Monday, June 27, 2022

tunganga exercise tayo today

pagkakabilis ng June, kung anong ibinagal ng May. 

umuwi lang ako sa'min tapos natulog, nagpagupit tapos bumalik uli ng Batangas, tatlong araw na agad. tapos, gumising uli ng maaga para magpunta ng travel expo. marami naman akong social energy dahil ang tagal kong nakakulong sa bahay nila. kunwariang marketing officer for a day at nag-aalok ng 40% off sa pinagtatrabahuhang resort ni Rabin. nasa 15 seconds lang spiels ko tapos ipapasa ko na s'ya sa totoong staff kapag nagtanong na about all-in, contracted prices, property management systems, etc. para lang di s'ya umalis. 'yung mga consumers pala minsan nagpapabudol, nagpapakuwento muna. iba-iba rin ang concerns gaya ng mga anak, kaya ba ng commute kasi mahal ang gasolina, pet-friendly ba, kung artista ba ang may-ari ng resort. may ilan-ilang umiiwas sa spiels pero kukuha ng room rates at pipicturan 'yung promo material tapos saka babalik. 'yung magjojowa na kasabay ko sa cafe, may deliberations, talagang isa-isang inaanalyze ang offers at kung ano ang gusto nila pareha. na-realize ko ang hirap ko pala economically na hindi ko afford mag-tavel locally lalo na sa mga jeju-jeju na yan. pero hindi naman ako nalungkot, kasi feeling ko kahit may pera ako hindi ko rin naman gagastusin sa travel at matrabaho ang mag-compute ng mga percent off at mag-isip ng pupuntahan. "yung experience kasi" marami naman ako neto sa resume. haha oh siguro dahil nasa punto lang din yung mga tao na nakauwi na sila, may maayos na silang bahay, kaya gagawa ng mga byahe para lang mas sabihing ang sarap umuwi. ako nagbubuo pa lang ng mauuwian. pakaarte ayaw na lang mamigay ng flyers. habang nasa byahe pauwi iniisip ko kung gusto ko pa bang gawin yung mga dapat gawin kaya ako nakitira kina Rabin, o kung di ko na gustong gawin ay bakit kailangan ko pa ring gawin. ilang araw na naman ng pagtakas sa mga dapat gawin. 

pagkagising ko may itlog at tinapay na sa mesa. binati na ako nina Tita Malou. puwede nang magtimpla ng kape. pansamantala ito muna ang inuuwian ko. 


Monday, June 20, 2022

Nabasa ko ang 'Nakakakita ng Dragon ang Aking Ate'

Tungkol sa Nakakita ng Dragon ang Aking Ate My Big Sister Can See Dragons


Ang My Big Sister Can See Dragons ay akda ni Rocky Sanchez Tirona at sining ni Liza Flores para sa Canvas. Sa loob ng 36 na pahina inilahad ang kuwento tungkol kay Marty, sa Ate n’ya at sa mga dragon. Tungkol ang kuwento sa kung paano, sinu-sino ang bumubuo ng mga kwento at simpleng proseso ng pagbuo ng mga katotohanan.


Nagbukas ang kuwento sa kung gaano kaliit ang tingin ni Marty sa kanyang sarili kumpara sa kanyang Ate. Kesyo mas magaling lumangoy, natatawid ang swimming pool samantalang s’ya ay nakakapit sa Mama nila. Kesyo mas mahabang mga pahinang ang nababasang mga aklat samantalang s’ya ay mga picture books lang. [Kung alam mo lang Marty pagtanda mo babalik ka uli sa picture book phase]. Mas magandang mag-drawing ng aso, alam agad kung German Shepherd o Poodle, samantalang ang sa kanyang aso ay napagkamalang hotdog. Nakalagay ang Ate sa pedestal o baka bangkito lang pala - mas mataas, mas makapangyarihan; mas magaling kaysa kay Marty. Nakatingala si Marty sa Ate.


Matitisod ang brilyante ng kwento sa isa pang kakayahan ni Ate, nakakakita si Gabby ng mga dragon! Baka hindi ka maniwala kaya sabi ni Marty sa puting pahina 12 “Totoo nga!” (It’s true!”). Minsan ituturo ng ate n’ya kung nasaan ang dragon, anong mga kulay nito at ang ‘ritwal’ o mga hakbang para makita ito. Kailangan may ‘ispesyal’ na mga mata. Nanakit na ang mga mata ni Marty kakapilit na makakita ng mga dragon at parang may kung anong puti nga s’yang naaaninag. Parang makikita na rin n’ya ang mga dragon at parang magiging ispesyal na rin si Marty. Nag-organisa pa sila ng dragon party kahit di naman n’ya nakikita talaga ang iba’t ibang dragon na sinasabi ng ate n’ya. Mga detalyeng mas nagpapabuo sa paniniwala sa galing ng Ate n’ya at sa galaw ng mga hirayang dragon. Naniniwala si Marty sa Ate n’ya, kaya naniniwala s’ya sa mga dragon. 


Hanggang sa ikinuwento ng Ate n’ya ang tungkol sa mga dragong itim. Dito na napraning si Marty. Naghalughog siya ng mga sulok-sulok para siguraduhing walang itim na dragon. Hindi makatulog si Marty dahil sa banta ng dragong itim. Nagsimula s’yang magtanong hindi kung totoo ang dragon kundi kung paano s’ya lalaban kung di naman n’ya nakikita? Hanggang lalo s’yang natakot sa mga kaluskos. Yinugyog at sinigawan na ni Marty ang ate para lang magising at isumbong ngang may dragon. Hanggang umamin na si ate na hindi naman s’ya nakakakita ng dragon “gawa-gawa ko lang”, peke, huwad, di totoo. Tinapos na ang paglalaro.


Natanggal sa bangkito ang ate. Baka hindi rin pala ispesyal ang ate. Baka kaya nya ring languyin ang swimming pool. Baka kaya ring magbasa ng mahahabang libro. At baka lang naman, baka kaya ring makakita ng mga dragon. Totoo pa rin para kay Marty ang mga dragon, di n’ya lang nakikita.


Pinakita nina Marty, Gaby at ng mga dragon ang gahiblang pagitan ng imahinasyon at katotohanan na madali lang natapilok para itawid ang ‘gawa-gawa’ sa ‘totoong-totoo’. Pinakita rin ng mga dragon ang risk o panganib ng mga laro ng imahinasyon na walang intensyong magsinungaling at maaaring magsilang ng mga maling paniniwala. Kahit sa simpleng mga bagay ‘yung hindi pantay na kapangyarihan, abilidad, pribilehiyo pala ay maaaring magdikta kung alin ang totoo at hindi basta-basta nababali ang mga isinilang ng persepsyon. Sa takbo ng kwento, may suhestiyon na may pangangailangan ng bakod sa paglalaro gaya nang pagiging responsable ng nagkukuwento lalo na’t pahat o bata pa ang kamalayan ng nakikinig. Hindi kailangang pedestal ang tungtungan para mag-umpisang maging responsable sa pagbubuo ng katotohanan, kahit nasa bangkito lang gaya ng ate ni Marty.



Libreng i-download ang ‘My Big Sister Can See Dragons’ sa Canvas.ph








Sunday, June 19, 2022

tags

Habang nagliliparan ang mga gamu-gamo
sa ilaw ng puyat na fastfood na may sinaunang harapan 
Nakatingin ang di na mamukhaang siyudad sa labi ng lawa
Na ipinagpalit ang halumigmig sa mga gusali, ang mga everlasting
sa mga resto, ang de salaming mga tindahan ay naghilamos na 
at kinumutan ng dilim, bituin ang mga bintana
ng matatayog na tirahang nagsisilbing alahas
Tapos na ang dinastiya ng pinya sa mga talampas
Minamata ang lawang nagpapaluwal ng tawilis sa mga bisita
Gamu-gamo rin ang mga empleyado sa init ng paresan
Punuan na ang mga dyip ng mga hihilata na lang pag-uwi
Habang pumipikit ang siyudad, babagong tumatalsik ang mga tansan
Naghilerang mga kotse na di rin natutulog, ganito na ang siyudad 
sa mataas na lupa, hindi na makilala ng tinatanaw n'yang salamin.

