anong ginawa mo? alas singko na at gising ka pa. mabuti pa sana'y nagtrabaho ka na lang magdamag kaysa humiga't naghintay antukin. inumaga ka lang at hindi inantok. kaya mo pa naman matulog nang 4hrs bago gumising at magtrabaho uli. hapon pa naman ang meeting mo. pero wala kang bahid ng hikab. kaya mo kayang magsulat bukas tungkol sa systems admin ng isang website nang walang tulog?
traydor pa naman kapag itinulog mo ng tanghali 'yan baka ma-awol mo ang meeting at kinabukasan ka na magising. parang kailangan mo talagang magpatas ng mga ginagawa sa utak mo. may background programs sa utak mo na gumagana para magtrabaho nang iba pang bagay kahit may nakalaang araw at oras para doon. naaligaga ka pa rin deep inside kahit anong sabi mo na isa-isa lang at mahina ang kalaban. maging mas mabait pa sa sarili. mas maging mapagpatawad pa sa mga hindi natatapusan. mas huminay pa kahit parang nalalagpasan ng mundo.
mamaya kakain ka ng masarap na almusal. maayos na tanghalian. maglalaba. kung di matapos ang to do list sa araw na 'to, edi kinabukasan uli. okay lang 'yun. okay lang din na kaunti lang ang sabihin sa meeting. yung kailangan lang na sabihin. ano lang ang concerns na magpapausad sa tinatapos na trabaho. okay lang na mali-mali ang ginamit na terms para sa user interface dahil 3 youtube videos lang naman tungkol dito ang pinanood mo habang sinusulat ang tinanggap na consultancy work.
maitatawid mo at hindi ka malulunod. nagugutom ka lang, mamaya bumangon ka na para mag-almusal. wala na, hindi ka na magigising ng alarm dahil hindi ka naman nga natulog. alarm clock na nga lang yang cellphone mo, hindi mo pa magamit ng maayos. mahal ng alarm mo, bente mil. asar lang onti, try mo umidlip.
#
Pebrero 24, 2022
Sitio Guinting, Brgy Lalig
Tiaong, Quezon
No comments:
Post a Comment