Wednesday, December 19, 2018

Paskuhan



   Dapat katorse pa raw nagpa-check up si Mama sa OB n’ya. ‘numpetsa na. Puro Christmas party kasi. Maraming nagpapa-party sa community ng differently-abled. Season of love and sharing nga kasi. May mga grupo, may ilang politiko, at ilang mga yamanin. Nagpaparapol, namimigay at nagpapasko, ‘yung mga politiko, nangangako; ‘yung isa may pa-toothpaste na may mukha n’ya.

   Nahigit daw si Mama ni Sir Ben sa isang Paskuhan. Nakapila na’t nakapagpalista sa Amazing Grace si Mama, e pauli-uli raw si Sir Ben, e naka-wheelchair ‘yun.  May 70th birthday celebration at napili n’yang magbigay sa pamilya ng mga may kapansanan. Proxy si Mama sa isang di makaka-attend na beneficiary.

   Maganda raw sa lugar. Maaliwalas at ang gaganda ng halaman. Wala raw mga puli-pulitiko. Walang mga bigating tao. Sila-sila lang daw at mga malalapit na kaibigan at kamag-anak. Hindi pa raw naghanda sa lagay na ‘yon ang matanda pero nagbaba ng lechong baka sa mesa at ang daaaaming pagkain. “Ta’s, wala kayong dala?” kako.

   Nahiya naman daw si Mama. Kilala n’ya ‘yung ilan sa mga magulang doon. Talagag walang-wala. ‘yung mga anak-anak ay nagkuyampit sa mga magulang. Ang dudungis pa. ‘yung iba ro’n hirapan sa pamasahe para ma-enroll ang anak sa SPED center sa bayan. Alam ni Mama kasi ginagalugad nila ‘yan sa mga baranggay kasama nga si Sir Ben. Ang kinahihiya ni Mama, hindi naman kami hikahos.

   ‘yung isa nag-half day pa sa trabaho, balak pang pumasok sa hapon at sayang ang isang daan pang sasahurin. Pinagkakasya ng single parent na ‘yun ang Php 200 sa apat nilang anak. Mabuti na lang at nakatanggap sila ng isang sakong bigas, isang hamon, at Php 2,000. “Kahit mag-leave pa ko ng isang linggo ngayon,” biro raw nung nanay. Nag-uwi rin si Mama kaya bukas ang ref hanggang Pasko.

   Sa isa pang Paskuhan sa Plaza naman. Ihinihinga raw nung isang nanay ‘yung anak n’yang nagme-maintenance na’y na-dengue pa. Hindi ko naintindihan kumbakit naging single parent ito, kung nabalo ba o ano. Ayokong intindihin ang kuwento ni Mama. Ilan sa mga nahagip ko ay nagtagal sa ospital ang isa sa mga anak. “Minsan nga nagtatampo na ko sa Diyos at ipinisan na samin ang lahat,” ang natandaan ko sa kuwento ni Mama. "Kaya nga tayo nagpa-party, ikaw naman..." sabi ni Mama. Buti na lang at tinawag daw s’ya para mag-ayos ng pagkain at kundi ay mag-iiyakanna sila sa kasagsagan ng Paskuhan nila. 

   Mabuti at kahit papano’y may Pasko.
  
  

No comments: