Uwi ni Uwe
'yung pinsan kong namasukang katulong sa siyudad ng Alabang sa kasagsagan ng pandemya. niloloko pa nga namin noon, bahala ka Uwe, baka makita ka na lang namin sa mga pandemic dokyu na palaboy-laboy sa kalye dahil naipit ng pandemya sa siyudad. nakisabay s'ya noon sa luwas ng gulay sa divisoria. "kapag hindi ka sinipot ng employer mo, daanan ka namin uli dito" sabi ng byahero ng gulay.
tanghali pa sya ibinaba. palakad-lakad sa siyudad. alas singko na wala pang employer na sumundo sa kanya noon. na-scam daw yata s'ya. paano raw kaya s'ya uuwi ng Tiaong e wala ngang byahe ng bus pa. "ay pasensya ka na, nag-swimming pa kasi kami" sabi ng amo nya nag sunduin sya kagyat na ng dilim.
tawa-tawa na lang kami sa mga kwento n'ya dahil umuwi si Uwe matapos ang dalawang taon ng pandemya.
umuwi si Uwe dahil may inasikaso sa enrolment nya sa school. humingi lang s'ya ng extension sa mga amo nya para makapahi-pahinga sa probinsya.
mayaman ang pamilya. may apelyido, 'yung amo n'yang lalaki ay may ugali. may mga kasambahay na hindi nagtagal sa bibig ng amo. kuripot na, maligalig pa. nang minsang hindi s'ya tumanggap ng sukli sa Grab driver na halagang 3 pesos, napagalitan s'ya. "Ba't ka namimigay ng sukli?! Magkano lang ang sweldo mo kada buwan?!" sumagot naman si Uwi ng sahod nya. "Kita mo angliit-liit?! Tapos namimigay ka ng sukli!" Pero mamomoroblema naman daw s'ya kung saan magpapabarya sa mamahaling village sa Alabang na wala namang sari-sari store.
may ilang pabor din na binigay kay Uwe. mabait din sa kanya. hinayaan s'yang mag-aral ng kolehiyo basta wag lang umuwi agad. kapag may klase s'ya, sinasabihan kahit ang mga alaga nya na wag tawagin o abalahin sa kwarto. alam nya lahat ng ATM pin ng mag-asawang amo. pinag-Grab pa nga sya from Alabang to Taguig kung saan s'ya nakasakay ng bus pauwi sa Tiaong.
noong una ay Inday in the City ang mga kwento nya. sa bangko, inutusan s'yang mag-deposit. ang tagaaaaal, naalerto lang s'ya nang may isa na nauna pa sa kanya kahit kanina pa syang nakapila. "hindi ko alam may queue machine pala! pabasa-basa pa ako ng magazine kaya pala hindi ako umuusad wala akong number!"
isang Linggo ng umaga, pinag-groom sila ng mga pets sa SM Aura. umawra sila nang nakapambahay, nag-Grab bitbit ang mga doggies nang bago pa makapasok sa entrance ay jumebs ang mga ito sa harapan mismo ng mall. wala silang dalang pandakot kundi inabutan pa sila ng papel nang naawang driver.
tatlo silang magkakasama dati, nag-away yung dalawa sa isang lalaki. naghagisan pa ng gamit sa hindi naman nila bahay. ayun, bagong kasambahay na yung kasama nya. may minsan pang natataranta ang kasama nya kapag may mga nagdo-doorbell sa gate kung anong gagawin at itatawag pa kay Uwi. super guide naman daw sya lagi sa mga patakaran sa bahay lalo na sa seguridad kapag baguhan ang kasama.
nang malaman nya nga na magfe-face to face class na, nanghinayang sya sa monthly na sinasahod na nya ngayon. buti na lang daw at hindi natuloy. mag-iipon lang sana ng pambili ng laptop pero dahil pandemya pa naman edi kumayod na muna.
matalino naman si Uwe. kumukuha ng Psych ngayon. tamang-tama sabi ng mga amo nya. dahil nay kanya-kanyang business ay pinag-aagawan sya ng mag-asawa kung kanino magtatrabaho si Uwe sa franchise ba ng gasolinahan o sa recruitment agency. "sa'min ka na nagtrabaho, tapos sa'min ka na rin tumira" offer ng mga amo n'ya. magse-second year college pa lang si Uwe ngayong taon. at pabalik na uli ng siyudad bukas.
#
No comments:
Post a Comment