Monday, June 1, 2015

Mother knows Utang


Si Mama ang "Ina na Laging may Utang". Lahat na yata ng institusyon ay nautangan na niya. Mula TSPI, CARD, SSS, PAG-IBIG, 5-6; World Bank na lang yata ang hindi niya pa nauutangan. Napaka-hustler ni Mama sa pangungutang dahil palagi itong nakakapasa sa mga CI (credit investigation). Ilang ulit nang nakapag-housing loan kahit na sira-sira pa rin ang bahay. Nakaka-utang kaya kami ng 50K kahit na nasa 7K lang ang sweldo ni Papa. Hustler na nga kasi.

Akala ko 50K na ang pinakamalaki niyang na-uutang pero isang beses ay nadiskubre kong mas malaki pa sa 50K ang utang niya. Nagkaroon na kasi ng app ang isang microfinance na sinalihan ni Mama, so ako medyo na-sosyalan sa microfinance, e tinesting ko ang app sa android phone ni Mama. Ok lang kay Mama na hingin ko ang account number niya para magamit anga
 app kasi nagmamahanga rin siya na level-app na ang utangan niya! So inenter ko nga, at poof ilang segundo lang ay nakita ko ang account ni Mama:

Savings: 400+
Loan: 99K+

Gulat ka no? Ako rin. Nakakautang na ng 100K ang nanay ko. Paano siya nagbabayad nu'n? Hindi naman daw kanya lahat 'yon. Hati-hati raw sila ng mga mards niya. E pano kung biglang hindi makahulog ang "mga mards" kapag dating ng lunes? E siya ang nakapronta sa utang.

Nakakahulog naman sila kada Lunes. Alam ko Lunesan ang paghuhulog at bubunuin ang utang sa loob ng anim na buwan o isang taon depende sa terms. Siyempre, mas matagal mas mababa ang hulog pero mas mataas ang interes. Alam ko na pagdadating ang Lunes,dahil nagkakaroon ng meeting ang mga "akawntant" sa bahay. Kanya-kanyang daing na kulang ang panghulog ng P168, P200, P316, o kaya ay mga wala pang panghulog kahit piso. Nakakahulog pa rin naman, mga hustler nga eh. Umuutang sila ng pambayad sa utang, madalas ay sa 5-6.

Lately, ito ang mga nauulinigan kong mga lending institutions mula kay Mama:

a. Yung dati raw nilang area manager ay nasa Banko Kabayan na, tinatawagan daw siya para magloan naman sa kanila. Mababa lang daw ang interes. Binibida niya ito sa isang kumare.
b. Bakit ang aga ni Ninang Iyam dito? May lakad kayo? kako. Sa Northpoint. Utangan din yata ito.
c. Galing naman siya sa isang national convention ng isang higanteng grocery chain. Andami raw mga booth, puno ng free taste.Hingi raw sila ng hingi ng mga libreng pamaypay. May tumawag daw sa kanya, PBCom, inalok siya ng personal loans.

Bukod pa ito sa mga existing niyang mga utang. Succession ang mga ito, habang matatapos bayaran ang isa ay may bago na naman siyang binabayaran. Thus, the title.

Utang na naman yan? Yan lang lagi ang sinasagot ko kay Mama. Dinidiskurahe ko na siyang mangutang dahil nautangan na niya ako ng 4K, walang CI-CI, walang guarantor-gurantor, wala ring guarantee na babayaran pa ako. Kaya kapag mas dumadami pa ang kautangan niya, ay lalong bumababa ang chance na mabayaran ako. Nakakaawa namang hindi pautangin, sa ibang tao pa mangungutang e may interes pa 'yon. "Ako? Kelan nyo ko babayaran?" kako.

"Kapag nagkapera  na'ko", sabi niya.

No comments: