Wednesday, December 19, 2018

Paskuhan



   Dapat katorse pa raw nagpa-check up si Mama sa OB n’ya. ‘numpetsa na. Puro Christmas party kasi. Maraming nagpapa-party sa community ng differently-abled. Season of love and sharing nga kasi. May mga grupo, may ilang politiko, at ilang mga yamanin. Nagpaparapol, namimigay at nagpapasko, ‘yung mga politiko, nangangako; ‘yung isa may pa-toothpaste na may mukha n’ya.

   Nahigit daw si Mama ni Sir Ben sa isang Paskuhan. Nakapila na’t nakapagpalista sa Amazing Grace si Mama, e pauli-uli raw si Sir Ben, e naka-wheelchair ‘yun.  May 70th birthday celebration at napili n’yang magbigay sa pamilya ng mga may kapansanan. Proxy si Mama sa isang di makaka-attend na beneficiary.

   Maganda raw sa lugar. Maaliwalas at ang gaganda ng halaman. Wala raw mga puli-pulitiko. Walang mga bigating tao. Sila-sila lang daw at mga malalapit na kaibigan at kamag-anak. Hindi pa raw naghanda sa lagay na ‘yon ang matanda pero nagbaba ng lechong baka sa mesa at ang daaaaming pagkain. “Ta’s, wala kayong dala?” kako.

   Nahiya naman daw si Mama. Kilala n’ya ‘yung ilan sa mga magulang doon. Talagag walang-wala. ‘yung mga anak-anak ay nagkuyampit sa mga magulang. Ang dudungis pa. ‘yung iba ro’n hirapan sa pamasahe para ma-enroll ang anak sa SPED center sa bayan. Alam ni Mama kasi ginagalugad nila ‘yan sa mga baranggay kasama nga si Sir Ben. Ang kinahihiya ni Mama, hindi naman kami hikahos.

   ‘yung isa nag-half day pa sa trabaho, balak pang pumasok sa hapon at sayang ang isang daan pang sasahurin. Pinagkakasya ng single parent na ‘yun ang Php 200 sa apat nilang anak. Mabuti na lang at nakatanggap sila ng isang sakong bigas, isang hamon, at Php 2,000. “Kahit mag-leave pa ko ng isang linggo ngayon,” biro raw nung nanay. Nag-uwi rin si Mama kaya bukas ang ref hanggang Pasko.

   Sa isa pang Paskuhan sa Plaza naman. Ihinihinga raw nung isang nanay ‘yung anak n’yang nagme-maintenance na’y na-dengue pa. Hindi ko naintindihan kumbakit naging single parent ito, kung nabalo ba o ano. Ayokong intindihin ang kuwento ni Mama. Ilan sa mga nahagip ko ay nagtagal sa ospital ang isa sa mga anak. “Minsan nga nagtatampo na ko sa Diyos at ipinisan na samin ang lahat,” ang natandaan ko sa kuwento ni Mama. "Kaya nga tayo nagpa-party, ikaw naman..." sabi ni Mama. Buti na lang at tinawag daw s’ya para mag-ayos ng pagkain at kundi ay mag-iiyakanna sila sa kasagsagan ng Paskuhan nila. 

   Mabuti at kahit papano’y may Pasko.
  
  

Disyembre 16, 2018


Lahat ng niyaya kong non-PhiLit friends  (not into Philippine Lit.) ay hindi puwede. Wala akong kasama papuntang awarding ng Saranggola. Wala akong napilit. Tinatamad tuloy akong pumunta. Ansaket pati ng ulo ko. Linggo pa naman, ang hirap pasukin ng Makati. 'yokong mag-standing hanggang Buendia. Uwian pa naman.

Panato ko na kasi ito, 'sang dekada na pati ang Saranggola. Marami rin 'tong natulong sa'king pagsusulat. Hinigit ko ang sarili ko para maligo. Kahit malamig ang tubig bandang alas onse. Di ako aabot neto. Naghanap a ko ng lavender calming balm ko pero di umano'y di raw alam ni Mama kung sa'n nakalagay. Pero s'ya talagang nakawala noon. Nagpauli-uli na 'ko kakahanap. Di ako aabot talaga.

Ito ang plano: sumakay sa Lucena Grand Terminal para siguradong nakaupo. Mula Grand, 248 pesos na pala pamasahe pa-Buendia! At di ko naisip ang choke points ng Sariaya, San Pablo at Sto. Tomas. Di ako aabot talaga. Alas sais nasa slex pa lang ako. Nung makalampas ako ng Alabang, nag-check na ako ng hashtags, may picture taking na. Kahit mag-Grab pa ko nagtatanggal na ng table cloths. 

Paano ba ko nagpunta dati? Nakitulog na ako sa Maynila noon. Kaya pagbaba ko ng Gil Puyat, nag-take out lang ako ng kape at fries at sumakay na uli ng bus pauwi ng Quezon. Binalabalan ang sarili at namaluktot. 

Dyord
Disyembre 16, 2018
South Luzon Express Way

Thursday, December 13, 2018

' Ginagawa Ko



So ‘yun na nga nasa conservation work na nga ako ngayon.

May bahagi pa rin naman na makikipag-usap sa komunidad. Kahit mahiyain ako, hindi matatanggal sa’kin ang makipaghuntahan sa mga tao sa paligid. Introvert but in social work. May pagdugsong ang pangagalaga sa kapaligiran at pagpapaunlad ng komunidad. Nagbubukas ang ginagawa ko ngayon ng maraming pagtingin at pagsilip sa mga bagay-bagay.

Kakatapos lang ng mga senior high kung saan inaral namin ang sampung taong management plan ng kabulkanan ng Taal. Alin ang mga drawing lang at alin ang nakulayan na. May mga makulay namang natrabaho ang konseho at marami pang tatrabahuhin. Naririnig din ng mga tao sa komunidad ang paghimaymay namin sa management plan. Nung last day nila, inabutan nila ako ng be my guest card ng McDo. Alam ko pinagtrabahuhan nila ‘yun, part-timers ‘yung iba. After ng maghapon na immersion, tatakbo pa sa duty sa gabi.

May bumisita ring mga law students at nag-aaral ng environmental laws. So, pandiaral din ako ng NIPAS, E-NIPAS, at iba pang RAs. Pinagpawisan ako sa mga tanong ng mga law students. Siyempre mas marami silang tanong sa geography at volcanology ng Taal kaysa tungkol sa policies. Tapos, nag-role playing sila at nanood kami. May tungkol sa pagkuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC) at Boracay closure. May pagkateknikal sa pagpapaliwanag ng batas pero may halong kwela din kasi nga role playing. Pinaka trip ko ‘yung nag-file ng petition ang mga balyena at dolphin sa Tanon Strait sa Supreme Court laban sa JAPEX dahil sa negatibo nitong epekto sa dagat. May kaklase pa silang ang role ay dolphin at whale na nangisay-ngisay. Kaya ko siguro favorite. Locus standi o legal personality daw ang wala sa mga marine mammals na ito para humarap sa korte pero protektado ng Konstitusyon ang karapatan nila: the right to life. Nanalo tayo sa kasong ‘yun, o di ba may pag-asa pa ang Hudikatura natin.

Ngayong gabi naman ay mga wildlife biologists, nagsisisid sa lawa in search of Hydophis semperi  o duhol basahan sa wika ng mga mangingisda. Sa biodiversity naman ang lente ko ngayon. Nagtanong s’ya kung kaya ko raw bang mag-identify ng mga ibon sa huni, “NO! Not a birder” kako. Sabi n’ya snaker daw sila, they work on reptiles. Nagatnong pa s’ya kung may ahas ba raw sa paligid ng conservation center beside from the water snakes. “Haven’t seen any yet.” Panis ka, English! Sa loob ng dalawang oras na pagsisid nakakita sila ng 9 na duhol basahan at marami na ‘yun. Sabi ng lokal na mangingisda, panahon talaga ngayon ng pagpaparami nila. Bago at pagkatapos maghapunan huli nang huli ng palaka, teko gecko (tuko sa’tin), at may reticulated python pa! Malapit lang sa sampayan ko! “Why is it that snakes are coming out?” “Because somebody’s looking for them” “Does it has poison?” “What does it eat?” “It has a full-belly!” “What do you call that” “Does it bite?” Ang ingay namin kapag nakakakita ng kakaibang species. At least, kakaiba for them na galing sa Saipan at Guam.

Ang dami ko pang tutuklasin sa maliit ko lang na paligid. Ang dami ko pang science na babasahin. At kulang pala tayo sa wildlife documentaries, pati sa accessibility nito sa madla. Ang yaman-yaman natin! #BiodiversityBatangas

#

Tuesday, December 11, 2018

Disyembre 11, 2018




Ang bilis ng panahon, naubos na agad ang interns namin. Tapos na sina Red at RA na tourism interns. At ilang oras na lang at tapos na rin ang senior highs. Marami naman silang naitulong lalo na sa mga minimal tasks na pagkarami-rami. Laking tipid din ng non-profit dito ha.

May sharing time kaming tinatawag. Pinag-review ko sila ng mga readings na dapat kong aralin 'tas ise-share nila isa-isa ang mga key ideas sa chapter na 'yon. Open for grilling ang nasa unahan. Same tactics pa rin ako kapag na-raffle sa time card at hindi nakasagot sasayaw ng level up. Ang laki ng natipid kong time at mental energy! Sabay-sabay kaming natuto sa conservation work, kapag wala talagang may alam sa nabanggit na terms kinokonsulta namin si Google. Madalas sa ilalim ng punong Dap-ay kami nag-iihawan, nagre-report pala.

So 'yun na nga, nagpa-quiz ako tungkol sa Taal Volcano Protected Landscape Management Plan sa mga senior high na nag-immersion (literal na nag-immerse dahil lumusong sila sa lawa). Enumerate environmental issues, processes by which soil is formed, functions of forest at disaster risks; isang beses lang puwedeng ma-count na tama ang sagot. Paunahang magsabi ng "Darna!" para ma-claim 'yung inenumerate mo na sa'yo lang! The rest na may kagayang sagot sa sinabi mo; mali na. Kaya naman; the scores. Urghs.

Nagkokopyahan pa ang mga bata, hindi naman recorded. Kaya may 5-10 seconds lang to answer each item. Kung alam mo talaga kayang masagutan agad. Ang average time para makakopya sa isang identification or enumeration type quiz ang isang estudyante ay 11 seconds lang. 

"Ok, count the number of correct answers. Right minus wrong," sabi ko.
At nabulabog ang lawa.

#
Dyord
Disyembre 11, 2018
Sittio Lipute, Brgy. Kinalaglagan, Mataasnakahoy, Batangas

Wednesday, December 5, 2018

Disyembre 05, 2018



Kanina dumating na ‘yung mga bagong interns.

Iiwan na ko ng dalawa kong tourism interns na sina Red at Rose Ann at para maiba naman imbes na patanghalian o painom ang exit party nila magpapaalmusal sila, sagot ko ang kape. I need stamps para sa planner.

Galing din sa isang pribadong paaralan itong 10 bagong interns; mga STEM students. May allergic sa seafoods at sikat ng araw. Pero hindi lahat rich kid. Mga tatlo o apat sa kanila may trabaho sa isang fastfood chain. Ang lakirin pala ng tuition sa senior high, ‘yung isang taon nila halos buong college life tuition fee ko na!

Phones are allowed during lunch time only and documentation purposes. No activities performed prior to timecard signing. Sinubukan kong maging istrikto for several hours pero hindi talaga bagay. Hindi talaga ako nakakatakot.  

Hindi ko naman sila pinagmalupitan. Pinaglampaso ko. Pinagwalis. Pinagtanim. Pinag-report. Sa unang araw pa lang ‘yan. May assigned readings sila on top of paglilinis, pagsalubong sa bisita, lectures, agri-chores at long-term na project. Exciting ‘yung project! Parang basic research na ang final output ay parang exhibit. On the next blog na lang ang details. Sabi kasi sa kontrata ng partnership ko sa school “minimal tasks”, e minimal lang lahat sa’kin ‘yan! T'saka isang linggo lang naman sila.

Binigyan ko naman sila ng option, puwedeng lumipat sa ibang opisina na magpapa-photocopy at mag-eencode lang kayo. Walang pali-paliwanag kung anong nagaganap sa paligid. Meron pa ngang nagbabaklas lang ng mga dokumentong naka-stapler. Tinanong ko kung wala bang lalaki masyado sa STEM. May grade requirement kasi sa pagkakaalam ko.  Nasa loob daw ng isang clinic ang internship nila.  Maiinip naman daw sila kapag nasa loob ng isang bldg. 

Tingnan natin ilan na lang ang papasok bukas.  


#


Dyord
Disyembre 05, 2018
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan, Mataasnakahoy, Batangas

Tuesday, December 4, 2018

Trip to Tiaong: Absent

Sa Bantayan ang sakayan papuntang Lipa. 'yun ang tunay na pila na may waiting time na 30 mins. Nananalamin ang drayber sa side mirror dahil may ilang minuto pa kami. Parang may kulang habang nasa loob ako ng dyip. May hindi tama. May mali talaga. May kakaiba.
Hanggang sa narinig ko na 'yung "Lipa, Lipa!", hindi sa barker kundi sa drayber! Ang gara pala kapag hindi legit na barker yung nagtatawag ng pasahero. Parang shameless plugging. Hindi rin kumportableng magsisigaw 'yung drayber. Mga dalawang beses ko lang s'yang narinig magtawag at nagpaandar na s'ya ng makina.
Absent ang barker ngayon. Umula'tumaraw, mula first trip ng alas singko hanggang last trip ng alas nuebe, walang holi-holiday, walang cola-cola, sopdrinks lang; and'yan yung barker. Ano't wala s'ya ngayon?