I-TA
I-TA ang section ko noong freshman sa high school. 'yung I stands for first roman numeral at TA stand(s) for Tessie Aquino. Bukod sa adviser namin si Mam Aquino, subject teacher din namin s'ya sa Filipino at adviser din s'ya ng lyre band. Si Mam Aquino ang pumipili ng mga hahawak ng baton, kapag napili ka, walang duda na maganda ka at papadal'han ka na nya ng parent's permit para makasali sa banda.
Dahil s'ya ang adviser, s'ya ang mami-meet mo sa first period. Si Mam Tessie Aquino rin ang isa sa pinaka mahusay kong Filipino teacher. Nagbabalarila kami umagang-umaga. Sa kanya ko unang narinig si Lope K. Santos. Naalala ko sa kanya ko narinig ang panlaping 'pan' ay para sa mga salitang nag-uumpisa sa d,l,r,s,t, at nagiging 'pam' o 'pang' kung sa ibang titik nag-uumpisa ang salita. Kinalyo ako dahil ang hilig n'yang magpasulat ng batas ng balarila, tapos dictation mula sa kanyang antigong index cards.
Si Mam Aquino lang din ang bukod tanging adviser ang may kakaibang electoral process ng class officers. May set of officers na ang lahat sa unang linggo ng klase pero kami wala pa. Hinitay n'yang medyo magkakilakilala muna kami. Dahil nga may matang marunong kumilatis si Mam Aquino, iba rin ang proseso n'ya sa paghahalal ng muse and escort. Lahat ng posisyon sa class officers ay lubos na demokratiko liban sa muse and escort nomination na 'guided democracy'. Seryoso at tahimik ang buong klase na akala mo'y pinagalitan. Walang mangangahas na maglilikot kay Mam Aquino, basta may magkahalong mabait at mabangis s'yang aura. Mula kay Dela Pena hanggang kay Gadingan [kasama ko, o baket, kala mo!] ay pinapunta sa unahan; kami ang nominado sa escort at naiwan lang si Garcia sa buong row namin. Nakatalikod kami nang magbotohan ang mga tao. Walang tatlong minuto, may escort na kami. Pinatayo rin ang mga nominado sa muse, pinaharap din sa blackboard para hindi nila makita ang botohan. Walang tatlong minuto, may muse na kami. Walang napagtripang i-nominate, walang hiyawan sa pambubuyo. Patunay na may ilang dekada na s'yang karanasan sa pagpapatakbo ng eleksyon ng class officers.
Naalala ko pa ang samyo ng bagong floorwax na sahig kada Lunes habang nakikinig ng mga pagbabasa ni Mam Aquino ng mga maikling kuwento mula sa teksbuk namin na Gangsa. Naalala ko ang banayad na daloy na pagbabasa ng kuwento ni Ms. Mabuti pero hindi na ang kwento. Naalala kong parang lahat kami ay lutang hindi ko alam kung sa indayog ng pagbabasa o sa amoy gaas na floorwax kada dadako na kami sa mga pagsasalamin na mga tanong. Kung bakit parang hinugot sa philosophy class yung mga tanong sa pagtatapos ng bawat maikling kwento. Lahat kami nakatungo na at palipat-lipat sa mga pahina nang kakatapos lang basahin na kuwento. Nananalangin na 'wag mabunot sa pagbalasa nya ng index cards.
Lahat ng binasa naming kuwento sa I-TA kasama na ang lumang teksbuks na Gangsa ay nasilab sa insidente noong bakasyon ng 2008 nang matupok ang lumang gusali ng Recto. Siguro dahil sa dami na rin ng naipahid na floorwax sa kahoy naming sahig at bagong pinturang mga ding-ding kaya mabilis kumalat ang apoy.
Ilang taon na ring retirado si Mam Aquino at hindi ko maalala kung paano ko nalaman, maliit lang naman na bayan para liparan ng mga maliliit ding balita. Nag-aaral pa rin akong magsulat nang maayos sa Filipino at sinusubukan ding magbahagi ng sariling mga kuwento.
No comments:
Post a Comment