Wednesday, June 17, 2015

E-boy! E-man ka na!

1. Tsokoleyt Keyk
2. Palabok
3. Sinantomas
4. Tokwang Sisig
5. Jelatin
6. Maja
7. Kare-kare
8. Oh-my-Lumpiang Shanghai! (w/ sweet and chili sauce)
9. The Star of the Handaan: Kanin

   Ayaaan! Mga handa yan ni E-boy (Ebs, G-boy, Bo, Jeuel, Jul)  sa kanyang ikalawang dekadang bertdey noong ika-14 ng Hunyo. Pahapunan ang handa ni E-boy. May ilang regalong natanggap at siyempre mas marami ang bisita kaysa sa regalo. Dumating din sina Roy, Alvin, Zara, Jem-jem, Alfie, at CD (*ubo) dala ang maraming kuwento. Matagal kaya kaming hindi nagkita-kita dahil nagrebyu para sa board exam sina Jem-jem at Alfie ngunit di pinalad na pumasa. Kaya naging selebrasyon din namin yon dahil may chance pa silang maka-top sa susunod. Sindami rin ng aming kuwento ang aming mga subo. Top notcher kami sa number of times na bumalik sa boufet, bouffete...sa hapag-kainan na nga lang. Doon na kami nagkampo, bantay-base.

  Isa rin ako ro'n, sa mga bisitang walang regalo. Wala akong budyet talaga kasi pero kung meron, bibilhan ko yan ng 3DS. Hindi yung game console kundi tatlong dalandan at saging dahil laging sinisipon si E-boy. Sabi nga ni Babes nang makabangon si Ebs noong bertdey niya "Bente anyos na, sip-unin pa rin".

   Pinagdiwang din ng G2 (Growth Group o discipleship class ng simbahan nila) nina E-boy ang bertdey niya sa pakana nina Gyl (pinsan) at Nanes (*ehem). Nakatanggap siya ng keyk at shirt na may adventure time print na paboritong-paborito niya. Nanakawan din siya ng kiss sa cheeks at hugs nina Gyl at Babes na ayaw na ayaw naman niya. Asa pa itong si Gyl na mapagmemessage niya ako kay E-boy. Hindi kasi kami sweet sago-type na expressive pagdating sa ganyan-ganyan. Hindi nga rin siya sanay na nagdidiwang ng kaarawan nang maraming tao. Kadalasan ay yung bilog ng kaibigan (circle of friends:) lang ang kasama n'ya pagbertdey. O di kaya ay pamilya niya ang kasama niyang lalabas.

   Hindi niya rin inasahang may handa siya. Ilang araw bago ang bertdey niya, narinig ko na nagkukwento si Mrs. P (Pampolina, Mami ni Ebs) kay Ptr. Abner (Dadi ni Ebs) na pinaalalahanan siya ni Tita Myla (Tita ni Ebs) na magbebertdey na nga si E-boy at ipaghanda daw kahit papansitin. Ang sagot ni Mrs. P ay wala raw siyang pera, meron naman ay kaya lang ay pang-enrol, pambayad sa kuryente, wala sa budyet. Usapan nila 'yan sa isang almusal. Nagkaro'n ng extra blessing si Pastor kaya raw naipaghanda si E-boy. Nag-arimunhan talaga sila bilang pasasalamat sa ikalawang buhay na binigay ng Diyos kay E-boy nang maka-survive ito ng vehicular 'accident', Enero ng taong ding ito.

   Dumating ako sa bahay nila ng Sabado ng gabi. "Bakit po maraming tokwa?", tanong ko kay Lola Nitz (lola ni Ebs). Wala itong sagot, hindi yata ako narinig. Lumabas si E-boy mula sa kwarto nila at nagkukuwento ng pagkadismaya niya dahil hindi gumagana yung nabili ni Pastor na adapter ng piano. E last time kasi nang pumunta kami sa mall para nga bumili ng adapter ay hindi kami pinagbilhan dahil saulo nga ni E-boy ang volts, hindi naman ang ampere. Tapos, ngayong tama na ang volts at ampere ay ayaw namang gumana noong adapter. Parang nalugi sa talong at singhaba ng talong ang mukha ni E-boy sa pagkadismaya. Sirang-sira talaga.

   Maya-maya ay dumating naman si Jet-jet (kuya ni Ebs) at Ivy (dyi-ef ni Jet) na may dala-dalang keyk. Walang reaksiyon si E-boy. Aaaahh bertdey nga pala ni E-boy at ipaghahanda siya. Naman! Naalala kong magbebertdey si Ebs kinabukasan pero hindi ko alam na ipaghahanda siya. Hindi naman daw niya napigil ang kanyang mga magulang. Maya-maya'y lumabas si Babes, "A-ah kuya E-boy binilhan ka ni kuya ng keyk, wala ka man lang karea-reaksiyon. Mamahalin kaya 'to. Di ka man lang nagpasalamat". Sinabi ko kay Ebs na wag niyang ipanakaw sa despalinghadong adapter ang mga blessings ng bertdey niya. Alam ko naman na nasisiyahan yo'n, ayaw lang niyang ipakita. Pumasok na ulit si E-boy at inispoil naman ako ni Jet-jet sa Jurassic World.

   Nagtype siya ng mga kakantahin bukas sa simbahan . Sabi ko, bakit ayaw pang gumawa na langng hiwa-hiwalay na ppt file tapos icompile na lang yung ifa-flash kapag linggo. Makakasave ka pa ng time. Tsaka, palaging gabing-gabi ka na nagtatype! "E mga 12 mins naman tapos na'to!", katwiran niya. Ang issue naman dito ay hindi yung kung gaano katagal yung gawain kundi efficiency, to save precious time na pwede pang magugol sa iba. Isa pa tumatanda ka na. Alas-dose na hapi bertdey!

   Natulog na si E-boy. Tulog na silang lahat. Tulog na ang buong Villa Nosa. Payapa ang mga aso ni Ka Lita. Habang ako'y babagong nagsusulat para sa kapayapaan. Alas-tres na. Kape pa!

No comments: