Wednesday, January 14, 2015

Dahil Hindi Lahat ng Prusisyon sa Simbahan ang Tuloy

 Isang buwan pa lang akong nagtatrabaho sa Maynila. Medyo sanay na akong umuwi papuntang Nagtahan, kung saan ako nanunuluyan. Ito ang ruta ko sa araw-araw kong pag-uwi: Intramuros- Quiapo- Nagtahan. Parang Dora the Explorer, palaging tatlong places lang. Dati sa may Lawton ako sumasakay pa-Quiapo, pero dahil punuan na ang dyip pagdaan nito sa Lawton ay sa may City Hall na ’ko sumasakay. 

   Napansin kong mas kakaunti ang bumabyahe ng Quiapo ngayong araw. Miyerkules naman at may pasok. Usually, in less than 5 mins nakakakuha naman ako ng dyip. Tapos, yung mga mananakay ay kinain na ang isang lane sa pag-uunahang makasakay ng pa-Quiapo. Gusto ko nang maka-uwi kahit sabit lang pero puno rin maski ang sabitan. An’meron?

“E di mayaman ka pala?”.
Hindi naman”.
“Magkano tuition mo per sem?”.
40”.
“Buong college life ko na  yan dude! Kasama na ang field trips”.
Ah, State U ka pala”.

    Nagtanong ako sa isang lalaking may salamin na naka-P.E. uniform at gray na shoes na may matingkad na yellow green edges. Nag-ala Doris Bigornia ako sa pag-iinterbyu, “Brad, Brad, Bakit parang konti ang pa-Quiapo ngayon?”.

   Black Fever. Nalaman kong dahil daw ‘yun sa pista ng itim na nazareno. Pero sa isang araw pa ‘yun ah. Ganun daw talaga. Yung maliliit na mga replica muna ang ipuprusisyon ngayong gabi kaya kakaunti na at halos wala na nang pa-Quiapo ngayon, paliwanag niya habang lumilinga-linga sa kalsada at nasa dibdib ang backpack. Mas kakaunti pa nga raw yung dyip na biyhaeng Dapitan kung saan siya umuuwi kaysa sa Pa-Quiapo.

    Yung inaakala kong alam ko na ang daloy ng tao at sasakyan, hindi pa pala. Na-miss ko ang holidays/seasons. Malaking factor pala ito sa density ng mananakay at pumapasadang dyip and consequently, sa traffic.
    
   Sa loob ng halos isang oras naming pagtayo, nalaman niya ang trabaho ko. Kung saan ako nakatira. Kung saan ako umuuwi ngayon. Kung saan ako nag-aral. Kung nag-aral nga ba ako. Hindi niya lang nalaman ang PIN ko sa ATM. Nag-offer siya ng options: a) Ipapara niya ako ng dyip b) Isasabay niya ako sa biyahe niya c) Sumakay ako ng ibang ruta. Nalaman ko na Marketing pala ang kurso niya kaya pala marami siyang offers. Nag-end up kami na lakarin na lang mula City Hall (tapat ng Intramuros) hanggang Quiapo.
   O, anung iniisip mo? May tugtog na “A the Beginning with You”? Medyo nag-hesitate talaga akong ilathala sa blog ito. Hindi kasi nakakamacho.Dahil hindi naman talaga 'ko macho-type, nilagay ko na rin.
   Sa daan, doon pa lang namin nalaman ang pangalan ng isa’t –isa. Isang oras na kaming nagkwe-kwentuhan ng mga rants tungkol sa lagay ng kalsada ng Maynila at kung ano bang urban development plan ang meron sila, pero hindi ko alam ang pangalan ng kaibigan. Siya ang unang nagtanong ng pangalan. Siya, ang una. Hindi ako. Siya. Tapos, dahil medyo maayos naman ang social skills ko, tinanong ko rin ang pangalan niya.

   Ito ang maigsi niyang profile na magpapatibay ng credibility niya bilang guide sa newbie sa Maynila. Siya pala si Paul Cruz.  Taga-Bulacan daw sila. Pero may bahay sila sa Dapitan. Nag-aaral pala siya sa Letran sa Intramuros at Marketing - Sophomore na pala siya. Sofomowr, as in F. Araw-araw siyang nag-uuwian ng Maynila-Dapitan.

     Si Paul at ang kanyang mga Survival Tips kapag Rush Hour (Maynila Area)

  1. Anti-Theft 

  a)      Ilagay ang bag sa harapan kahit na backpack pa yan. Maari kaw raw kasing malaslasan ng bag. Siya raw nalaslasan na at muntik nang malaglagan ng mga books niya. Sayang naman yung bag mo sabi ko. Kasi mahal ‘yun for sure.
  b)      Be alert kapag nasa may Monumento ni Bonifacio.
 c)  Huwag maglakas-loob maglakad mag-isa sa Quezon bridge (papuntang Quiapo). Maraming nagsosolvent dun. Minsan naglalambitin pa sa mga steel trusses ng tulay. Ok lang ngayon kasi may kasama ka at maraming dumadaan, pero pag ikaw lang; don’t dare.

Yan kita mo yun?" 
“Hindi”
Nagrurugby yung mga may hawak ng plastik.
“Kahit babae? Akala ko ba tinanggal na yung addictive properties ng rugby?”
Dapat observant ka.

2.       Disaster Response.
a)   Yung part ng Lawton pati yung sa may banda roon ng City Hall, bumabaha doon. Kaya dapat laging may payong.
b)    Magbaon na ng tsinelas. Tapos, iwan mo na lang sapatos mo sa office.
c)    Minsan, pinapatila muna naming ang ulan. Kumakain muna kami somewhere hanggang tumila or kumonti yung tao.

  Nakarating kami ng Quiapo, kaya pala wala na kaming masakyan. Binarahan na ng mga deboto ang kalsada. Wala ng lanes na gumagana. Dagat ng mga tao. Sabi ko sa Recto na lang ako sasakay at sinamahan pa rin niya ko papunta ro’n. Maliban sa seminar sa public safety ay pinag-usapan din namin ang kaniya-kaniyang interests gaya ng musika at libro. Pati ang pista ng itim na nasareno at paghahabol ko ng oras para maka-abot sa prayer meeting ay pinag-usapan namin.


   Pagkarating sa Recto, isasakay niya raw muna ako ng dyip biyaheng Pasig palengke  bago siya umuwi. Unang beses ko raw kasing sumakay sa may Recto. Napansin kong walang ibang dyip na dumadaan kaya tinanong ko kung pa’no siya uuwi. Bahala na raw siya. Nakasakay na’ko ng dyip. Naghiwalay na kami ng pasasalamat. 

  Hindi raw siya deboto. Hindi rin lalo santo pero inisip niya ang kaligtasan ng bagong kaibigan na nakasama lang sa isang oras na prusisyon. Mabangis ang Maynila pagkagat ng dilim, kaya kahit wala akong tuwalya, panalingin ko’y sana’y ligtas din siya.

   Hindi naman pala lahat ng prusisyon sa simbahan ang tuloy.

No comments: