Nagkakagulo kami sa may counter kung
magkano ang ambagan sa 115 pesos na bff fries. Kagulo rin kami sa suklian. ‘yung
single, ang ibig sabihin namin kanya-kanya kaming order ng drinks. Ako
nag-coffee float, sila nag-sundae. Mas mabilis na kaming umorder ngayon dahil
alam na namin ang gusto namin. Pero mabagal pa rin kaming mag-compute sa
ambagan. Kaya kung lalabas kami next time na apat na maghahati-hati sa isang
bff fries ay maghahanda na kami ng P 28.5 (P 29 kung ira-round off). Mas may
sistema at nakaka-mature nang kaunti.
Pinagbawalan din akong manghuli ng Pokemon, marami pa naman sa may
fastfood. Kapag bonding time, bonding time daw kasi. Tuwing Linggo na nga lang
kami nagkikikita-kita, naglalaro pa. Samantalang sila naman dati nagmo-Moba
lang kahit minsan lang ako umuwi. Pero dahil may point naman, hindi ako nanghuli
ng Pokemon at ini-off ko na ang phone.
Pinag-usapan namin na parang kailan lang nachi-chessihan kami ni Bo kay
Jet-jet at Ate Ivy. “Mahal paabot nung sabon,” sabay tatawa kami ni Bo. “Hibang
na hibang sa isa’t isa” ang eksaktong deskripsyon ni E-boy sa kuya n’ya at
future sister-in-law. Hanggang sa nasanay na lang din kaming nagtatawagan ng
mahal sina Jet-jet at Ate Ivy. Ganun nga yata ‘pag nagmamahal. Parang kelan
lang, bukas ikakasal na si Jet-jet at Ate Ivy. Kaya isang bff fries lang
inorder namin. Kanina nga, hindi na nagkanin si Mrs. P at si Pastor Abner. “Bukas
may kasiping na si Jet-jet,” sabi pa ni Lola Nitz kanina sa kusina. Natawa pa
rin kami.
Pinasulat ko rin pala si Bo sa aking journal ng gusto n’ya lang sabihin.
Hindi gustong sabihin sa’kin. Puwedeng natutunan, napagtanto, o naiisip mo lang
nitong mga nakaraang araw. First comes to mind. At gaya ng lahat ng
pinagsusulat ko, nagtatagal sila bago lumapat ang bolpen sa journal. At most of
them, ramdam ko ‘yung honesty sa sinulat nila. Nangiti nga ako nang basahin ko,
may non-disclosure agreements nga lang kami nina Uloy at E-boy.
Umuwi rin kami agad pagkatapos kumain, maghahanda na para sa kasalan
bukas. Rest lang, walang beauty.
#
Dyord
Brgy. Lalig,
Tiaong, Quezon
Abril 08 2018
No comments:
Post a Comment