa trabaho ko dahil ultimo sa bangketa at sa underpass ay may nagtitinda ng libro. Ngayon, may 5 na 'kong nabiling libro at 6 na komiks. Wala pa nga 'yung ikalawang sweldo.

  Linis-linisan Budget. It is consisted of sabon, both panligo at panlaba, shampoo, at downy.

  Aura Allotment. Pumunta ako ng MegaMol dahil may tiningnan ako na biyulin. Tapos,kumain lang ng bahagya sa Jollibee. Hindi naman siguro masamang i-date ang sarili at bumida ang saya kapag holiday.

  *TOMP- Ito ay laan para sa 'religious activities'. Religuous activities at pinasyang hindi na i-elaborate pa. Hindi po ito donasyon. 'Wag ring maipagkamaling ito ay limos. Basta 'yan na yan at wala nang mga detalye pa.

 Contingency Funds - para sa mga emergency situation. Kagaya nito: Pagdaan ko sa bangketa, nakita ko yung 'All I Really Need  to Know, I Learned in Kindergarten' ni Robert Fulghum, paperback editon. Tinignan ko yung likod; P 150 lang. This is an emergency kaya hinugot ko yung ConFunds at binili ko. Mabuti na lang at naagapan ko ang emergency na 'to.

  Tipon sa Tag-Ulan. Ito ay simpleng savings lang na maaring hugutin pambili ng biyulin, malaking bag, maleta, pang-licensure exam, pang-laptop, at iba pang maaring kailanganin ko pa sa panahon ng tag-ulan at hindi na'ko employed. Dahil alam ko na panandalian lang ito at hindi ako permanente sa trabaho.

   "Unang sweldo'y walang kasing tamis. Ang tamis ba'y magdudulot ng hinagpis? Mabuti pang walang tamis at nagdidil-dil sa asin;  walang pait, at least." 
                                                                                 -Dyord,
                                                                blogger, manggagawa, hirap maligo sa umaga



Tuesday, January 6, 2015

Kubot

   Bertdey ni JC, kasama ko na nakikitira sa 'Kumbento', kaya nanood kami ng Kubot. Wala kang choice dahil MMFF, support na rin namin sa pelikulang Noypi. Isa pa, liberty naman ni Kuya Caloy e, kaya go lang!

   Marami naman itong awards; anim lahat. Pero siyempre, ang hatol ng manonood ay palaging pagkatapos makita ang pelikula. Napanood ko ang trailer nito noong nanood kami ng Mockingjay (Part 1), at hanep sa joketime kaya inexpect ko na ang pinoy na pinoy nitong humor. Hindi naman ako binigo ni Isabel Daza sa kanyang pagluluka-lukahan. Deserve din ni Lot-lot De Leon at Joey Marquez ang Best Supporting Acts na award. Pwede ko ngang sabihin na sila ang nagdala sa pelikula. Oks pa rin naman yung effects kahit binawasan ang pagiging gross nung tema. Na-miss ko yung green screen na animation.

   Ito yung mga hindi masyadong maganda sa kwento:

1. Yung role nina Ramon Bautista at Bogart. Pinilit  maging multi-angular nung pelikula.
2. Yung role nina Abra at JuliAnne. May mecha-mecha pang ginawa. Kunwari naintindihan namin na matalino yung role nila, kaya nila nagawa yung mecha-arm ni Makoy.
3. Palaging islomo. Hindi na ba tayo magle-level up sa fighting scene?
4. Yung motives na nagpapagalaw sa mga tauhan hindi masyadong malalim. Kulang yung character development. Pinilit maging pampamilya yung pelikula. 
5. May nagmumura. Ginawa nyong pampamilya tapos may mga mura. So, ang tipikal na pamilyang Noypi pala ay nagmumurahan? E mga [toooot!] pala kayo e.

   Ito yung maganda sanang na-incorporate sa pelikula:

1. Sana inexplain ng maayos yung morphology, ability, at geographical distribution ng mga aswang species (at subspecies) sa Pilipinas. Para kaht papano ma-educate(?) tayo ng iba't-ibang lugar sa bansa at their corresponding lower myths. 'Yung Kubot at aswang ang kaibahan ng pelikula, sana inexploit n'yo.
2. Sana pinakanta na lang si JuliAnne at pinag-rap si Abra habang nilalalapa ng aswang. E di sana Best Picture award kayo?
3. Kung bisaya ang aswang, edi sana nag-bisaya o waray yung aswang. Kung uragon, edi dapat sana nag-hiligaynon. Tapos, i-subtitle na lang para mas realistic. na-promote pa ang vernacular languages natin.

   Pero overall, maganda naman siya kaya lang may mas igaganda pa sana. Siya, siya, siya, sige na, at may shooting pa si Direk. Babu! [clap,clap]

Saturday, January 3, 2015

Cubao, Bow

   Bandang alas-9 na ng gabi. Naghihintay ako ng bus biyaheng Sampalok, Maynila dahil pabalik na uli ng trabaho. Hindi naman ako pwedeng mag-Cubao,pwede naman akong sumakay sa may Shaw Blvd. ng dyip pa-Quiapo para maka-uwi ng San Miguel. Kaya lang, malimit ang holdapan sa Shaw kaya ayokong tumaya. Hintay na lang. 

   Puro Cubao ang dumadaan. Nag-umpisa si E-boy ng joke. Babala: Ang mga sumusunod na ideya ay dulot ng matinding inip. Hindi talaga ganito ang antas ng aming humor. Roy-level po itong humor na ito.

E-boy: 'Cu-bao (Ako, Bow.)
            Nag-iisip ako ng mas walang kwenta...

E-boy: Cu!Ba-o (Naku! Bao!)
            Grabe! Sobrang walang kwenta!

Alquin: ...

Ako: Cuba-O! (Kuba, o! [sabay turo])
         Nag-iisip siya ng malupit, kung meron pa.
         Ang hindi niya alam dal'wa ang bala ko.

Ako: OA?! Buc?! (O.A.?! Book?! [tapos kunwari nagbukas ako ng regalo])
        Napa-isip si E-boy.
E-boy: E wala ka namang kinuha doon sa Cubao!
           Nag-explain pa'ko na reverse yung wordplay.
           ...
           Na-gets na niya.

Alquin: ...

   
        Ititira ko na ang huling bala ko. Babala: Mas walang kwenta ang ss. na mga pangungusap.

Ako: Cub! Aoooo!!! (Cub! [As in baby lion or bear] + Awwww!!![expression ng nakyu-cutan!]= Cub! Awwww!!!)
         Parang wala na siyang ititira.

        5 mins. after

E-boy: Meron pa'ko. 
Ako: Weh! Talaga? Ubos na! Sagad sagad na ang ka-kornihan.
E-boy: ... buelo ...
           Tara dun sa Cubao! (Tara dun sa kubo [slang])

Alquin: ... 
            

   Siguro iniisip ni Alquin na sana makasakay na si Kuya Dyord ng matapos na ang kawalang kwentahan niya. Ang ending: Bumalik din ako kena E-boy para matulog dahil gabi na at walang dumadaang Ab Liner (Sampalok) at malamig na para kena Alquin, Roy, at E-boy. May sakit pa naman sila. Madaling araw na'ko luluwas, so nagpalamig lang kami doon sa may Seben-Ileben.
     
   Sabi ko kay Alquin, baka naman pwedeng sa Kamias na lang ako, p'reho lang namang maasim 'yung dalawa. haha Nakakatawa di ba?

   Sa pag-uumpisa ng taon, walang kwenta agad ang entry ko. Mukhang taon-taon akong bumubulok sa pagsulat. 
    

Pasko x Pasta x Piktyur



  Dapat hindi talaga ako uuwi ng araw ng Pasko. Hindi naman kasi kami naghahanda. Hindi naman kami  tradisyunal na dapat magkakasama ang pamilya sa Pasko. So, okey lang. Kaya lang nagpaunlak na sa'king imbitasyon sina Roy, Alquin, at Alfie para sa Tenksgibing sa church namin dahil baka raw magtampo na'ko kapag hindi sila nagpunta. Kaya pinasya ko nang umuwi, para na rin makasama ang aking napakagulong pamilya. Magulo sila vocally lang naman.

  Kahit na wala na'kong pasok ng bisperas, mismong araw ng Pasko na ako bumiyahe pauwi.Tama ang deductions ko na magiging maalwan ang biyahe ngayon. Nakakatuwa dahil parang ghost town (o dapat ba ghost road?) yung kalsada. Lahat puyat sa Noche Buena. Kahit nga ako puyat din kakalaro ng Hello Hero na app. Aba! Ikaw na, x2 ang gold drop at walang pasok bukas.

Bahay

   Mabilis lang ang biyahe. Hindi nga ako nakatulog. Pagdating ko sa bahay, nagkahulan sina Tsaw-tsaw, Prik-prik, at Dash-dash. Namiss ako ng mga aso ko. Namiss ko rin naman sila ng bongga. Pinakawalan ko nga si Prik-prik dahil alam ko hindi na ito nakakatakbo-takbo dahil busy si Mudra sa tindahan niya sa palengke. Hindi na rin nakakaligo ang mga aso ko.

   Inaasahan kong walang tao sa bahay. Si Mudra, usually nasa palengke. Si Pudang naman usually nasa inuman. Yung mga tiyahin ko, namamasko. Si Bernunang, nasa kanyang pamilya. Pero nadatnan ko 'ron si Mudra at sina Bernunang kasama ang aking pamangkin. Tapos, nagngangalngal din ang aking pinsan dahil napagpalo ng aking tiya. Paskong-pasko.

   Tinanong ko kung anung pagkain nila kagabi. Pizza lang daw. Buy 1 take 1 kaya bumili ang nanay ko. Ang pagkain na lang sa bahay ay pancit canton at itlog. Paskong-pasko. Paalis na daw silang lahat papuntang Pasig, kena Auntie (pero kapatid siya ng lola ko). Sinasama nila ako pabalik ng Maynila. Thanks but no thanks; kakabiyahe ko lang. Tsaka, may Tenksgibing sa church. 

Kapitbahay

   Pumunta ako kena Amnesia/Dolour/Ara/Dugyot. Nakita ko sa feysbuk na marami silang handa. Isang bayan lang naman ang pagitan namin nina Amnesia. Isang sakay lang ng bus. Hindi ko talaga alam kung sa bahay ba nila 'yung nasa pic o nasa Batangas sila. Usually kasi nasa reunion yung mga 'yun pero bahala na. 

Gumaling si Amnesia dahil salibro :D

  Bingo! Nandun sila sa bahay nila pagdating ko. Hindi sila natuloy sa kanilang Family Reunion sa Batangas.  Ang dami nilang handa! Best pick ay ang kanilang ispageti at afritada. Oo, pagkatapos magpasta, nagkanin ako. Tapos, nag-dessert ng Triple Chocolate cake at May na wine (yung grape juice lang po:). PGng-PG. Paskong-pasko.

   Wala naman pala siyang Amnesia. Nakalimot daw kasi siya sa mga hindi pumunta noong bertdey niya. Iniregalo ko sa kanya yung Nuno sa Punso kasi nabasa ko na. Tuwang-tuwa naman siya.  Bumabait na raw ako. 

   Nagkwentuhan lang kami saglit. Tapos, pumulas na'ko ng Alas-dos. Bumalik ako ng bahay para matulog ng saglit. Pag-gising ko andami ng text ni Alquin. Nasa chruch na raw sila at nasaan na raw ako. Naku! Alas-kwatro na pala. 

Kapit-bisig

   Ang tagal ko ring hindi nakauwi. Mga dalawang linggo akong wala sa aking home church dahil sa proximity ng trabaho ko. Proximity talaga? Ngayon ko lang din nakasama si Alquin at Roy, at this time kasama na namin si Alfie! Wohooo!

Si Roy yung pinakamasaya, ihaw na!

   Simple lang 'yung program. Simple lang din 'yung suot namin dahil wala naman kaming maipapag-magara. Nakinig kami ng mensaheng hinatid ni Pastor na"The Best Gift Ever!". Tapos, nagkwentuhan habang nagme-major ng iba't-ibang uri ng pasta. At para sa mga kagaya kong malapit ng maging miyembro ng media-betes, nag-enjoy ako sa cakes!

    Kapag natanggap mo na 'yung da best gift ever, lahat ng simple, oks na oks na sa'yo.

    Siyempre, hindi matatapos ang gabi 
ng walang kodakan!
Piliin ang di kasali at nakikisali :D