'Ambisi ko na! Lalo na ng mga nagdaang araw. Hindi ko na namalayang may namatay sa milk tea. Hindi ko na rin namalayang guilty si Napoles sa illegal detention. Tapos, may babarilin pa lang OFW sa Indonesia dahil sa drug couriering. Tapos, si Espina nagresign na rin. Lahat yan ay nauulinigan ko lang. Hindi ko alam ang detalye. Wala na ko sa current ng current events dahil nga abala kuno.
Long time, no time sa pagba-blog. Nag-Holy Week kasi tapos bumalik pa ako ng saglit sa opis para tapusin na ng tuluyan ang aking pers job! Tapos, malamang talagang mag-catch up ako sa buhay na kinagat-kagat ng trabaho ko. Marami pa kong mabibigat na dahilan kung bakit natigil sa pagsusulat gaya ng wala akong maayos na bolpen. Valid yun! Kahapon lang ako nakabili.
Sa dalawang linggo ng aking pagkalaya ay medyo may karamihan ding inatupag. Bago ako umuwi noong last day ko ay nagprint muna ako ng updated version ng aking resume, pero hindi pa ako nag-aapply ulet. Konting panahon pa ng paghahanda. Kapag nakaramdam na ulit ng gutom, saka!
Ito yung mga nagawa ko for the past days: nakapagplano na kumuha ng Civil Service Exam (w/ Jet-Jet), nakapaglubalob sa ilog ng Lumbo sa Dolores (hindi kami naligo nina Roy, Alquin, at Jul, yung mga kabataan lang na kasama namin), nakapag-lesson na ng high-yield music theory (TaliNotes), nakapag-SM at bumili ng bolpen, nakatapos magbasa ng dalawang nobela, at nakapaglakad-lakad ng mga aso. Ikaw na ang humusga kung produktibo o hinde.
Balak ko pang maging produktibo ngayong tag-init. Tutal, pawis na pawis na rin ang kili-kili ko sa banas, e sasabayan ko na ng produktibong aktibidades. Aasim na lang din ako, dapat may matamis akong malilikha!
Speaking of matamis na malilikha ay napag-usapan namin ni Jul na gumawa ng palamig. Tutal, mainit naman at irerenobeyt ang kanilang simbahan, e di maraming mag-aalwage, marami ring bibili ng palamig. Hashtag produktibo! Tapos, naisip din namin na mag-ambagan kami nina Roy at Alquin para gumawa ng mango-graham float. Tapos, ibebenta namin kay Gabby, o si Gabby pa mismo ang magbebenta. Hashtag produktibo! Nasusukat ba ang pagiging produktibo sa salaping naje-generate mo? O sa mga akitibidad na natapos mo pero hindi ka naman masaya o nakadama ng sense of accomplishment? Ikaw, depende sa depenisyon mo ng produktibo.
Marami akong gustong pag-aralan ngayong tag-init. Tambak ang dapat basahin. Gusto kong magsulat! Teka... teka... i-bubullet form ko na lang para mas organisado. Ito ang gusto kong mapangyari ngayong tag-init:
a. Maipagpatuloy ang TaliNotes. Isa itong mini-music theory class tuwing Lunes kena Jul. 'Yung bilang ng estudyante ay kasya pa naman sa isang banig. Layunin ng klase na makabasa ng nota ang mga musikerong mag-aaral na dati'y tainga lang ang ginagamit sa pagbibigay ng nota.
b. Makapagbasa. Tambak ako ng aklat na babasahin dahil kada uuwi ako noon mula sa Maynila ay may dala-dala akong mga libro. Para akong langgam na nag-iipon para sa tag-ulan kaya lang tag-init pa lang ay uumpisahan ko nang ikonsumo ang naipong mga libro. 'Yung bilang ng libro na naipon ko ay tatagal kahit sa isang taon pa ako magtrabahong muli. Ngayong Abril ay panitikang Filipino lang ang binabasa ko alinsunod sa pagdedeklara na ang Abril ay Buwan ng Panitikang Pambansa. Sa Mayo, baka Classics naman. Bahala na. Marami rin akong inuwing mga New York Times International at iba pang mga magazines. May mga print outs din ako tungkol sa panitikan at mga PDFs tungkol sa fundamentals of music. Wooooo! Andami-dami!
c. Matapos ang course ko sa Time Management. Konting lessons pa at ilang quizzes na lang at tapos na! Dapat lang na mamani-obra ko talaga ng maayos ang oras ko dahil ang oras ay isang hindi na naibabalik na yaman. Saan ba napupunta ang mga nasasayang na oras? Gaano karami ang nasasayang? Gaano karami ang kapakipakinabang na mga oras? Alin ang mas marami? Itong mga tanong na ito ang kahit papaano'y nakakapagtulak sa aking may gawin parati.
d. Makapaghanda sa susunod na trabaho. Makapag-apply ganan. Dapat mai-handa ko na ang loob ko sa susunod na tatrabahuhin. Kasama na rito ang pag-aaral. Pagbabalik ng interes sa pag-aaral. Dapat din na kumilos ako sa pagpapasa ng resume. Konting paghahanda pa at hahakbang na rin ako.
e. Makapagsulat. Dapat mas marami akong masulat ngayong wala na akong trabaho. Pero baka sa notbuk ko muna masulat lahat kasi bihira lang akong makakahawak ng computer ngayon para sa blogging. Medyo malilimitahan ang posts pero sana kada posts ko ay yung medyo may laman naman na mga posts. Balak kong magsulat ng mas maraming tula ngayon. Tapos, makapag-utay-utay ng sanaysay at comics script! Hindi ko naman titigilan yan hanggat wala akong comics ngayong taon. Kulang pa kasi talaga ako sa pag-aaral, pagsasanay, sa disiplina. Naku, naku, tamad kasi. Kailangan bawasan na! Mas pokus ako ngayon sa pagbabasa pero magsusulat pa rin ako.
f. Magawa ang mga gawaing wala rito sa listahan. Aba maganda rin naman 'yung may mga di inaasahang mga bagay kang matapusan. Kumbaga ang bahaging ito ay para sa mga biglaang activities o lakad.
Medyo hindi pa ako ulit handang maglalayo o mag-travel. Medyo charge lang muna ako ulit. Mag-ipon ng lakas. Maging kagamit-gamit muna sa malapit. Maging mas malapit sa mga kalapit na at kumuyampit sa mga kasing init ng tag-araw na mga layunin.
Ito pala ang summer motto ko:
"Di na baleng may anghit ngayong tag-init, may mga napangyari naman; atlit!"
Andaming pwedeng gawin no?
So help me God.
No comments:
Post a Comment