Wednesday, May 29, 2019

May 24, 2019


Ilang araw na lang deadline na ng Palanca. Meron na kong entry. Nakatapos in 2 months na papilit-pilit sa sarili. Hindi naman daw dapat nagsusulat ng tula para sa contest pero minsan yung contest lang yung dahilan para mapilitan kang magsulat. May 14 akong nasulat pero 11 lang ang ipapasa ko na tula. Ang tagal-tagal na naming balak ni Rald sumali, ang consequence na namin ngayon sa di makakapagpasa ay mild lang naman: walang pagsalang mamamatay. 

Kada magkukumustahan kami lagi kong sinasabing malapit na kong mamatay kasi ayokong magsulat. Walang makatas, mapiga. Pero sa pasuhol-suhol sa sarili at pagmamakaawa sa lawa, aba't nabigyan din ng ilang tula. 

Iniisip ko kung anong title ng suit:

Taalarawan
Mga Tula mula Tubig-tabang

Bukas ipapadala ko na pagkatapos magpanotaryo. Tuloy ang buhay. 

Saturday, May 25, 2019

Masteral 2



Recommendations na lang kulang ko.

Nagpaalam ako sa dalawang prof ko nung college. Muntik na pala akong mag-tres doon sa isa nang rebyuhin ko ‘yung grades ko. Nahihiya akong magparekomenda. Ayoko namang mangulit sa form. Idinaan ko na lang sa magandang folder ‘yung recommendation form para talagang seryoso akong mag-aral kahit papano. Wala akong ibang hiningian ng rekomendasyon, sila lang dalawa. ‘yung isa pala ay nagturo pa mismo sa graduate studies na trip kong kunin.

Tapos, naisip ko habang nakahiga ako isang lazy lunes ko (regular yan ha), wala nang mga gani-ganito. Wala nang isang araw sa isang linggo na wala kang plano. Kailangan mo nang magbasa sa mga itinakdang oras dahil tambak ang readings. Bumiyahe ng maaga para pumasok sa klase. Kaya ko kaya?

Eh kung wag ko na lang munang kulitin ‘yung recommendation forms? Kapag di naalala, baka sa second semester na ko pumasok. Makakaipon pa ako. Hanggang sa susunod na taon na ulit. Parang hindi talaga ako matutuloy.


#

Wednesday, May 22, 2019

Napanood ko ‘yung Tao Po



Monologues ni Mae Paner. Buhay-buhay ng iba-ibang mga tao sa implementasyon ng tokhang. Nakakakilabot ‘yung mga imahe, bukod sa mga kuha ni Raffy Lerma, ‘yung mga ipinapakita ng aktor sa entablado. Sobrang totoo. Sa panahon ngayon hindi sapat ‘yung totoo lang, kailangan hindi na lang mabasa sa mga dyaryo o maiulat sa national news para maging totoo yung mga pangyayari. Kailangan iparanas mo ‘yung mensahe at dinala kami ni Mae Paner sa mga crime scenes, eskinita, baranggay hall at hanggang sa sementeryo. Totoong tao ‘yung mga nasa statistics ng ejk: ama, panganay, kapatid, kapit-bahay at hindi lahat rapist o salot sa lipunan. Makikitang ang sistematikong pamamaslang ay nakapagpapababa sa humanidad natin bilang isang lipunan. Mapapaisip ka kung paano tayo humantong sa ganito.

Hindi akmang sabihin na maganda ‘yung pagtatanghal. Nakakaliglig at nakakailing at ‘yun ang end goal e, na kahit inihahain sa mukha natin ang mga pagpatay sa mga balita, hindi dapat tayo nasasanay. Hindi ito normal.

May mali.
#

Salamat sa mga ganitong mga pagtatanghal at free admission pa. Salamat sa La Salle Lipa sa pagpapahiram ng entablado at pagbubukas ng gate sa madla.

Tuesday, May 21, 2019

Dumaan lang

Dumaan lang ako sa bookstore to buy envelopes. Kailangan ko kasing i-seal 'yung grades ng interns ng La Salle. [Mababa, hindi nila puwedeng makita at nakakababa talaga ng dignidad].

Nagbuklat-buklat ako ng mga aklat. Di ako bibili, I said to myself. Andami ko pa kaya sa bahay.

Hanggang nakita ko yung librong may konting pilas sa spine. Walang book title sa cover, isang photo mosaic lang. Buklat-buklat ako ng mga pahina. Tungkol sa creative process. Wala yata ako nito. Baka hindi naman ako tamad talaga, baka wala lang akong proseso. Baka kailangan kong gumawa ng sa'kin para makasulat ako nang mas madalas. Therefore, bibilhin ko na nga 'to.

Ayun, 119 pesos dim. Sinabi ko sa financial manager sa utak ko, hardbound naman, wag ka nang ano. Invest kaya yan.

Tuesday, May 7, 2019

Masteral



     Noon noon ko pa ‘yan goal. Taon-taon ko na isinasama sa listahan. Hinding hindi ako makasumpong ng scholarship. Noong undergrad kasi, baon ko lang ang gastos ko sa school. ‘yung tuition fee ko ay halos 25% lang ng natatanggap kong scholarships. With ‘S’ talaga kasi ginawa kong hanap-buhay. Ngayon tuloy, wala na.

     Pahirapan na nga akong matapos ang courses ko sa Coursera. Hirap kayang isingit sa araw-araw. Isa pa, ambilis kong manawa at tamarin. Tapos, mag-aaral ulit ako sa isang unibersidad?Mas nakakataas ng suweldo kapag may Masters. Mas may karapatang magturo sa unibersidad ‘pag may Masters. Mas pinakikinggan sa’tin kapag may dagdag na diploma.

     Hindi ako nag-aral talaga nung undergrad masyado. Hindi ako tumungtong ng entablado para sa graduation rites. Dapat grumadweyt ulit ako. Sa pangarap ko nang unibersidad; sa UP.

     Nakailang balik na rin kami ng elbi, ang sarap kumain do’n at ang dami pang sightings ng pokemon. Mabilis akong magle-level up. Seryoso, pokemon events ang ipinupunta  namin ng elbi.

     Wala na munang dala-dalawang isip. Handa na kong gumastos. Mag-invest pala. Nanganganib na naman ang aking munting ipon. Pero di na ako makaantay ng maaawa saking scholarship na ibabagsak ng langit, ako na muna ang magtatalang ng sarili ko. Aral na aral na ko.

     Saka na ako magdadalawang isip kapag hindi ako natanggap. Dahil iba ang undergrad ko sa pinili kong graduate studies. Pero mag-aapply lang naman ako ulit. Saka na ko magdadalawang-isip kapag wala na kong pambayad ng tuition.

     “Ma, mag-aaral ako ulit.  Tataas suweldo ko sa future, Ma.”
     “Oh.” Sabi ni Mama na parang alam na ang susunod na linya ko.
     “Pengeng pera?”