Pitong taon mula ngayon dati rin pala akong intern. On the job training, parang trabaho na. Pakiramdam ko noon nagkamali ako ng kinuhang kurso. Dahil pinagpakain kami ng baboy, pinagpatuka ng manok, pinagkumpay sa kambing, at nanood ng ostrich maghapon, pakiramdam ko nasayang ‘yung mga horticulture at animal sciences namin. Eh kayang gawin ‘to kahit high school graduate!
Hindi ko pinagtiwalaan ang proseso.
Kaya lagi ako noong patakas. Wala akong commitment sa mga institutions ko. Idinadahilan ko ang campus journ noon para takasan ang internship. Ayokong maging ganito ang trabaho ko sa hinaharap. Kung hindi kami sineseryoso ng institusyon baka di rin kami seryoshin ng industriya paglabas namin ng akademya. At eksaktong pitong taon mula noon, ang layo nga ng ginagawa ko ngayon sa internship ko noon.
Fast forward: ako naman ang may hawak ng internship ngayon. May magaling, maraming hindi magaling. Bigla kong naisip na ang kapal ng mukha kong paglinis-linisin ang mga interns. Pinagwawalis ko ng mga laglag ng nagpapalit-dahong talisay. Pinaghuhukay ko ng lupa. Dilig ng halaman. Pulot at segregate ng basura. Hakot ng lumot. DevCom, Tourism at STEM senior highs, bale may isang araw na umabot sa 19 ang interns ko.
Noong intern ako, bitin na bitin ako sa mga lectures sa labas kasi gustong-gusto namin malaman kung anong lengguwahe at galawan sa magiging lugar namin sa industriya. Ngayon, naramdaman kong mahirap pala talagang itigil ang trabaho para magturo ng interns. Kaya naman ave. of 4 hrs per day ang discussion namin. Umuungot na minsan na maglilinis na lang daw sila.
Meron namang tasks at lectures na angkop sa mga pinag-aaralan nila. Mas marami lang talagang mga maliliit na tasks gaya ng pagbabangko, pagpa-file ng papel, paglilinis ng opisina, aba’t minsan ipinagtitimpla pa ako ng kape! Hindi naman ako bossy. Pinilit ko namang magterror-terroran pero wala, parang barkada lang talaga. Hindi naman ako nababastos (pa). Nagbibiru-biruan madalas, ako pa nga ang bully minsan. Nakakapag-deliver pa rin naman ang mga bata pero di nga lang ganun kataas ang quality of work; anong aasahan ko e ngayon lang ‘yan lumabas ng college.
Kaya tiyaga-tiyaga rin ako sa pagtuturo ng matinong pagsulat ng e-mail, ‘wag isulat ang content ng buong e-mail sa subject line, magsulat ng DevCom article, mag-blog at magproseso ng eksperyensya, kumausap ng bisita, mag-handle ng event at tumanggap na rin ng criticisms/rants/ligalig ng kasama namin sa opisina. Oo, may malinggal kaming opismeyt. “Laging simangȍt” ang comment ng mga interns. Ayoko namang problemahin at hindi naman ako HR, tanggapin na lang pero ‘wag paniwalaan lahat ng sinasabi.
Kaya lang ‘yun nga, guilty ako sa favoritism. Nagkakapaborito ako, ‘yung masipag, ‘yung mabilis mag-isip, ‘yung nakakatawa, kasi ‘yun ang masarap katrabaho, hindi mo namamalayan na ang dami n’yo na palang natapos. Di rin naman lamang masyado kasi paborito ko rin silang utusan.
Kada matatapos ang internship lalo na nung senior high na kada limang araw lang, sinusubukan kong mag-detach talaga. Umaalis ako ng group chat. Hindi sa gusto kong itapon nang itapon ang mga limang-araw na pinagsamahan. Nagkaka-sepanx kasi ako. Nag-iiwan pa ng letter, regalo o pagkain ‘yung iba. Ang clingy pa ng ilan kaya hindi naman ako puwedeng tulak nang tulak sa mga nag-aalok ng pakikipagkaibigan. Ayaw nilang itapon ‘yung mga limang-araw na pinagsamahan sa lawa ng Taal. E mas lalo na ‘yung kasama ko ng halos apat na buwan, ‘yung DevCom interns ng Batangas State University. May malakas din akong background sa DevCom since college during my campus journ days.
Ang hirap tuloy I-handle ng galing sa La Salle na Tourism dahil magkaibang-magkaiba silang mag-adapt sa working environment. To the point na gusto ko nang isoli sa La Salle ‘yung interns nila kasi may mga time na nabubuwisit na ako. Nagaganitan ako. Tinanong ko pa ‘yung opisina kung bakit hindi puwedeng tanggihan ang La Salle, unlimited daw ang partnership namin sa kanila. Tinake ko na lang na challenge, resource pa rin ang mga batang ito, kailangan kong mag-isip kung paano ko sila mapapakinabangan, ay matuturuan pala. T’saka mga tao pa rin ‘yung mga ‘to, kailangang maka-graduate. Siguro hindi lang talaga akma ‘yung work place sa skill set nila. Eventually, nakakahabol naman sina Jace, Ella at MJ kahit papaano. Minsan kasi ang directives ko na lang sa kanila ay “be free” or “matulog kayo sa opisina ko para malamig-lamig”.
Palihim akong natutuwa kapag nara-rattle sila.
#
No comments:
Post a Comment