Friday, April 3, 2015

Tapusin na Natin 'to!


Grrrabe! 

Parang marshmalow na natutunaw sa isang camping bonfire ang puso... hindi parang nanonood ako ng ipinapanganak na elepante sa kalawakan ng savanna sa... hindi e... mas tama kung para akong tatanggap ng Cum laude, Magsaysay Laureate, Palanca Award, at Oscars ng sabay-sabay noong grumadweyt na sina Jeuel, Alquin, at Roy. Hindi ko mahuli 'yung tamang tayutay e.

Halos dalawang taon na rin pala noong pinanonood ko silang magmartsa para sa kanilang diploma, ngayon ay bachelor degree na ang ipagmamartsa nila. Naalala ko, gradweysiyon ko rin dapat noon ng bachelor's degree ko pero naudlot (due to some technical problems). Dahil matapang ako, umattend pa rin ako ng graduation rites para i-congratulate lahat ng kaklase at naging kaibigan ko. Marami pala sila, mas marami pa 'kong naging kaibigan at natutunan sa kanila kesa sa natutuan ko sa loob ng klasrum.

Nakalipas ang dalawang taon, kukunin na nina Roy ang kanilang bachelor's degree. Tingnan mo nga naman, kailan lang ay nasa hospital bed kayo, isip ng isip kung makakapagmartsa ga sa Marso dahil naiiwan na sa lessons. Kahit ako, sa pagkakasukat ko parang imposibleng maging okey ang lahat sa isang buwan. Una, hindi maganda ang lagay ng utak ni Roy at Jeuel dahil sa brain trauma. May pahilo-hilong oras si Roy, at may risk pa ng seizure si Jul. Tapos, si Alquin, masakit pa rin ang likod. Paano niyo matatapos 'yung sandamakmak na rekusitos sa paggradweyt? Pangalawa, ang laki ng bayarin sa ospital, malaki rin ang bayarin sa school.

Natatandaan ko pa na pinaguusapan natin ang worst case at best case scenario para hindi na tayo magugulantang. Worst case scenario: Hindi kayo makagradweyt dahil walang pagkukunan ng grade nyo sa midterms, hindi kasi kayo pwedeng palabasin ng academe ng hindi fuly-equipped; or hindi pa kayo makapasok dahil kailangan ng matagalang pahinga. Best case scenario: Makakagradweyt kayo dahil kakayanin n'yong makahabol. At we thank our Schoolmaster, dahil palagi Siyang pabor sa'tin. Naka-best case scenario tayo! It's kwek-kwek time!

Ayan! Kasabay ng inyong pagtatapos ang katapusan ng inyong mga baon. Katapusan na rin ng cramming moments sa requirements. Tapos na rin ang mga gala-roon-at-gala-rito days. Mararamdaman n'yo na ang bahagyang pressure kapag tinatanong ng "anong plano mo?" or "asan ka ngayon?". Pressure ang magsupport sa pamilya. Pressure maghanap ng trabaho. Pressure ang kumpetisyon. Pressure ang work itself, pramis! Gaya ng pagkatuto, ang pressure ay hindi rin natatapos sa college. Hangga't may hininga, may pressure. Alam ko muntik na kayong mawalan ng pressure noong 'naaksidente' kayo, kaya alam ko gusto niyo ng pressure, at least may hininga. Meron kasi talagang mga bagay na kailangan ng pressure para matutunan natin.

Wala man kayong medlaya ng Cum laude o privilege speech, meron naman kayong ano... ahhh... ano.. uhhh... ano nga bang meron kayo? Basta! Hindi natin sinusukat ang tagumpay sa kapirasong bakal o papel, lahat kaya ng papel na natanggap n'yo ay blanko. Ibig sabihin, lahat ng nakuha n'yo sa akdemya ay nasa mga (injured) n'yong kautakan; hindi nahahawakan. Hindi maagaw.

Ang tagumpay n'yo ay tagumpay ko rin. Ang gradweysiyon n'yo ay gradweysiyon ko na rin. Maligayang Pagtatapos! Ang katapusan n'yo ay... katapusan n'yo lang. Isasali n'yo pa 'ko? Sige, ibahin na lang natin, ang bagong simula n'yo ay bagong simula ko rin. 

Kaya nasa worst case o best case scenario man tayo, palaging magpasalamat sa ating Schoolmaster! It is by Him and through Him that we have our being!


Best Case Scenario: Gradweysiyon
Kuha ni: Jeuel/Jul/E-boy

No comments: