Monday, August 23, 2021

Walang Pagmamadaling Madaling Araw

Kung kailan talaga nakahiwalay ang kaluluwa ng marami, doon mas madaling maghugas ng sarili kaluluwa. Ang banayad lang ng daloy ng paglikha, ng sanaysay, ng kung anong pinagkit-pagkit, ng mga pinaglilinya-linya, ng mga tinatagni-tagni. Kumitil ng mga sandali na parang hindi ka na sisikatan ng araw. 

Sa kaso ko, napansin ko may panahon talaga na hindi ka makakagawa at magpapataba ka lang sa pamamagitan ng pagkonsumo nang pagkonsumo; ng mga pelikula, ng mga libro, ng mga tula, ng mga laro, ng mga kanta. Maglulubalob ka lang sa pagmamaktol na wala kang palong sumulat kahit nakapila naman ang mga  sanaysay, inspirasyon sa tula, artikulo, para gupitan o bihisan. May mga linggo talaga na ayaw bumuka ng gunting, wala munang kliyente. Kapag ganito, ginagawa ko lang lahat ng tungkol sa trabaho.

May mga panahon din, kahit subukan kong pigilan, na gusto kong nakikipag-usap tungkol sa ginagawa mong proyekto o susulatin pa lang. Kahit nasa 5% ka pa lang ng draft, ikinukuwento ko na. Tapos, pagsisisihan ko na kinuwento ko kay ganito o kay ganyan kasi minsan ayaw ko na ng project, nakakahiya lang na di ituloy kasi ikinuwento ko na. Ayun na lang ang nagtutulak para ituloy ang proyekto: kahihiyan. Kahit wala namang pakialam 'yung mga pinagkuwentuhan mo sa proyekto, na hindi naman babago sa inog ng daigdig, na walang bagay kahit hindi ko ituloy; nakakahiya lang. Hindi magandang ugali, pero useful naman para sa gaya kong ang daming gustong gawin.

May mga panahon din na ganito lang, pagbabalik sa mga nagawa na. Paglalatag ng mga nakolektang baraha, pagpili sa mga pamato, pagtataya sa mga bakit. Maaaring paggawa ng lectures, pagpo-post sa social media at pagku-curate ng portfolio. Para kang nag-aayos ng sala sa mga bisita, ihahanay mo lang 'yung mga awards, displays, at pwedeng ikaangat ng kompiyansa mo para makabalik ka sa panahon na kailangan mo nang bumalik sa masukal mong kwarto at makipagbuno sa buwang na buwaya para makaagaw ng isang pangungusap. 

#

May ilang mga madaling araw na hihiga na lang ako'y ang dami ko pang naiisip na gawin. Parang lahat ng mga gusto kong gawin ay nagbuo ng umiikot na elesi sa utak ko para bugawin ang mga dumadapong antok palayo. Dilat ako hanggang alas-kuwatro o alas-singko ng umaga. Minsan kinakabahan ako dahil baka di ko kayanin ang mga kinakaangan ko.

#

Puro sulat, walang hikab. Tinakasan na ako ng tulog, maaga pa bukas.

#

No comments: