Saturday, February 26, 2022

riles8

nagpadala ang ex-workmate ng isang screenshot." may tren na pala sa inyo, amazing" at kalakip ang fare matrix ng ferocaril. hindi alam ni doc na taga tabing-riles kami at kabilang kami sa mapapaalis. amazing may pamasahe na yung tren at may istasyon sa barangay namin. mas mura ng bente pesos ang kabisera ng Lucena. walang nabago sa pamasahe sa dyip papuntang syudad ng San Pablo. hindi na nga muna namin pinapansin ang halos lima- anim na beses na pauli-uli ng tren nitong mga nakaraang araw. wala pa rin kaming kamalay-malay tungkol sa kung saan ba kami pupulutin o kung paano iiikot ang bagong buhay sa lilipatan. teka, may lilipatan ba? may buhay ba sa lilipatan? mahigit kalahati ng bahayan ng Sitio Guinting ang sasagasaan ng pag-unlad. teka, saan pala napunta yung mga dinaanan ng diversion road dati? 

Friday, February 25, 2022

Pebrero 24, 2022

anong ginawa mo? alas singko na at gising ka pa. mabuti pa sana'y nagtrabaho ka na lang magdamag kaysa humiga't naghintay antukin. inumaga ka lang at hindi inantok. kaya mo pa naman matulog nang 4hrs bago gumising at magtrabaho uli. hapon pa naman ang meeting mo. pero wala kang bahid ng hikab. kaya mo kayang magsulat bukas tungkol sa systems admin ng isang website nang walang tulog? 

traydor pa naman kapag itinulog mo ng tanghali 'yan baka ma-awol mo ang meeting at kinabukasan ka na magising. parang kailangan mo talagang magpatas ng mga ginagawa sa utak mo. may background programs sa utak mo na gumagana para magtrabaho nang iba pang bagay kahit may nakalaang araw at oras para doon. naaligaga ka pa rin deep inside kahit anong sabi mo na isa-isa lang at mahina ang kalaban. maging mas mabait pa sa sarili. mas maging mapagpatawad pa sa mga hindi natatapusan. mas huminay pa kahit parang nalalagpasan ng mundo. 

mamaya kakain ka ng masarap na almusal. maayos na tanghalian. maglalaba. kung di matapos ang to do list sa araw na 'to, edi kinabukasan uli. okay lang 'yun. okay lang din na kaunti lang ang sabihin sa meeting. yung kailangan lang na sabihin. ano lang ang concerns na magpapausad sa tinatapos na trabaho. okay lang na mali-mali ang ginamit na terms para sa user interface dahil 3 youtube videos lang naman tungkol dito ang pinanood mo habang sinusulat ang tinanggap na consultancy work. 

maitatawid mo at hindi ka malulunod. nagugutom ka lang, mamaya bumangon ka na para mag-almusal. wala na, hindi ka na magigising ng alarm dahil hindi ka naman nga natulog. alarm clock na nga lang yang cellphone mo, hindi mo pa magamit ng maayos. mahal ng alarm mo, bente mil. asar lang onti, try mo umidlip.





#

Pebrero 24, 2022
Sitio Guinting, Brgy Lalig
Tiaong, Quezon

Saturday, February 19, 2022

Uwi ni Uwe

 Uwi ni Uwe


'yung pinsan kong namasukang katulong sa siyudad ng Alabang sa kasagsagan ng pandemya. niloloko pa nga namin noon, bahala ka Uwe, baka makita ka na lang namin sa mga pandemic dokyu na palaboy-laboy sa kalye dahil naipit ng pandemya sa siyudad. nakisabay s'ya noon sa luwas ng gulay sa divisoria. "kapag hindi ka sinipot ng employer mo, daanan ka namin uli dito" sabi ng byahero ng gulay. 

tanghali pa sya ibinaba. palakad-lakad sa siyudad. alas singko na wala pang employer na sumundo sa kanya noon. na-scam daw yata s'ya. paano raw kaya s'ya uuwi ng Tiaong e wala ngang byahe ng bus pa. "ay pasensya ka na, nag-swimming pa kasi kami" sabi ng amo nya nag sunduin sya kagyat na ng dilim. 

tawa-tawa na lang kami sa mga kwento n'ya dahil umuwi si Uwe matapos ang dalawang taon ng pandemya. 

umuwi si Uwe dahil may inasikaso sa enrolment nya sa school. humingi lang s'ya ng extension sa mga amo nya para makapahi-pahinga sa probinsya. 

mayaman ang pamilya. may apelyido, 'yung amo n'yang lalaki ay may ugali. may mga kasambahay na hindi nagtagal sa bibig ng amo. kuripot na, maligalig pa. nang minsang hindi s'ya tumanggap ng sukli sa Grab driver na halagang 3 pesos, napagalitan s'ya. "Ba't ka namimigay ng sukli?! Magkano lang ang sweldo mo kada buwan?!" sumagot naman si Uwi ng sahod nya. "Kita mo angliit-liit?! Tapos namimigay ka ng sukli!" Pero mamomoroblema naman daw s'ya kung saan magpapabarya sa mamahaling village sa Alabang na wala namang sari-sari store. 

may ilang pabor din na binigay kay Uwe. mabait din sa kanya. hinayaan s'yang mag-aral ng kolehiyo basta wag lang umuwi agad. kapag may klase s'ya, sinasabihan kahit ang mga alaga nya na wag tawagin o abalahin sa kwarto. alam nya lahat ng ATM pin ng mag-asawang amo. pinag-Grab pa nga sya from Alabang to Taguig kung saan s'ya nakasakay ng bus pauwi sa Tiaong. 

noong una ay Inday in the City ang mga kwento nya. sa bangko, inutusan s'yang mag-deposit. ang tagaaaaal, naalerto lang s'ya nang may isa na nauna pa sa kanya kahit kanina pa syang nakapila. "hindi ko alam may queue machine pala! pabasa-basa pa ako ng magazine kaya pala hindi ako umuusad wala akong number!" 

isang Linggo ng umaga, pinag-groom sila ng mga pets sa SM Aura. umawra sila nang nakapambahay, nag-Grab bitbit ang mga doggies nang bago pa makapasok sa entrance ay jumebs ang mga ito sa harapan mismo ng mall. wala silang dalang pandakot kundi inabutan pa sila ng papel nang naawang driver.

tatlo silang magkakasama dati, nag-away yung dalawa sa isang lalaki. naghagisan pa ng gamit sa hindi naman nila bahay. ayun, bagong kasambahay na yung kasama nya. may minsan pang natataranta ang kasama nya kapag may mga nagdo-doorbell sa gate kung anong gagawin at itatawag pa kay Uwi. super guide naman daw sya lagi sa mga patakaran sa bahay lalo na sa seguridad kapag baguhan ang kasama. 

nang malaman nya nga na magfe-face to face class na, nanghinayang sya sa monthly na sinasahod na nya ngayon. buti na lang daw at hindi natuloy. mag-iipon lang sana ng pambili ng laptop pero dahil pandemya pa naman edi kumayod na muna.

matalino naman si Uwe. kumukuha ng Psych ngayon. tamang-tama sabi ng mga amo nya. dahil nay kanya-kanyang business ay pinag-aagawan sya ng mag-asawa kung kanino magtatrabaho si Uwe sa franchise ba ng gasolinahan o sa recruitment agency. "sa'min ka na nagtrabaho, tapos sa'min ka na rin tumira" offer ng mga amo n'ya. magse-second year college pa lang si Uwe ngayong taon. at pabalik na uli ng siyudad bukas. 


#

Thursday, February 17, 2022

struggle for [personal] space.renta

mahirap magsulat these days more than ever. hanap ako nang hanap ng lugar bukod sa bahay namin. sa coffee shop, mahal tapos minsan palya rin ang internet. ayoko talaga nang may tao kapag may sinusulat or inaaral. kahit tahimik, basta alam kong may tao. naiirita ako. hindi ako magsusulat ng para sa trabaho o para sa kung anuman. mahirap lalo na kung kailangang may mga teknikalidad na bago ko lang nasugagaan. 

kailangan ko ng bahay na walang laman kundi upuan at lamesa. 

hanap ako sa e-tindahan (FB group) kung saan pwede mong makita yung kailangan mo. daming lf (looking for) posts kesyo trabaho 'yung 'stay out', yellow corn, ube halaya, nata de coco, hamba ng pinto, marunong magdrawing, sumasagot ng modules for Grade 9; produkto at serbisyo sa e-tindahan.

LF: house/room 4 rent (1 month stay)

laway na laway ako sa mga bahay na walang laman. walang kasangkapan, walang gamit. kada kakausapin ko, okay naman ang presyo pero walang pumapayag sa isang buwang renta. kahit dalawahing buwan ko pa ang alok. wala. may mga nag-aalok pero nasa labas ng bayan o ng baranggay namin. ayoko naman nang may kalayuan. gusto ko pa ring umuwi sa bahay ng naglalakad para kumain o matulog. balik ako sa bahay. sa bahay ako magsusulat, uupuan ko ang buwisit.

may naisip pa ako bago humanap ng paupahan. bumili na ng bahay. 'yung low-cost housing. parang kaya naman pero parang hindi. parang hindi ko pa gusto pero parang kakailanganin na dahil malapit na kaming paalisin sa tabing-riles. sirena nang sirena ang tren ng ferocaril.



Tuesday, February 15, 2022

cake, career and coins.2022

kanina ang nagpakilig na lang sakin ay ang pipirmahan kong kontrata. alam ko, hindi ako dine-define ng salary offer, pero masaya naman ako na pwede na akong kumita nang may dangal. di ko pala sigurado kung kilig o sulit yung pakiramdam pagkabukas ko ng offer. sulit ang mga pinili at tinanggihang trabaho dati.

also, this is my 6th year on insurance policy. actually, advance ako ng isang taon na bayad. alam ko, hindi ito ang kasiguraduhan ng langit at lupa, pero at least may isang konkretong bagay ang sigurado: disenteng libing na walang utang. self love 'yun. okay lang siguro sumubo ng oreo cheesecake, humigop ng hazelnut latte at makipag-usap tungkol sa arts and conservation ngayong araw. tapikin lang ang sarili at bumulong ng "okay naman ako ah". tiyaga-tiyaga lang. 

kagabi, sabi ko kay Mama bili ako ng cake bukas. sa birthday na lang ni Ten-ten sa 24 sabi ni Mama. e gusto ko nang mag-cake bukas. e bakit ka bibili ng cake?! wala, gusto ko lang. pag-uwi ko sa bahay, may cake. "pinautang ako ng mag-aavon ng chocolate cake, bente araw-araw," sabi ni Mama.

Friday, February 11, 2022

sa haba ng gabi

sa haba ng gabi
at walang balak gawin
tumanghod sa mga tala
nakawin ang mga sandali
na mahaba pala sa malapitan

sa haba ng gabi
bantayan ang buwan
masilaw sa mga kislap
ng sandaang muni-muni
na iba'y hihimlay, iba'y isisilang

sa haba ng gabi
bangungot ang bagot
kinumot ang halumigmig
ng nakalimutang mga mithi:
walang masisimulan, ni tatapusin


naghihintay lang na kit'lin 
sa walang pagsalang na umaga

#


 


Tuesday, February 8, 2022

death of a passion? or just a phase?

namamatay ba 'yung passion o umaandap lang? hibernate? o ayaw nating amining namamatay yung dating alab na alab tayo about? sa kaso ko, books, writing, social development, environment at iba pang advocacy. nawawalan ng lasa lahat lately. hindi mo naman masabi na walang nangyayari as I earn from it kahit papano. 'been recognized naman; published dito, published doon kahit mga maliliit na indie press. dahil ba hindi na ako bumabata at being passionate slowly decays. na-aanxious naman din ako about the thought of passions dying. saan ako natapilok? naubos ba ko? may bumubog ba saken? saan ko pupulutin yung mga natapon ko? 

nagising na lang ako isang umaga na walang gana. akala ko usual na lazy day lang, pero ilang weeks na akong walang gana. kahit sa pagkain mismo, kakain lang ako kapag nanginginig na ko sa gutom. mabuti nakukuha kong maglagay ng shampoo at maghilamos 3x a day, 'yun lang ang nagbibigay sa'kin ng kaunting gana kapag nalalapatan ng tubig yung mukha ko, pero lahat wala akong gana about. may mga dapat isusulat sana, kahit may platform naman for publishing, may project deliverables, may books to read; wala akong malasahan lahat at hindi ko alam saang bunganga ng bukanawa huhugutin yung energy. ginagawa ko pa rin naman kaso alam kong hindi matino. may naghihintay ng tinatrabaho ko. kailangan mag-show up e. kailangan kumayod. subo kahit walang lasa. may malaki akong projects in 2 days, kaya bang mag-ayos ng utak sa loob ng dalawang araw ni magdamag nga akong gising ngayon. 

samantalang kahapon dose oras naman akong tulog. 

Tuesday, February 1, 2022

subok sa sining, try lang

Salin ng artists' statements para sa Affect and Colonialism Proposal:


Nais naming subukan na 'makilikha' (gumawa nang may mga nag-aambag) ng mga kaalaman tungkol sa Lawa ng Taal sa Pilipinas bilang Reimahinasyon ng Katimugan at Kronopolitikal na Pag-uusisa ng 'Talamak' na konsepto ng Sustainability. Sa pamamagitan ng Web Lab bilang kabahagi at platform, ang layon ay makalikha ng online, halo-halong learning materials para sa tatlong sektor- lokal na mga mag-aaral, komunidad sa labas ng akademikong impluwensya, at sa mga kaibigan ng Affect and Colonialism.

Nagpapahayag kami ng paglahok, si Jord at Alfred bilang tandm ng akademic at non-academic practitioners sa digital fellowship ng Affect and Colonialism

Sa pamamagitan nito, nakatingin kami sa pagsipat sa Lawa ng Taal bilang lunan ng liksi, kwento at hiwaga na maaaring sumalungat sa taas-babang daloy at paglikha ng kaalaman/impormasyon na daluyong ng globalisasyon. Sa madaling salita, susubukang gawing komyunal na karanasan ang proseso ng pag-alam. 

Nanggagaling si Jord sa kanyang mga pagpapatintero sa consultancy sa mga development agencies, pakikipag-usap sa mga baranggay sa paligid ng lawa, pagsasagwan sa Pansipit na tanging ilog-labasan ng Lawa ng Taal; kasama ng saliksik ni Alfed sa duhol matapang at kolonyal na pagpapangalan, at kanyang mga plano na makipagtrabaho sa kagawaran tungol sa mga bulkan para sa kanyang livestreaming practice bilang pagtatanghal, pag-aaral at pagpalag ay mga pagdaan-daan at pagtatangka na gumawa kasama ng o para sa mga komunidad sa Taal mapa-siyensya, pamahalaan o pagkukuwento.

Kahit na may ilan-ilan nang pagtutulungan simula 2019, medyo mahirap ituloy ang kanya-kanyang mga proyekto kagaya ng karamihan sa gitna ng pandemya. Tinitingnan namin ang WebLab bilang pinto para buksan ang mga oportunidad na ituloy ang mga kanya-kanya at nagkakasalabid na mga adbokasiya habang nagpapasok din ng iba pang maaaring makilikha/makisali sa nais matapusan.

Ang mga ganap namin ay interpersonal at may pagtingin sa kaalaman bilang bagay na may bigat at mailap pa ring maambunan ang lahat dahil nga palaging sa taas nanggagaling. Nakatanaw pa kami sa malayo tungkol sa edukasyon at sustainability, maganda kung sa maganda pero duda pa sa kung kaya dahil sa mga inaasahang sektor na maglalapit sa pananaw ay hindi pa rin maaasahan sa ngayon. Sa huli, sana ay maging lunan ng paghilom at pagpapanumbalik ang mga malilikhang espasyo.