Nagbabasa ako ng mga tula ngayong buwan ng Abril (#AlabPanitikan) at sinusubukan ko ring basahin sa Wikipedia ‘yung mga short bio nila. Isa sa mga nabasa ko ang Magsasaka na tula ni Pedro Gatmaitan.
Parang nagbasa ako ng curriculum namin nung college dahil mula sa land preparation, seedbedding, transplating, harvesting, at post-harvest ay naroon sa tula. ‘yung mahaba, mahirap, at paulit-ulit na proseso ng pagtatanim ng palay. Very scenic din ‘yung tula, makikita mo ‘yung kasiyahan ng mga magsasakang umaawit at nagsisitawa. Bagama’t laborious ang pagsasaka, pleasurable din naman ito.
Mapapaisip ka rin tungkol sa mga isyung sadya at di-sadyang sinagi ng tula. Hindi na naghihintay ang ulan kung kelan matatapos ang tag-araw at minsan nga, bumubuhos ito kahit kalagitnaan pa ng tag-araw. Mapapaisip ka ring may mga dalaga pa ba sa tubigan ngayon? Nang basahin mo ang pamagat ng tula, malamang matandang nakasuot ng camisa de chino ‘yung unang pumasok na larawan sa isip mo at hindi mga dalagang nasusukuban ng tapis at may mga panyo. Ibang-iba na ang tanawin ng pagsasaka sa ngayon.
Ang nanatili pa rin ngayon sa tulang Magsasaka ni Pedro Gatmaitan ay patuloy pa ring umaani ang ating mga magsasaka para sa kanilang mga panginoon. Marami ang lubog sa utang gaya ng kanilang mga pilapil kung tag-ulan.
#
Dyord
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon
Abril 19, 2018
No comments:
Post a Comment