Monday, April 30, 2018

Trip to Tiaong: Ako lang


Apat na pahalang na rehas
ang humahati sa malawak na tubigan
Halos ga' trak ang loob ng dyip
Walang huntahang pinakikinggan
Walang ibang matingnan
Liban sa sarili
Si Manong lang,
na pinapawisan agang-aga
Sibat lang sa pila
Nagbabaka sakali
Mahigpit ang hawak sa manibela
Handang tumigil sa sinomang kumaway
Nanalanging may maiuwi bago gumarahe
Maaga pa naman pero walang piho
Parang ako lang.
#


Thursday, April 19, 2018

Nabasa ko ‘yung Magsasaka (Tula ni Pedro Gatmaitan)

Nagbabasa ako ng mga tula ngayong buwan ng Abril (#AlabPanitikan) at sinusubukan ko ring basahin sa Wikipedia ‘yung mga short bio nila. Isa sa mga nabasa ko ang Magsasaka na tula ni Pedro Gatmaitan.

Parang nagbasa ako ng curriculum namin nung college dahil mula sa land preparation, seedbedding, transplating, harvesting, at post-harvest ay naroon sa tula. ‘yung mahaba, mahirap, at paulit-ulit na proseso ng pagtatanim ng palay. Very scenic din ‘yung tula, makikita mo ‘yung kasiyahan ng mga magsasakang umaawit at nagsisitawa. Bagama’t laborious ang pagsasaka, pleasurable din naman ito. 

Mapapaisip ka rin tungkol sa mga isyung sadya at di-sadyang sinagi ng tula. Hindi na naghihintay ang ulan kung kelan matatapos ang tag-araw at minsan nga, bumubuhos ito kahit kalagitnaan pa ng tag-araw. Mapapaisip ka ring may mga dalaga pa ba sa tubigan ngayon? Nang basahin mo ang pamagat ng tula, malamang matandang nakasuot ng camisa de chino ‘yung unang pumasok na larawan sa isip mo at hindi mga dalagang nasusukuban ng tapis at may mga panyo. Ibang-iba na ang tanawin ng pagsasaka sa ngayon.

Ang nanatili pa rin ngayon sa tulang Magsasaka ni Pedro Gatmaitan ay patuloy pa ring umaani ang ating mga magsasaka para sa kanilang mga panginoon. Marami ang lubog sa utang gaya ng kanilang mga pilapil kung tag-ulan.

#

Dyord
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon
Abril 19, 2018

Sunday, April 15, 2018

Abril 15, 2018



Bandang ala-una ng tanghali. Santing na santing. May napadaan sa harap ko na ale. Medyo marungis at may bitbit na sako. May sinasabi sa’kin. Hindi ko maintindihan. Ang dami ko nang narinig na wika natin pero iba ‘yung kanya. Hindi ko alam kung babati ba ako ng avisala o ngingiti na lang. Napawasiwas na lang ang kamay ko na nagsasabing “wala”. Umiling-iling pa ako.

Hindi kaya humihingi s’ya ng tulong para sa kaharian nilang sinasakop ng masasamang elemento? Tapos, ako ang napili n’yang bagani. O baka may isinalin s’yang sumpa? Hinihintay kong maghating-gabi, baka maging palaka ako o isang prutas na wala pang pangalan.

Matindi lang talaga ‘yung hulab ng kalsada kanina.


#


Monday, April 9, 2018

Dis-kuwento


Magbabaratilyo ang imperyong aklatan
Sa araw ng kagitingan: menos kinse porsyento
Ang mga aklat pangkasaysayan
May maipapangkape’t pambayad ng kuryente ang mga historyador
Marami tayong titulo na seryoso, may ilang kakat’wa!
Magtiyaga sa makakapal at mabitin sa maiiksing salaysay
Ng kahapong may iba’t ibang bersiyon
Na mukhang nauulit ngayon
Pinagkatandaan tila’y wala tayo
Kung ang sabi’y “bahagi ng kasaysayan ang paglimot”
Masasanay na ba ang mga nakakaalalang magkamot?
Marahil mamimili pa rin ako
Dahil ang mga aklat pangkasaysayan ay bihira

bumaba ang presyo.
#

Sunday, April 8, 2018

Abril 08, 2018


     Nagkakagulo kami sa may counter kung magkano ang ambagan sa 115 pesos na bff fries. Kagulo rin kami sa suklian. ‘yung single, ang ibig sabihin namin kanya-kanya kaming order ng drinks. Ako nag-coffee float, sila nag-sundae. Mas mabilis na kaming umorder ngayon dahil alam na namin ang gusto namin. Pero mabagal pa rin kaming mag-compute sa ambagan. Kaya kung lalabas kami next time na apat na maghahati-hati sa isang bff fries ay maghahanda na kami ng P 28.5 (P 29 kung ira-round off). Mas may sistema at nakaka-mature nang kaunti.

