Thursday, January 22, 2015

#TYSM

  "Sorry for the inconvenience. Preparation for the Papal Visit."

Basang-basa sa Ulan.
  Ito ang sabi ng karatula sa mga trak ng DPWH na nakasalubong ko isang umaga pagpasok ko sa trabaho. Hindi ako katoliko pero alam kong maaapektuhan ako ng pagbisita ng isang prominenteng religious-world leader. Tandaan na ang Vatican ay isang City-State. Technically isa rin itong state visit at obligasyon ng gobyernong paghandaan ito. Isa pa, nakatutok ang global community sa Pinas during the stay ni Lolo Kiko rito. E kung nabaril yun dito sa'tin? E, di pangit na naman ang Pinas sa mga headlines ng New York Times, Japan Times, at Manila Times. Pero sana nagsasagawa rin ng mainam na pagsasa-ayos kahit wala mang state visit na magaganap. O wag namang hinaras yung mga informal settlers para mapalayas sa dadaanan ni Lolo Kiko. O saka inilipat yung mga refugees (pa rin) sa Tacloban bago dumating si Lolo Kiko.

  Para sa others (o hindi katoliko), isang mahabang holiday ang pagbisita ni Lolo Kiko sa bansa. Mula Enero 15 hanggang 19 ang bakasyon ko, yung sandwitch na pasok sa Sabado ay gagawan ko na lang ng paraan. Basta ako'y uuwi na sa bayang sinilangan sa Tiaong. Kailangan ko ring bumisita roon sa maraming dahilan. Una, marami akong nami-miss. Pangalawa, marami nakong na-miss dahil sa kinakain ng pagtatrabaho ang oras, araw, at eventually ang buhay ko.

   Nagkaroon naman ako ng maraming oras sa bahay para magawa muli ang mga na-miss kong gawin gaya ng pag-igib hanggang makapuno ng drum at balde-balde, maglinis ng makalat na bahay, at magpaligo ng mga aso. Namiss ko ang mga aso ko. Namiss ko rin sina Jeuel/E-boy, Alquin/Uloy, at Roy/Kakoy. Lahat pala sila ay rhyming ang palayaw; ngayon ko lang napansin.

   Huwebes ng gabi ay itinulog ko kena E-boy. Kasama ng paborito kong unan. Naki-Wifi. Nagkantahan at nag-ingay. Nag-puppet show kami na may kapangyarihang magtransform sa isang mabuhok na malaking daga at takot na takot dito si Uloy kaya tuwang-tuwa naman kami. Nagkwentuhan tungkol sa mga dating kaibigan noong hayskul. Kung paano 'iniwan' ni E-boy ang dati niyang mga kaibigan. At kung paano raw siya sinabihan ng mga ito ng "Ibalik kaya natin ang dati nating samahan?". 

Mahusay ang pagkakahati sa mangga.

   Biyernes ng gabi ay itinulog k ulit kena E-boy. Retreat na nga ito. Nag-ice cream (yung may Mrs. Fields) kami at naumay dahil wala si Roy; may pinuntahan siyang totoong retreat. Prinamis ko kasi 'yun sa kanila na sa susunod kong suweldo ay mag-aays krim na kami. Achievement na 'yun! Nanood din kami ng Doraemon: Stand By Me na hindi naman nakakaiyak. Hindi ko alam kung bakit sila naiiyak. Masyadong mga soft ang mga kaibigan ko.

    Ito ang isang mini-review ng Doraemon: Stand By Me
Maganda yung pelikula dahil parte naman ng childhood ng mga batang 90's ang Doraemon. May nostalgic feeling sa bawat gamit na nilalabas ni Doraemon na napanood mo rati sa series. Pinaka-paborito ko yung Domo-Dema Door, yung pagbukas ng pinto pwedeng makapunta kahit saan. Enjoy din yung classic na helipad. 
Siyempre, sinung  hindi nag-imagine na mag-time machine at pumunta sa future na ikaw? 'Yung time machine, nakakatuwa dahil binibigyan niya ang manonood (o mambabasa kung manga) na mag-isip para sa hinaharap. Na kapag pumalpak-palpak ka pala sa pag-aaral mo ngayon ay may bearing ito sa kinabukasan mo. Na yung mga kaibigan mo na kaaway at kalaro mo ay kaibigan mo pa rin. 
Nasa full 3D na 'yung pelikula. Mas bola na ang ulo ni Doraemon at mas bilog na ang salamin ni Nobita. Pero ganun pa rin ang senaryo, palaging may nakaalalay na kaibigan kay Nobita sa lahat ng kapalpakan niya. Ito ang mga tanong na umikot sa pelikula ay paano na kung wala na si Doraemon? Si Shizuka nga ba ang makakatuluyan ni Nobita? Paano kung nakita mo na ang magaganap sa buhay mo? Kitang-kita ang malaking slice of life na mensahe ng mangaka. Hinabol niya ang mga nagsilakihan nang audience ng kanyang akda. 
Spoiler Alert! Sa huli, makikita mo na natututo ka pa lang tumanggap ng kaibigan sa kabila ng marami niyang kahinaan. May malaking kapalit ang pag-alam ng hinaharap. Mas masaya pa rin pala ang mabuhay sa loob ng isang araw, kabanata kada kabanata kaysa mabuhay para sa bukas na parang isang pelikula.
    Maaga akong nakatulog nang gabing 'yun. 

   Sabado ng umaga, matapos mag-almusal ng pansit at puto ay nagpunta naman kami sa San Pablo para mag-ukay. Kumain muna kami sa paborito naming food haus na may karneng-karneng siomai. Lasang tao talaga. Lalo na kapag nalagyan ng sili. Tapos, nag-ukay kami. Bumili lang ako ng isang polo at dalawang itim na pantalon. Sila E-boy ay bumili ng pantalon sa bangketa. Antok na antok kaming umuwi. May praktis pa si E-boy sa simbahan. Si Uloy naman maglalaba pa. Ako, naghiga-higaan ng kaunti sa bahay tapos ay nagpagupit. Sobrang nakaka-antok yung pag-ahit ng labaha sa leeg ko. Parang humihiwalay ang kaluluwa ko. Nang gabi na 'yon nagawa ko rin ang isa pang na-miss ko: ang kumanta sa Choir. Shinger?


    Maulan naman noong Linggo dahil kay bagyong Amang. Balita ko nga ay maagang umuwi ng Maynila noong Sabado ang Papa dahil kay Amang. Medyo nahuli pa kami sa pagpunta ng simbahan. Muling nakapag-Sunday School na parang all-year round ay LCM (Love, Courtship, and Marriage). Panay pa rin ang paalala ni Mrs. David sa pagpili ng future mo. Naalala ko si Nobita. 

   Pagkatapos ng church service, maulan pa rin at mahangin. Agad akong pumunta kena E-boy para isauli ang hiniram kong black shoes dahil naiwan ko yung akin sa Maynila. Nanghiram din ako ng pandigma niyang sapatos dahil wala akong isusuot pabalik at jacket dahil maulan. Tapos, nakikain na rin siyempre. Nangutang din pala ako ng panggastos kay E-boy dahil wala na pala akong pera; pipti lang naman. Kwento lang ng konti tapos balik na agad sa simbahan namin dahil inilipat na pala ang panghapong pagtitipon ng tanghali. Pagkatapos ng ikalawang service ng bandang alas dos. Pumunta naman ako ng Kubo. Doon naman ako dumalo ng pagtitipon. Dumating na si Roy mula sa retreat nila sa Calauan. Ang lamig-lamig talaga habang naghahatid ng mensahe ang papasturin kong kaibigan. Bago kami tuluyang magyelo ay humigop muna kami ng mainit na kape at kumain ng umuusok na Mami kena Tita Melods.

    Masarap ang tulog ko noong Linggo ng gabi. Maghahanda naman para sa huling araw ko ng bakasyon. 

   Lunes ay maaga akong gumising para pumunta at magpiktyur sa tubigan. Naabutan ko ang nag-aani ng petsay. Kailangan ko ng istorya dahil absent ako noong Sabado. Nagpunta ako ng orchid farm. Tapos, bumalik ng universiti para sa panayam. Hays! Ang hirap maging manunulat para sa isang publication. Bandang hapon, kumain kami ng probin, yung pritong manok na may harina tapos pabilog ang hugis, saw-saw sa masibuyas na suka at sabay lak-lak ng orange juice. Halos hindi ako makalakad pauwi dahil sinisikmura ako. Tumambay muna kami kena E-boy hanggang alas-otso ng gabi. Inihatid na nila ako sa sakayan.

Kakatapos lang mag-probin.

  Officially, tapos na ang mahabang bakasyon. Saktong pamasahe ko na lang pabalik ng Maynila ang laman ng tampipi ko. Babalik na naman ako sa opisina. Babalik na naman sa araw-araw na kumakain mag-isa. Nakikipaglaro sa sarili. Ito ba talaga ang ibig sabihin ng pagtanda? Kung nakita ko bang ito ang aking hinaharap dati pa lang, mapapaghandaan ko ba yung proseso? Salamat na rin sa limang araw na bakasyon.

   Thank You sa Malasakit!
   
         

   

   

No comments: