Friday, July 27, 2018

Family Dinners



     Hindi sa lahat present ako. Pero marami nadokyu ko sa blog o kaya sa picture. Ilan di ko nasulat dahil nakakapagod ang malalaking social gatherings. Bibilangin ko ang mga family events simula Mayo lang:

     Mayo: kasal nina Jet-jet at Ate Ivy, 50th birthday ni Mrs. P., birthday ni Lola Nitz
     Hunyo: birthday ni Bo, anniversary nina Lola Nitz at Tay Noli
     Hulyo: anniversary nina Tita La at Kon. Gem, birthday ni Jet-jet
     
     Birthday ni Jet-jet, ang pinaka mabilis naming kapatid, noong Linggo. Bilin na bilin nina Ate Ivy at Lola Nitz na ‘wag akong mawawala nang Linggo ng gabi para sa isang family dinner. Bandang alas-sais, nag-umpisa nang mag-igi ng dalawang collapsible na lamesa sina Bo at Uloy. Nag-umpisa na rin akong mag-set up ng camera for documentation.

     Naghapunan ako ng lumpiang shanghai na sinawsaw sa sweet and chili sauce. Kumurot ng litsong manok ng Baliwag na sinawsaw naman sa gravy. Mas nagkanin ako nang hapunan na ‘yon. Ginawa kong panghimagas ang makeso’t makrema na ispageti nina Ate Ivy at Lola Nitz na pinartneran ko pa ng puto cake na maraming itlog na pula at keso sa ibabaw.

   Pagkakain, may pa-games si Babes. Charades lang naman kaya hindi kami maa-appendicitis. Mga bagay-bagay tungkol kay Jet-jet. Tanders vs. Bagets ang grupohan. Sina Nanes at Gabby ang nag-act para sa’min. Sina Ate La at Ate Malyn naman para sa mga tanders. Ambilis humula ng mga tanders, sunod-sunod na nahulaan ang pabango, sapatos, pulbo, at dumbell. Semi-seconds lang naman ang lamang sa’min at medyas lang ang nasagot namin ng mabilis.

    Hanggang umabot na sa difficult category. Pero bago inumpisahan ang difficult round, ipina-review ni Ate Malyn ang score: 4-1; tinambakan kami ng tanders. Si Jet-jet na ang nag-act. Itinuro si Ptr. P tapos itinuro ang sarili. “Father and Son?”, “like father, like son?”, at iba pang variations. English at five-letter word daw hanggang tumama ‘yung sagot na “Father”. Teka, six ‘yun ah. Mabilis nahulaan ‘yung panghuli na act na paghehele “baby!” Panalo ang tanders! Inabot sa kanila ang prize na nasa loob ng kahon ng sapatos.

     Sina Ptr. At Mrs. P ang pinagbukas. Nag-umpukan sa unboxing ng prize. Nagsigawan at nagpalakpakan; “positive!” ang sabi ni Pastor, ng pregnancy test at utrasound result. Nag-iyakan ang mga lola. Lolo Pastor at Lola Mrs. P na sila. Inexplain kay Lola Nitz ang nangyari. Lalong nagtawanan ang mga bagets. Lola na sa tuhod si Lola Nitz! Tito na ulit ako, apat na pamangkin ko! Tatlong biological at isang non-biological. Tito na rin si Bo! tito-tito-bo.

     Kinabukasan sa family breakfast, naungkat ang mga pangyayari bago ang reveal.

     Pinalo pa ni Lola Nitz si Ate Ivy sa puwet. “Ay! Baka may butiki na!” sabi pa ni Lola Nitz. ‘wag daw ilihim at papangit. Hindi nakaimik si Ate Ivy noon. May FB posts na rin si Jet-jet ng baby-baby. Alam nang may laman na nga.

     Si Mrs. P, may mga itinago na pa lang mga gamit pam-baby. Inilabas pa ni Pastor P. ang dry box na pinagtaguan. May jacket, may bestida, may mga laruan, saka na lang ipapamigay kung lalaki man ang magiging apo. “Baka tipidin ng mga ‘yon ang ating apo, ay ipaghahanda natin sa dedication,” sabi pa raw ni Mrs. P ilang araw bago ang lolahood reveal. “Maluwag naman na tayo noon sa pera at graduate na si Babes.” Si Mrs. P advance mag-isip.

     “Are kayang aming si E-boy, kailan kaya?”



#

Tuesday, July 24, 2018

Trip to Tiaong: Uy! Klasmeyt!




Ayokong nakakasakay ng mga batchmates.

Parang may hindi nasusulat na batas na kailangan mo s’yang batiin ng ‘asan ka ngayon?’ o ‘san ka galing?’ O kahit ngitian man lang o taasan ng kilay, kahit di ka sure kung babati ba s’yang pabalik. Lalong awkward kung hindi ko naman kasaradong bag-ang. ‘yung hindi mo ka-close or pinagdamutan ka dati ng one-fourth sheet of pad paper? Hassle.

Nakasakay ko papuntang Lusacan si C.P. Kaklase ko s’ya nung grade 5 & 6, second year at third year high school, at ka-schoolmate ko nung college. Pinaka naging ka-close ko s’ya nung grade 6, tipong nagsusulatan pa kami ng liham pangkaibigan with colored drawings. Ginupit-gupit ko pa sina Betty and Veronica ng Archie comics para ikapit sa mga liham. Remembrance kasi malapit na kaming grumaduate. Hindi naman kami nag-away. Tapos, wala akong maalalang nag-usap kami nung high school at tango-tango na lang kapag kasalubong nung college. Hindi man lang ako makabati sa dyip kahit bagong ligo ako.

Ang hassle lang dahil kailangan mong magbisi-bisihan.

Nakasakay ko naman papuntang bagong palengke si P.C. na kaklase ko nung second at third year high school. Galing ako kena Bo, ta’s hindi pa ako naliligo kasi sabi ko sa bahay na. Wala pa rin akong toothbrush! Hindi naman ako mabahong-mabaho t’saka umaga pa naman. Tattooed mommy na s’ya ngayon. Mukhang happily married sa social media. Wala rin akong maalalang nag-usap kami nung high school. Pakiramdam ko kasi noon masyado s’yang matalino para i-friend. Naalala ko nang magtanong ‘yung English teacher namin ng synonymous way to say “Where are you from?”, am’ bilis n’yang sumagot ng “Where have you been?”. Halos mabali ang leeg ko sa pagtingin sa kalsada, kunwari hindi ko s’ya nakilala.

Parang hanggang ngayon hindi ko na naalis ang pagiging tahimik sa klase.
#



Sunday, July 22, 2018

White Adobo



Gumising ako isang umagang mayaman-mayaman kami.

May longganisa at sinangag sa mesa na almusal. Nagtimpla ako ng kape na binudburan ng cinnamon. Tapos, naghanda ako ng sukang pinakurat para gawing sawsawan. Tanghasal na pala - tanghalian at almusal.

Umuwi lang si Mama ng tanghali para magluto. Na wala namang kumain. Kakaagahan ko lang kasi. Umalis na ulit si Mama dahil maraming inaasikaso. May tungkol sa school, may tungkol sa ospital,  may tungkol sa palengke, at mayro’n din sa munisipyo; multi-institutional ang nilalakad n’ya this week. Buti pa si Mama am’ busy.

Hapunan na ako nagbungkal sa kusina. Pagtingin ko sa niluto kanina ni Mama, natigilan ako. Ano ‘to? Carbonara? Eh pantanghalian ‘to ah. Malalaki pati ang hiwa ng karne pero may kaunti pa namang toyong sabaw. Adobo pala pero ang ang puti-puti ng karne! Baka White Adobo? Naririnig ko bigla si Juday sa isip ko, Bakit hindi?

Kinuha ko ‘yung pinagpritusan ng longganisa kaninang umaga, para ma-caramelized sa karne ng adobo ‘yung asukal galing sa longganisa. Winisikan ko ng kaunting cinnamon. Nang maging brown ‘yung karne at amoy sunog na ‘yung asukal, ready to serve na ang ating kanina lamang ay White Adobo. Naghanda ako ng sawsawang sukang pinakurat. Nagtimpla ng kape.

Hindi pa ako tapos kumain nang dumating na si Mama kasama sina Rr at si Rjay, may dala naman silang hapunan.

 At kape.


#


Friday, July 20, 2018

Hulyo 17, 2018



Birthday ni Mama. Maulan dahil kay bagyong Henry. Bigla ko lang naalala nung umaga dahil ipagluluto raw s’ya ni Madam ng pansit sa palengke. “Oh, bertdey n’yo nga pala ngayon.” May magbibigay ng gulay. Nagbigay ako ng pambili ng cake, “‘yung Triple Chocolate cake ha,” bilin na bilin ko. Ayokong lumabas at maulan, kayo na ang bumili sa City Mall. Dal’han n’yo na lang ako ng handa pag-uwi.

Medyo maagang umuwi si Mama ngayon. Inabot sa’kin ang pansit at cake. Habang nagtitimpla ako ng kape nagkukuwento si Mama ng pinagbibigyan n’ya ng kaunting handa. Mabuti kumasya ang isa’t kalahating kilong bihon at isang full roll ng cake sa mga kaibigang manininda. Inabot lang daw ng P240+ 'yung Triple Chocolate dahil sa discount ni Rr. Nagkuwento rin ito ng balak pag-uwi sa Davao sa April 2019.

Ilang taon na bang hindi nakakauwi si Mama sa kanila? Wala na, himbing na’t babangon pa ‘yun ng madaling araw bukas. ? Ilang taon na nga ba si Mama ngayon?

#


Thursday, July 19, 2018

Napanood ko ‘yung Bwakaw


     Napanood ko ‘yung Bwakaw. Tungkol ang pelikula sa buhay ng isang baklang gurang; si Mang Rene. At saka pala ng aso n’yang si Bwakaw, para hindi naman masabing nag-iisa s’ya sa kanyang katandaan.

     Ipinakita ng Bwakaw ‘yung mga bagay na nakakatakot sa pagtanda- pagtanda nang mag-isa. Nagiging bugnutin at maligalig. ‘yung naiinip sa bahay kaya papasok na lang sa trabaho kahit retirado na. ‘yung gumagawa ng huling habilin sakaling may mangyari. Parang ambagal ng oras. Naghihintay na lang sa paglubog ng araw.

      Merong santo entierro si Mang Rene, na milagroso diumano. Maliit pa lang daw ‘yung santo nang makuha ng ina ni Mang Rene at Nitang sa Paete pero habang tumatagal ay lumalaki diumano ang santo. Katabi nga ito ni Mang Rene sa pagtulog kahit na may hinanakit s’ya sa santo dahil hindi napagaling ang nanay n’ya noon. Tapos, parang biro na isa-isang nangangamatay ‘yung mga nasa paligid n’ya gayong s’ya ‘tong hintay nang hintay at handa nang handa sa kamatayan n’ya. Pero may isa pang isyu si Mang Rene na ngayon n’ya lang kinakaharap. Puwede pa lang umabot sa ganung edad at may mga isyu ka pa rin sa sarili.

     Pinaka gusto ko ‘yung eksenang inalisan muli ng balot ang mga display sa bahay at nagkurtina ulit si Mang Rene ng bahay n’ya. Nakakaaliwalas. Nakakagaan. 

#

  

  Ay! Wait! Artista na pala ‘yung kaibigan ko nung hayskul! Indie starlet!


Tuesday, July 10, 2018

Hulyo 09, 2018



“Kumusta ang internship mo?” tanong ko kay Babes habang sinisipsip ang Kalderetang buto-buto noong Linggo ng tanghali.

“Same-same,” sagot ni Babes.

Internship na ni Babes! Sa Maynila! Dahil Communications s’ya, sa isang dambuhalang broadcasting network s’ya nag-apply. Niloloko nga namin na baka ma-assign s’ya sa isang ‘afternoon-time’ show. Sasabihin lang ni Uloy na “hep-hep!” at sasagot naman ako ng “hooray!” Minsan nakikita ko pang halos makain na ng host ang kili-kili ng isang ale para lang makuhang studio player. Qiqil mode sa pagtaas-taas ng kamay, pa’no kasi instant 5 tawsan!

Nabigo kaming mapasalubungan ng jacket. Nakuha s’ya sa isang radio program. Kung saan nag-eekis s’ya ng mga papel na puwede pang sulatan sa likod ng mga writers at minsan ay nananawagan para sa mga nawawalang mahal sa buhay. Pinaka mahirap na ‘yung sumasagot sa mga naka-stand by na beat reporters.

Maulan noong Linggo dahil sa bagyong Maria, tapos wala pa akong payong, kaya kena E-boy na ako natulog. Kahit nag-cancel na ng pasok in all-levels ang maraming lugar sa NCR at CALABARZON, maaga pa ring lumuwas si Babes. Mga alas-kuwatro ng madaling araw. Medyo nalanghap ko ang marinated pork chop na prinito ni Mrs. P. nang bandang alas-tres.

Mga bandang alas-siyete o alas-otso, nagbukas na ng pinto si Pastor. Bumangon na ako. Nakakasilaw ang liwanag ng haring araw. Parang wala namang bagyo. Nakaupo lang ako sa hinigaan ko at nagpakasilaw sa liwanag. Sunod namang lumabas si Mrs. P., nadukutan daw si Babes.

Kaninang mga bandang alas-sais, nadikitan s’ya ng isang babaeng nakapayong. Pero s’yempre wala naman s’yang kamalay-malay na mandurugas ito. Nang magbabayad na s’ya sa dyip napansin n’yang wala na ang wallet n’yang may elepante mula sa Thailand. Tinatayang nasa isang libong piso ang nalimas ng suspek. Allowance n’ya. Buti may pera pa s’yang 900 pesos dahil pinilit s’ya ni Mrs. P na paghiwalayin ang kaperahan bago sumakay ng bus. “Ayaw pa ngang paghiwalayin,” sabi ni Mrs. P. habang naghahain na para sa almusal.

Nasa mesa na rin sina Lola Nitz at Tay Noli. Kino-compute daw ni Babes kung aabot ang natirang pera hanggang Biyernes, “papadalhan ka na laang kapag ika’y nahihilo na,” sabi ni Pastor.

Ang aga ng mga kawatan sa NCR mga kapuso. Sabi ni Bo, baka pagkagising ay dumeretso na sa raket si ategurl kahit wala pang almusal. May pang-vanilla latte na si ategurl, dinaig pa si Babes. Sina Bo at Uloy naman ang paluwas papunta ng seminaryo maya-maya. “S’ya, ang inyong mga pera’y paghiwalayin n’yo,” mariing bilin ni Lola Nitz. “Naku, ay wala naman hong paghihiwalayin si Alquin e.” sabi ko.

Ang laki ng pangangailangan ng mga studio players sa Maynila.