Nasa unahan nga ako ng dyip biyaheng Lipa nang may naulinigan akong bumanggit ng pangalan ko. Mahinhin pero malakas na “Jooord!” Paglingon ko; si Leanne pala. Binati ko rin namang pabalik si Leanne na nasa may puwetan ng dyip. “Tabi tayo,” alok n’ya. Pero wala akong balak lumipat ng upuan dahil paborito kong puwesto ‘yun.
Nagtanungan kami kung saan papunta at kumbakit naka-uniform pa rin ako. At kumbakit sala na naman ang kulay ng uniform ko. Parehas pa rin kami ng logo na nasa dibdib pero matagal na kong hindi sumusweldo. “Dito kaaaa” alok n’ya ulit dahil nahihirapang makipagsigawan. “Minsan na nga lang ako makaupo sa unahan” ang munti kong dabog habang bumababa ng dyip. Lumipat na nga ako sa tabi n’ya.
“Kumusta ka naaa?” Oo, madalas mahaba ang huling syllable ni Leanne lalo na kung nagtatapos sa patinig. Para dalawang buwan mahigit pa lang naman kaming hindi nagkikita. Wala naman daw kasi akong nire-replyan sa mga nangungumusta. Paano, alam kong hindi naman talaga ako ‘yung kinukumusta kundi ‘yung buhay sa labas ng trabaho namin. Kung may buhay nga ba malayo sa apoy ng gobyerno.
Ayoko sanang magkuwento masyado. Parang wala naman kaming pinagsamahan kapag hindi ako nagkuwento. Ayun, may workshop kapag weekends at nag-aaral ng Suzuki method. Lately bumiyahe mag-isa sa Baguio para sumali ng tournament ng isang Scrabble community. Nag-DR sa Albay. Nagvo-volunteer sa Garcia habang wala pang tawag. Isang trabaho pa lang ‘yung ina-applyan ko, wala pa nga lang kalinawan. Hindi ko na binanggit na nauubos na ang ipon ko.
“Ayoko na nga rin. Naghahanap-hanap na rin ako,” aniya. Tas, ikinuwento na n’ya ang mga updates sa programa na updated naman ako dahil ikinukuwento rin naman sa’kin nina Tita Cars at Tita Mildred. Lagi pa rin akong naka-CC sa mga directives at mga black memo. Pero siyempre, nakinig pa rin ako because I know how hard it is. It was na pala. “Umuwi nga ko sa’min (sa Lucena) at na-stress ako kahapon.” Mas na-stress ako sa layo ng Lucena at Alitagtag, Batangas. Sa pagkakatanda ko, mas malimit mag-express ng intent to resign si Leanne kaysa sa’kin noon pero nauna pa ako.
Bago pa s’ya mag-resign nang wala sa oras pinag-usapan na lang namin ‘yung recent backpacking n’ya sa Indonesia. Hindi raw nagsusukli sa taxi. Hindi pa raw mahuhusay sa Ingles ang locals. Ang dami raw catcallers na napapamura na s’ya in Filipino. Pero mura ang cost of living at maganda ang mga isla. Kaya si Leanne ang aming official travel advisor. Kaya rin siguro ako natutong bumiyahe-byahe ay dahil sa lason sa trabaho.
Maiksi lang ‘yung travel namin mula Tiaong hanggang Padre Garcia kaya hindi na namin napagkasya sa kuwentuhan ang lahat. Sabi ko, bago ako tuluyang mawala sa paligid ay magpapadala ako ng mga sulat sa kanila. Tinatamad pa lang ako magsulat sa ngayon pero may mga sobre na ako, last year pa.
Salamat kapatid sa kuwentuhan at libreng pamasahe! ‘Tungo sa marami pang biyahe’t bundok!
#
No comments:
Post a Comment