Friday, June 17, 2022

Hanggang Matali

Sana humihiga 
Sa ibang latag


Katabi ang kawalan
Ihele ng laong lumbay

Sindihan-kit'lin ang liwanag
Isumpa ang guni-guning kuliglig

Lumangitngit ang katre
Sa di mapakaling likod

Hanggang sa tumalilis pauwi
Sinupin ang tinatawag na sarili

Hanggang magnasa muling:
Sana nahihiga sa ibang papag

Hiling ang himbing
Madala't matigil

Hanggang sa matali

Wednesday, June 15, 2022

isang gabi ng world news

tumingin ako ng stock market, duguan ang mga tinaya ko. hindi pa tapos ang pandemya may mga banta pa ng panibagong virus. apektado rin ang maraming mga bansa ng Russian war. hindi pa pala tapos lampas sandaang araw na. nanood ako ng world news, para silipin lang yung nangyayari sa ibang bahagi ng daigdig. 

marami nang bahagi ng Ukraine ang nakubkob na. Nagbanta ang UN sa global food crisis dahil naipit ang mga butil sa Ukraine, hindi makalabas sa Black Sea, may mga pantalang di na nagagamit. May mga pagkilos sa Cuba at Ecquador dahil sa mga epekto ng ekonomikal na polisiya lalo na't may kalabsaw sa ekonomiya ng daigdig ang digmaan ni Putin. Nagmamahal ang presyo ng langis sa Pakistan pero bakit tumataas pa rin ang utang nila. Wala pang masilip na liwanag sa takbo ng mga pangyayari sa mundo maliban sa mga scientist ng Gaia Probe 13 na literal na sumisilip ng liwanag. Gamit ang "state-of-the-art optical technology" ay nakapagmapa ng 2 bilyong bituin sa Milky Way. Sino ang nagku-curate ng balita? bakit ganito ang pagkakapatas ng balita may sinadyang existential drama, parang mala tula/komentaryo rin ang paghahanay. 

nagtimpla ko ng kape.
nagpalaman ng akala ko strawberry
pero raspberry pala sa lumang pandesal.

Nagpalayas ng refugees ang UK pero smuggled diumano ang mga ito at ibinalik sa Rwanda. nagpiket ang mga tao laban sa deportation ng mga refugees.May pagpapahinto ng bersyon ng "kontraktwalisasyon" sa Spain. Apektado ang mga industriya pero pabor sa health care workers. 'yung doktor sari-sari na ang trabaho sa ospital, sampung taon nang kontraktwal. napansin ko yung mga journalist nila ambaba ng energy, mukhang pagod. malumanay. antok. kumpara sa mga journalist natin sa Pilipinas, yung energy parang fiesta. parang may pinatutunayan. nagmamadali parang ang mahal ng airtime, maiksi para sa mga nagyari. gusto ko yung lente ng balita sa nagkakaykay sa isang farm or parke yata, baka farm lang sa Spain na maganda kaya mukhang farm. 6months-6months lang daw yung kontrata nya tapos wala na. nagsarado ang balita sa pananaw ng babae farmworker sa reporma sa job market policy, "I can see light now, I can raise a family." walang tele-telescope pero nakakita ng liwanag ang manggagawa.

binasag ulit ang mga balita ng showbiz news, Buzz Lightyear hindi ipapalabas sa mahigit 14 na mga bansa dahil lang may fraction of a second na dalawang babaeng naghalikan. 

sabi ng mga scientists ng Gaia Probe 13, kakaunti pa ang 2 bilyong bituin nasa 99% pa ng ating kalawakan ang hindi pa namamapa. 

Tuesday, June 14, 2022

tunganga

nagising ako nang maaga. may kapeng barako na. may biskwit na thai ang sulat sa pabalat na lasang maalat na fita na pinalamanan ng peanut butter. gustong-gusto ko yung ganitong pakiramdam na hindi ako malungkot at hindi ako masaya. hindi rin naman ako ganado at hindi rin tinatamad. wala akong gustong sundin sa to-do-list na sinulat ko para ngayong araw. ang tagal kong patunga-tunganga sa bintana; basta bangla. hindi lahat may ganitong oras sa kamay nila. wala rin naman akong pera sa pagbangla pero hindi ko pa nararamdaman yung takot na hindi ako de-metrong taxi ngayong mga linggo. walang tanikala ng kontrata, walang dapat ipasa o ipakitang natapos. kaya siguro pinipilit ng isip at katawan kong bumangla, tumulala lang sa lawa. ang tining ng lawa. mukhang yelo sa ilalim ng santing na araw, akala mo'y puwedeng tapakan. nakakarinig ako ng mga pagkayas ng walis ting-ting sa lupa at mga tilaok ng manok. may mga tinanghali pang kuliglig. may dimension akong napipisil, ito yata yung tinatawag nating hawak ang oras. wala namang punong inuuga ang sariling mga tuyong dahon. wala namang dagat na sinusundo ang tubig tabang. panatag ang kapatagan sa katotohanang ang ulan ang papatak. hindi kailangang humiyaw ng bundok para abutin ang alapaap. version ko ba ito ng que sera sera? ano kayang tatapusin ko ngayong araw? wala akong gustong mangyari ngayon. gusto ko lang pakiramdaman ang sariling daloy kung wala, hayaang tining. bibihira ang ganitong mga araw, paaabutin ko pa ng ilang linggo o baka ng isang buwan pa. ano nga ulit yung buhay na dapat ayusin? 

Friday, June 10, 2022

tanaua

galing kami ni Rabin sa Tanauan. may dental appointment s'ya at dahil maaga pa pinuntahan namin yung installation ng Art in the Lake sa harapan ng dating munisipyo ng Tanauan. may bangka na may kung anu-anong balabwit. may higanteng antler na may tila kakaining 'sacred heart'. may bakunawang gawa ang katawan sa hinilerang kalasag ng pulisya. sari-sari sa harap ng dating munisipyo walang bakas ng digma. may mga nag-i-skateboard sa harap ng mga art installations. 

nasa tabing lawa ang trabaho ng Eskinita Art Farm at may pailaw kung gabi. para sa mga di pamilyar, may baybayin ang Tanauan sa lawa ng Taal. para sa mga nakakalimot, malaki man ang industriyal na pisngi ng Tanauan, nakasawsaw pa rin ang paa nito sa lawa. malaki pa ring pisngi ay agrikultural ayon din sa mga datos na nakuha ko sa munisipyo dati sa isang research gig. maya-maya may kausap na si Rabin, si Junix isang local artist na taga-Eskinita at may appointment s'ya sa community affairs. parang nasa iisang daloy ang appoinments namin. at dahil mga kaBatang, nailatag agad ang mga kanya-kanyang 'kagamitan' at kung paano matutulungan ang isa't isa kahit wala pang sampung minutong pagkakakilala.

sa loob ng dating munisipyo nakausap ko si Mam Annie na nagpakilala na heritage museum pala ang gusali. dating ospital. pinagtaguan ng mga hapon. nabomba na dati ng mga kano. naging opisina ng DECS, telegrama, agrarian, NSO, kalihim, agrikultura, silid-aklatan atbp. sabik si Mam Annie sa bisita kaya itinour nya kami paikot dahil turo ako nang turo. bilang dating kawani rin ng gobyerno, nakita ko ang mga dating dokumento sa munisipyo. ang listahan ng mga bahay na sinunog digmaan, halagang 1000 -3,000 pesos ang mga perwisyos; database ng pangalan mga may bahay at damage report. 

kita rin ang mga muebles, mga woodworks na kaugnay ng paglulupa gaya ng paggawa ng karitela, lubid, at mga pambayo ng mga butil (grains). na marami ngayon ay de makina na, binura ng pag-unlad. hindi kalakihan ang gallery pero 'yung kasaysayang lokal, iba yung pakilasa. ganito pala yung Tanauan noong di nalalayong ilang daang taon at may ilan pa na andito pa rin gaya ng ilang paraan ng pangingisda. opkors ang tawilis at maliputo na sisinghap-singhap na ang populasyon at nagbabanyuhay na rin ang panghuhuli na may kabit ng makina at mga pailaw. "nawala na nga yung ibang guno at dangat," dagdag ni Ms Annie, gusto ko sanang sabihin na may scientific interests on goby species na 1927 pa na-observe pero nawawala na nga, pero hindi ko na s'ya kinuwento para hindi masalungat ang daloy ni Ms. Annie.

may mga buslo rin ng mga baranggay kung saan pwede mong ipasok ang kamay para kapain ang produkto o mga ani sa baranggay mo sa tanuanan. kung sa perspektibo ko parang agri-commodity map. makakapa mo rin ang ginagawa at hilatsa ng mga komunidad. may malaki ring sakop ang industrial park na tumatagos yata sa Calamba o Sto Tomas. pisngi ng mga hapon sa Tanauan.

hanggang sa paglabas napansin ko ang punu-punuan na display. "ano po to?!" na parang estudyante nasa field trip. nagkuwento si Mam Annie, dati raw parang nabinat s'ya, may tipos s'ya nang magpadoktor pero hindi nawawala kahit anong igamot hanggang sa pinainom na sya ng dahon ng Anonang o Tanaua. "marami sa'tin n'yan" sabi ni Mam Annie. 

akala ko dati dahil natatanaw ang lumang Tanauang lumubog sa bahaging Laurel-Talisay kay Tanauan. may pisngi pala ng kuwentong sa puno galing ang bayan gaya ng Lipa, Balete, Mataasnakahoy at (baka na rin) Alitagtag. 

na-late si Rabin sa appointment n'ya.

Tuesday, June 7, 2022

struggle for [personal] space.residences

hindi ko pala talaga kayang magkabahay sa subdivision. 

yung nasa palatastas nila ay click bait lang, 'yung hulog from 12k sa ads ay 22k sa actual na hulugan para sa dalawang dekadang terms. olats. Parang sumpa yung utang kapag di ka kikita ng 3 milyon sa loob ng 3 taon to fully pay the house. Naisip ko yung panahon na kailangang ikayod sa pagtatrabaho 'yun. Wala ka na talagang buhay kundi magtrabaho pambayad ng bahay. Kakalat paa ko nun talaga kung mawalan bigla ng trabaho. So, negats. Cancel muna.

Naalala ko offer ni mareng Ashley na pwede raw akong magsulat sa bagong bahay nila. May townhouse sila sa gilid ng malawak na maisan. Dito lang sa'min sa Tiaong. Di raw nila ako papakielaman. Binalikan ko sya sa offer nya dahil tatapusin ko yung isasalang ko sa Palanca. Kung kailan ka kasi may deadline saka may nagpupokpok sa bahay. Dalawang araw at isang gabi akong nagsulat sa kanila, doon ko lang binuo yung 10-page na sanaysay. jusq panget, panget na panget rin ako sa natrabaho ko. Ipinagluto nila ko tapos pinaghugas ko naman sila. Nag-yoga kami ni Mareng Ashley, nanood pa ng Kdrama. Inumaga na sa sala. Nilatag ko lang yung yoga mat ko sa sala nila tapos nahiga na ko. Pagkagising, kape lang deretso edit na uli. Wala akong iisiping gawaing bahay. Hindi ko iisipin ang uulamin ko. Kumain kami ng marinated fried chicken, ginisang kalabasa, tocino, kape at crepe. May kasabay akong kumain. Pribilehiyo na makapagsulat lang. Salamuch!




Gumising ako kena Rabin, Berinayan, Laurel, Batangas. Katabi ng lawa yung bahay nila. Naka-plano rin akong mag-overstay naman dito para magsulat. Iniisip ko magsulat at mag-asikaso ng mga rekusitos para sa Masteral. Gusto kong kumuha ng kurso sa ecoliterature sa England noon pang 2017 kaya rin siguro kumuha ako ng trabaho sa conservation dati. Sa ngayon, iniisa-isa ko lahat ng dapat isulat habang nandito kena Rabin. Hindi ko rin iniisip ang pagkain ko rito o gawaing bahay. Pasasalamat sa pribilehiyong makasulat nang malapit sa lawa. Hindi ko to nagawa dati noong nagtatrabaho ako sa conservation center. Nagpahinga lang ako. At mukhang magpapahinga lang uli ako rito ngayon. Inaantok na naman ako. Ilang araw na kong natutulog ng tanghali. Wala yata lalo akong matatapos dito.