Pauwi ako noon sa probinsya nang mapanood ko sa tv sa bus ang balita: Kinse pesos na umento sa sweldo, inaprubahan na sa Kamaynilaan. Ngiting tagumpay! Isa kasi sa mga pangarap ko talagang maranasan bago ako magresign ay ang salary hike. Yohoo! Tsek na ang isa sa mga listahan ko ng dapat ma-experience. E ano kung kikinse pesos? Basta may umento! Oks na oks na'ko.
Ang dapat pala na sweldo kada araw para makapamuhay ng disente sa Maynila ang isang pamilya (5 members) ay P 1k pala mahigit. Ganun kamahal ang cost of living na disente; halos 2-day salary na yan ng minimum wagers. At disente is not defined as tatlong beses kumain sa isang araw. Disente includes gastos sa pamasahe, pang-kalusugan, pang-edukasyon, at pang-aliw ng buong pamilya. An' layo-layo ng milyong pamilya sa Maynila sa kategorya ng pamumuhay na disente. Ang hirap pala talaga magpamilya kaya dapat puspusan ang pagtuturo ng family planning dahil mas mabilis tumaas ang population at mas matulin ang inflation rate kumpara sa salary increase sa bansa.
Nalaman ko pa sa balitang 'yon na mas mataas pa ang sweldo ng street sweeper kesa sa sweldo ko. Sabagay mas mahirap ang ginagawa nila, magpapakabilad sa initan. Makakalanghap ng usok ng mga sasakyan. Nagwawalis ng kanal. Oo, kanal sweeper rin minsan yang mga yan. Nakikita ko sa may Pasig, ang aga-aga winawalis 'yung mga basura sa kanal. Kaka-almusal lang amoy ilog Pasig na agad ang kasunod na papasok sa sikmura nila. Deserve ng mga katulad nila ang umento sa sweldo. Ako, deserve ko ga?
Marami na ring matutugunan 'yung kinse na umento gaya ng pamasahe sa dyip. Dalawang sakay na 'yun. O kaya pambili ko ng camote cue sa may Liwasang Bonifacio. O pang-Gulaman Avenue sa may SM para may i-ip-ipin habang naglalakad sa MalacaƱan. O di kaya nama'y pambili ko ng shampoo, toothpaste, o sabon. 'Yung kinse araw-araw, sa sampung araw ay uno-singkwenta pesos din kaya! Pamasahe ko na pauwi ng probinsya. O kaya nama'y pambili ng brownies pasalubong. O pambili ng isang libro.
Mukhang hindi ko na rin masyadong mararamdaman ang umento. Andami kong kaltas sa mga lates at AWOLs ko e. Solomot pa rin at patuloy nating ipaglaban ang daan patungong disenteng pamumuhay ng pamilya at manggagawang Pilipino!
No comments:
Post a Comment