Tungkol sa Nakakita ng Dragon ang Aking Ate My Big Sister Can See Dragons
Ang My Big Sister Can See Dragons ay akda ni Rocky Sanchez Tirona at sining ni Liza Flores para sa Canvas. Sa loob ng 36 na pahina inilahad ang kuwento tungkol kay Marty, sa Ate n’ya at sa mga dragon. Tungkol ang kuwento sa kung paano, sinu-sino ang bumubuo ng mga kwento at simpleng proseso ng pagbuo ng mga katotohanan.
Nagbukas ang kuwento sa kung gaano kaliit ang tingin ni Marty sa kanyang sarili kumpara sa kanyang Ate. Kesyo mas magaling lumangoy, natatawid ang swimming pool samantalang s’ya ay nakakapit sa Mama nila. Kesyo mas mahabang mga pahinang ang nababasang mga aklat samantalang s’ya ay mga picture books lang. [Kung alam mo lang Marty pagtanda mo babalik ka uli sa picture book phase]. Mas magandang mag-drawing ng aso, alam agad kung German Shepherd o Poodle, samantalang ang sa kanyang aso ay napagkamalang hotdog. Nakalagay ang Ate sa pedestal o baka bangkito lang pala - mas mataas, mas makapangyarihan; mas magaling kaysa kay Marty. Nakatingala si Marty sa Ate.
Matitisod ang brilyante ng kwento sa isa pang kakayahan ni Ate, nakakakita si Gabby ng mga dragon! Baka hindi ka maniwala kaya sabi ni Marty sa puting pahina 12 “Totoo nga!” (It’s true!”). Minsan ituturo ng ate n’ya kung nasaan ang dragon, anong mga kulay nito at ang ‘ritwal’ o mga hakbang para makita ito. Kailangan may ‘ispesyal’ na mga mata. Nanakit na ang mga mata ni Marty kakapilit na makakita ng mga dragon at parang may kung anong puti nga s’yang naaaninag. Parang makikita na rin n’ya ang mga dragon at parang magiging ispesyal na rin si Marty. Nag-organisa pa sila ng dragon party kahit di naman n’ya nakikita talaga ang iba’t ibang dragon na sinasabi ng ate n’ya. Mga detalyeng mas nagpapabuo sa paniniwala sa galing ng Ate n’ya at sa galaw ng mga hirayang dragon. Naniniwala si Marty sa Ate n’ya, kaya naniniwala s’ya sa mga dragon.
Hanggang sa ikinuwento ng Ate n’ya ang tungkol sa mga dragong itim. Dito na napraning si Marty. Naghalughog siya ng mga sulok-sulok para siguraduhing walang itim na dragon. Hindi makatulog si Marty dahil sa banta ng dragong itim. Nagsimula s’yang magtanong hindi kung totoo ang dragon kundi kung paano s’ya lalaban kung di naman n’ya nakikita? Hanggang lalo s’yang natakot sa mga kaluskos. Yinugyog at sinigawan na ni Marty ang ate para lang magising at isumbong ngang may dragon. Hanggang umamin na si ate na hindi naman s’ya nakakakita ng dragon “gawa-gawa ko lang”, peke, huwad, di totoo. Tinapos na ang paglalaro.
Natanggal sa bangkito ang ate. Baka hindi rin pala ispesyal ang ate. Baka kaya nya ring languyin ang swimming pool. Baka kaya ring magbasa ng mahahabang libro. At baka lang naman, baka kaya ring makakita ng mga dragon. Totoo pa rin para kay Marty ang mga dragon, di n’ya lang nakikita.
Pinakita nina Marty, Gaby at ng mga dragon ang gahiblang pagitan ng imahinasyon at katotohanan na madali lang natapilok para itawid ang ‘gawa-gawa’ sa ‘totoong-totoo’. Pinakita rin ng mga dragon ang risk o panganib ng mga laro ng imahinasyon na walang intensyong magsinungaling at maaaring magsilang ng mga maling paniniwala. Kahit sa simpleng mga bagay ‘yung hindi pantay na kapangyarihan, abilidad, pribilehiyo pala ay maaaring magdikta kung alin ang totoo at hindi basta-basta nababali ang mga isinilang ng persepsyon. Sa takbo ng kwento, may suhestiyon na may pangangailangan ng bakod sa paglalaro gaya nang pagiging responsable ng nagkukuwento lalo na’t pahat o bata pa ang kamalayan ng nakikinig. Hindi kailangang pedestal ang tungtungan para mag-umpisang maging responsable sa pagbubuo ng katotohanan, kahit nasa bangkito lang gaya ng ate ni Marty.
Libreng i-download ang ‘My Big Sister Can See Dragons’ sa Canvas.ph
No comments:
Post a Comment