     Pinagbawalan din akong manghuli ng Pokemon, marami pa naman sa may fastfood. Kapag bonding time, bonding time daw kasi. Tuwing Linggo na nga lang kami nagkikikita-kita, naglalaro pa. Samantalang sila naman dati nagmo-Moba lang kahit minsan lang ako umuwi. Pero dahil may point naman, hindi ako nanghuli ng Pokemon at ini-off ko na ang phone.

     Pinag-usapan namin na parang kailan lang nachi-chessihan kami ni Bo kay Jet-jet at Ate Ivy. “Mahal paabot nung sabon,” sabay tatawa kami ni Bo. “Hibang na hibang sa isa’t isa” ang eksaktong deskripsyon ni E-boy sa kuya n’ya at future sister-in-law. Hanggang sa nasanay na lang din kaming nagtatawagan ng mahal sina Jet-jet at Ate Ivy. Ganun nga yata ‘pag nagmamahal. Parang kelan lang, bukas ikakasal na si Jet-jet at Ate Ivy. Kaya isang bff fries lang inorder namin. Kanina nga, hindi na nagkanin si Mrs. P at si Pastor Abner. “Bukas may kasiping na si Jet-jet,” sabi pa ni Lola Nitz kanina sa kusina. Natawa pa rin kami.

     Pinasulat ko rin pala si Bo sa aking journal ng gusto n’ya lang sabihin. Hindi gustong sabihin sa’kin. Puwedeng natutunan, napagtanto, o naiisip mo lang nitong mga nakaraang araw. First comes to mind. At gaya ng lahat ng pinagsusulat ko, nagtatagal sila bago lumapat ang bolpen sa journal. At most of them, ramdam ko ‘yung honesty sa sinulat nila. Nangiti nga ako nang basahin ko, may non-disclosure agreements nga lang kami nina Uloy at E-boy.

    Umuwi rin kami agad pagkatapos kumain, maghahanda na para sa kasalan bukas. Rest lang, walang beauty.

#

Dyord
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon
Abril 08 2018

Saturday, April 7, 2018

What to do if Puwing?


What to do if Puwing?

    Tagtuyot tayo ngayon; hindi summer. Magabok ang kalsada dahil sa roadwidening. Nagse-cellphone din ako habang nasa sidewalk na parang obstacle curse – may mga poste ng kuryente along the sidewalk. (Yes, along instead of beside.) Pagdaan ng sasakyan, humaging ang hanging magabok sa mata ko. Napuwing ako. May nakaligtas sa malalantik kong pilik at talagang tumago pa sa talukap ng mata ko.

    Ngayon na lang ulit ako napuwing. Baka mga kalahating dekada na ‘yung huli kong puwing. Nag-search ako kung ano ba ang dapat gawin sa puwing? Ito ang ilan sa top answers: huwag kusutin (eh naiirita nga), magmulat ng mata sa tubig, ipaihip sa katabi, at lumuha ka beybeh.

   Paano nga ba lumuha? Suggestions lang:

1.     Alalahanin ang masasayang memories mo sa pinaka mahal mong ex. Tapos, i-wish na sana ikaw na lang ulit.

2.      Mag-beautiful eyes nang mag-beautiful eyes. Ang nakakapaluha hindi nakaka kyut.

3.      Isiping tumatanda ka na, ‘yung batchmates mo mej successful na in life na tapos malapit na ang high school reunion n'yo.

4.      Bayaran na ng insurance. Umemployed ka pa rin.

5.   Wala nang point system para sa free movies ang e-plus. Dahil ba walang taxes na nako-collect sa free movies?

6.      Magbasa ng press releases ng Pcoo.

7.   Manood ng news anchors na nag-oopinionate sa news programs at natatawa lang sa fake news.

8.   Wala nang pork tofu sa Chowking.

   Kapag hindi pa rin sumama sa luha ‘yung puwing. Hayaan mo lang at mawawala rin ‘yan. Tiisin mo lang ‘yung konting sakit. Sana’y naman tayong nasasaktan. Malakas tayo tegurl!

   Buwan pa naman ng panitikan, pero nagsusulat na naman ako maka-entry lang. Mag-ingat sa mga roadwidening at nakakapuwing talaga.