Tuesday, April 9, 2019

Abril 09, 2019



Nitong weekends lang, galing kami ng interns sa Glorietta; sina Danice, Vane, Brendan, Joy at MJ. Isinugo kami ng lawa ng Taal para mangulbit ng mga tutulong sa kanya. Sa ibang wika, walang pera si NGO at naghahanap ng volunteer o unpaid work. Meron pa bang busilak ang puso these duterte days?

May 25+ non-profits sa Glorietta 2 noong Sabado’t Linggo na nakatayo at kumakausap ng mga dumadaan at sumisilip na mall-goers. Mula sa bukas na istrakturang lampas-lampasan ang mga ibon, malawak na lawa, mapuno at luntiang paligid, nasa isang concrete na ecosystem kami ngayon at ang pinaka mapanirang species ang kasama namin- mga tao. Nanibago lahat kami. Ang dala lang naming marketing materials ay in-house printed flyers at dalawang infographics na printed sa parchment paper; plastar- may environmental booth na kami na puwedeng mabulok sa loob ng dalawang linggo lang.

Katabi namin ang Karinderya ni Mang Urot at Feeding Change, kaya di kami nagutom. Very true to their mission, lagi nila kaming binibigyan ng pagkain. Tumatanggi na nga kami, di dahil ayaw namin ng piyatos o cheepe, ayaw sana namin ng dagdag na isang-gamitang plastik. Kahit katabi pa namin ang eco-bricking non-profit, mas mainam pa ring umiwas sa pagkonsumo ng mga ganitong produkto. Tapos, nanalo kami ng dalawang bag ng gatas sa tetra pack, unli straw pa! Nahiya namang kaming tumanggi dahil out of good intentions naman sila pero we’re so offended.

Maraming wapakels. Dinaandaanan kami. Lampas-lampasan. Binibilisan pa ang lakad tapos kung makailing akala mo nag-aalok kami ng netoworking. Ok lang. Ganun din naman ako sa mall. Bakit ba e bibili ako ng groseri ko tapos kukuwentuhan mo pa ako ng isyu ng isdang tawilis? May mga sari-sarili na tayong laban sa buhay para idagdag pa nila ‘yung ibang isyung panlipunan. Hindi ka na nga nanonood ng balita, pumipikit ka na nga kapag nasa lansangan, tapos lalapitan ka ng non-profit na mag-aaya sa’yong magturo sa mga batang kalye. Kaya nga ako nag-mall para magsine, tumakas sa reyalidad, kunwari laging happy ending tapos babanatan mo ko ng ecosystem degradation at plastic pollution? Gimme a break in these duterte days! Kaya ok lang. ‘wag nating personalin.

May mga nag-stay lang para sa raffle. Ok lang din. No judgment at least may nakinig sa mga ipinaglalaban namin. May nahawakan kaming mga puso. May naimulat na mga mata. Di na rin kami lugi.

May mga may pakialam din naman. Talagang stakeholders ng ating environment, society, justice system, at iba pang pang-aktibistang categories. Nag-sign up para mag-volunteer. Nagbahagi rin ng iba nilang karanasan sa mga komunidad nila. May mga weekend volunteers for 2 years na, merong isang mag-iisang dekada na. Para napapahiram ka ng kapangyarihan kapag nakakausap mo sila.

Gumala rin ako sa iba’t ibang non-profits. Ang daming oportunidad para magsulat. May isang puwede kang magsulat para sa mga lumad na nasasagasaan ang mga karapatan sa NCIP at iba pang ahensya. Puwede ka ring mag-lobby sa bahay mismo ng mga kongresista at senador para sa mga karapatang pantao.

May nanenok pa si Danice na bolpen, sabi ko ako na magbabalik mahirap na nga ‘yung NGO ninakawan mo pa ng bolpen. Pagbalik ko, sa akin na lang daw ang bolpen. “Pinamimigay n’yo talaga?” Hindi raw pero sa’kin na lang daw. “WRITE FOR RIGHTS” sabi ng bolpen. Pakiramdam ko nagkautang tuloy ako.

Nakakapagod pero nakakalakas isiping higit na mas malaki sa’min ang dapat trabahuhin.

#


Dyord
Abril 09, 2019
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan
Mataasnakahoy, Batangas





No comments: